Mga Kanegosyo, sa ating huling kolum noong Huwebes, napag-usapan natin ang negatibong epekto ng sunud-sunod na kaso ng food poisoning sa ating maliliit na negosyo.
Kahit mukhang isolated case lang ang mga nasabing food poisoning, malaki pa rin ang epekto nito sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) na nasa food industry.
Sa mga pangyayaring ito, nakukuwestyon ang paraan ng produksyon pati na rin ang kalidad ng kanilang ibinebentang produkto.
Kamakailan, naging panauhin natin si Flordeliza Abrahan, pinuno ng Product Research and Standards Development Division ng Food and Drugs Administration (FDA) sa ating programang “Status Update”.
Sa ating panayam, maging ang FDA ay nagulat din sa sunud-sunod na kaso ng food poisoning sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na ang pinakamalaki ay nangyari sa CARAGA region nang maospital ang mahigit isang libo katao na nakakain ng durian candy.
Sa paliwanag niya, saklaw ng FDA na bantayan ang repackaged at processed na pagkain. Kapag nakapasa na sa standard ng kalusugan at kaligtasan ay binibigyan nila ito ng lisensiya para magbenta.
Ang problema ay hindi lahat ng food products ay nababantayan ng FDA dahil karamihan sa mga ito ay local delicacy na ibinebenta mula sa tinatawag na backyard business o sa loob lang ng bahay ginagawa ang produkto.
Sa mga nakalipas na kaso ng food poisoning, walang FDA certification ang durian candy na nakalason sa libu-libong katao sa CARAGA region.
May certification man ang macapuno candy sa Calamba, natuklasan naman na mayroon itong bacterial contamination na dahilan ng pagkalason ng ilang estudyante.
Sa pag-aaral ng FDA, isa sa mga dahilan ng food poisoning ay sa paraan kung paano inihanda ang pagkain. Ayon sa kanya, mahalaga na malinis ang gagamiting sangkap at maayos ang pagkakahanda nito.
Mahalaga ring tingnan ang wastong storage ng pagkain. Kung madaling masira o mapanis ang pagkain, dapat ito’y inilalagay sa lugar na tama ang temperatura.
Kailangan ding isaalang-alang ang oras ng delivery mula sa pinanggalingan patungo sa pagbebentahan. Kaya bago kumain, payo nila sa mamimili na tingnan ang label at physical condition ng pagkain bago ito kainin.
***
Mga Kanegosyo, inamin niya na maliit lang ng bahagdan ng MSMEs ang mayroong FDA registration at karamihan ay sa bahay lang ginagawa ang produkto.
Ngunit paliwanag niya, may exemption din ang FDA dahil tanging inirerehistro lang sa FDA ang repackaged at may label na pagkain.
Ngunit kung wala naman, hindi na ito kailangang iparehistro sa ahensya.
Sa ngayon, kumikilos ang FDA katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) upang mahikayat ang MSMEs na magpanatili ng kalinisan sa lugar kung saan ginagawa ang produkto.
Handa naman ang FDA na luwagan ang kanilang requirements para sa maliliit na negosyo upang maiakma sa kanilang kakayahan.
Patuloy rin ang seminar ng FDA at DTI sa maliliit na negosyo para mabigyan sila ng gabay sa tama at ligtas na sistema sa paggawa ng food products.
Pumirma na rin ng kasunduan ang FDA sa mga lokal na pamahalaan upang maturuan sila ng tamang sistema para matiyak na ligtas ang pagkaing ibinebenta sa kanilang nasasakupan.
Sa mga hakbang na ito, umaasa tayo na mababawasan na ang kaso ng food poisoning sa bansa at mawawala na ang pangamba sa mga ibinebentang produktong pagkain sa merkado nang lalo pang lumago ang mga ganitong uri ng negosyo!
First Published on Abante Online
Recent Comments