Mga Kanegosyo, si Mang Toto Andres ay isang dating driver at nagtrabaho rin bilang magsasaka sa kanilang bayan sa Aklan.
Upang makadagdag sa kita, pumasok siya bilang ahente ng furniture sa kanilang lugar kung saan siya ay nag-aalok ng ginagawang kasangkapan tulad ng mesa o silya sa mga residente sa kanilang lugar at mga kalapit na bayan.
Madalas, pinagagalitan sila ng mga bumili dahil kumpleto na ang bayad ngunit hindi pa naidi-deliver ang mga order na furniture sa due date.
Kaya naisipan ni Mang Toto na magsimula ng sarili niyang furniture shop dahil nakita niya ang potensyal na kumita mula rito.
Sa isang maliit na lugar lang sinimulan ni Mang Toto ang shop. Gawa sa pawid ang dingding nito habang isang maliit na mesa ang nagsilbing gawaan niya ng furniture.
Kinakantiyawan nga ng kanyang mga kaibigan ang puwesto ni Mang Toto dahil sa sobrang liit nito.
Ngunit tiniyaga ni Mang Toto ang nasimulang negosyo hanggang lumago ito at naging lima silang gumagawa ng iba’t ibang kasangkapan.
***
Subalit noong 2013, naglahong lahat ang pinaghirapan ni Mang Toto at kanyang mga kasama sa paghagupit ng Bagyong Yolanda sa kanilang lugar.
Ni isang gamit ay walang natira sa kanila kaya wala nang paraan para sila’y muling makapagsimula. Nawalan na rin ng pag-asa si Mang Toto na makabangon pa.
Isang taon ang lumipas, nagkasundo silang lima na ituloy ang kanilang nasimulang negosyo kahit kaunti lang ang kanilang kitain.
Noong July 14, 2016, nakumbida si Mang Toto ng isang staff ng DTI-Aklan magpunta sa Negosyo Center sa Altabas para dumalo sa isang talakayan ukol sa pagnenegosyo.
Sa una, inakala ni Mang Toto na biro lang ang lahat kaya doon siya pumuwesto sa likuran ng seminar at pasilip-silip lang kung ano ang nangyayari.
Nang magsalita na ang isang staff ng Negosyo Center, naengganyo si Mang Toto na makinig at nahikayat nang manatili sa kabuuan ng seminar.
Napaganda pa ang pagpunta ni Mang Toto dahil nalaman niya na nakatakda ring magbigay ng seminar si Reggie Aranador, isang sikat na tagadisenyo ng furniture.
Sa unang araw ng seminar, natuto si Mang Toto sa tamang paggamit ng kahoy at paggawa ng kasangkapan mula sa scrap na kahoy. Sa ganda ng seminar, naisip ni Mang Toto na dalhin ang iba pa niyang kasama sa shop.
Nalaman din nina Mang Toto ang tama at mabilis na paggawa ng mirror frame at wood lamp sa loob lang ng dalawang araw.
Hanga si Mang Toto sa sistema ng pagtuturo ni Reggie dahil lahat ng nais nilang malaman ay itinuro sa kanila.
Bilib din si Mang Toto sa ganda ng serbisyo ng mga taga-Negosyo Center sa Aklan. Aniya, isandaang porsyento ang ibinibigay nilang tulong sa mga nais magsimula ng negosyo.
Sa Negosyo Center din nakilala ni Mang Toto si Julie Antidon ng SB Corporation, kung saan napag-alaman niyang tumutulong sa pagpapahiram ng puhunan sa maliliit na negosyo.
Sa ngayon, patuloy ang paglakas ng negosyong furniture shop ni Mang Toto na ngayo’y kilala na bilang Toto’s Woodcraft.
***
Higit sa 500 na ang mga Negosyo Center sa Pilipinas salamat sa Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act, ang kauna-unahan kong naipasang batas bilang senador noong 16th Congress.
Layunin nitong maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad, at lalawigan sa buong bansa upang suportahan ang mga Pilipino na nais magsimula ng sariling negosyo o tulungang mapalaki ang kasalukuyan nilang negosyo.
Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.
Recent Comments