NEGOSYO, NOW NA!: Integridad

Mga Kanegosyo, sa­lamat sa muli ninyong pagsubaybay sa kolum na ito.

Sana ay nakakapag­bigay kami ng mga kaala­man na inyong magagamit para makapagsimula ng negosyo o palakihin pa ang kasalukuyan ninyong kabuhayan.

Tatalakayin natin nga­yon ang mahalagang papel ng integridad sa tagumpay o kabiguan ng isang negosyo.

Sa negosyo man o kahit sa iba pang bagay, isa sa pinapahalagahan natin ay ang integridad natin. Hindi ito mabibili at kailangang ­pagsumikapan upang makita ng iba ito sa atin.

Mahalaga sa isang negosyo ang pagiging ta­pat sa pagpapatakbo nito at ang hindi panlo­loko ng mga mamimili at ­suppliers.

Isa na rito ang pagtupad sa pangako sa mamimili. Kapag ipina­ngako natin sa mami­mili na matibay ang ating produkto, kailangan na­ting tiyakin na ito nga’y tatagal.

Dahil kung ito’y masisira agad, kasama nitong nasira ang ating pangalan sa mata ng mamimili.

Kapag sinabi ­nating isang taon ang ­warranty ng isang produkto, kailangan itong sundin. Kapag nangako na ka­yang ayusin ang isang ba­gay, kailangang ­tupdin.

Magiging sulit ang lahat ng pagsisikap kung mapapatibay natin ang ating integridad sa mga mamimili.

Mag-iiwan ito ng ma­laking tatak sa kanilang mga isipan na tangkili­kin ang isang produkto o serbisyo, batay na rin sa maasahang reputasyon ng isang negosyo.

Ito ang susi sa pagkakaroon ng maraming kliyente o ‘di kaya’y posibleng ikabagsak ng ating negosyo kung hindi gagawin.

***

Malinis na ­reputasyon at tapat na serbiyso ang naging puhunan ni Consuelo Farochilen para mabitbit sa tagumpay ang kanyang Farochilen Group of Companies.

Kabilang sa mga negosyo niya ay may kina­laman sa freight, forwar­ding, remittance, ­travel agency at real estate at nagsisilbi sa Pinoy community sa United Kingdom.

Nagtungo siya sa London noong 1977 upang magtrabaho bilang domestic helper. Makalipas ang ilang taon, inalok siya ng trabaho sa isang freight shipping com­pany.

Nang magsimula na siya sa trabaho, nalaman niya ang mapait na kapalaran ng mga kapwa OFW sa pagpapadala ng pera at package patu­ngong Pilipinas sa ibang forwarding companies.

Delayed ang karamihan sa mga package na kanilang ipinadala ­habang ang perang pina­daan sa remittance ay hindi nakarating sa mga mahal sa buhay sa Pilipinas.

Ito ang nagtulak sa kanya na simulan ang isang forwarding business para sa mga OFW, dala ang pangako na hindi nila sasapitin ang naranasan sa ibang kom­pan­ya.

Alam niya na mabigat ang pangako na kanyang binitiwan at nakataya ang kanyang inte­gri­dad sa kapwa OFWs sa sitwasyong ito.

Tinutukan niyang ma­igi at ng kanyang mga tauhan ang lahat ng padala at tinitiyak na darating ito sa destinasyon sa oras o mas maaga pa.

Hindi nagtagal, ku­ma­lat na ang magandang performance ng kumpanya sa iba pang mga OFW sa United Kingdom kaya nadagdagan pa ang kanyang kliyente.

Maliban sa de-kalidad na serbisyo, may bonus pa siya para sa mga kliyente dahil ipinagluluto niya ang mga ito tuwing weekend sa kanyang bahay.

Ngayon, ang forwar­ding business at remittance center na ito ay isa sa pinakamalaking negosyo sa Earls-Court sa UK.

Ang tapat na pagne­negosyo, pagtupad sa serbisyo at mapagkakatiwalaang reputasyon ang siyang bubuo sa matibay na integridad ng isang negosyo!

 

First Published on Abante Online

Scroll to top