Mga kanegosyo, maliban sa mga isyung may kinalaman sa negosyo, nahaharap din ang ating micro, small at medium enterprises sa mga problemang legal.
Mula sa isyu ng business permit hanggang sa mga regulasyon ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, maraming kinakaharap na isyung legal ang ating MSMEs.
Madalas, ang mga maliliit na negosyante ay walang kakayahang magbayad ng abogado para ikonsulta ang ganitong uri ng problema.
Ang nakakalungkot, may mga okasyon na ang problemang ganito ay nagiging hadlang sa pagsisimula ng isang negosyo o ‘di kaya’y dahilan ng pagbagsak ng kanilang ikabubuhay.
***
Pero hindi na kailangang mag-alala pa ang ating mga kanegosyo dahil malapit na ring magbigay ng tulong legal ang mga Negosyo Center sa buong bansa.
Ito’y matapos pumirma sa isang kasunduan ang Department of Trade and Industry Regional Operations Group (DTI-ROG) sa MyLegalWhiz, isang online-based legal platform na makapagbibigay ng tulong legal sa ating MSMEs.
Sa MyLegalWhiz, maaaring magtanong ang business counselors sa Negosyo Centers ng impormasyon na may kinalaman sa batas ng Pilipinas at magpatulong sa paggawa ng mga kontrata na kailangan ng MSMEs.
Ayon kay MyLegalWhiz founder Atty. Dexter Feliciano, malaking tulong para sa kanila ang pagsilbihan ang libu-libong entrepreneurs sa pamamagitan ng Negosyo Centers.
Ang grupo ay maraming abogado na makatutulong sa pagsagot sa napakaraming isyung legal na kinakaharap ng MSMEs.
Umaasa ang grupo na mabibigyan ng sapat na kaalaman pagdating sa mga isyung legal ang ating MSMEs na makatutulong sa kanilang matagumpay na pagnenegosyo.
***
Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.
Recent Comments