NEGOSYO, NOW NA!: Kapital sa Pagnenegosyo 1

Mga Kanegosyo, hindi ba kakulangan sa kapital o puhunan ang isa sa malalaking hadlang para makapagsimula tayo ng negosyo?

Bago ako naging senador, adbokasiya ko na talaga ang pagtulong sa maliliit na negosyante. At sa araw-araw kong pakikisalamuha sa ating mga kababayan na nais magnegosyo, pare-pareho ang kanilang mga tanong.

“Saan po ba kami makakahanap ng kapital para makapagpatayo ng maliit na tindahan?”

“Saan po kami puwedeng humiram na mababa lang ang interes para mapalago ko ang aming munting negosyo?”

Mga Kanegosyo, iba’t ibang uri ang kapital, mayroong mura at mayroon ding mahal na kapital.

Isa sa sa mga kata­ngian ng magaling na negosyante ay ang kakayahang makahanap ng murang kapital na naaayon para sa ating negosyo.

Mga Kanegosyo, may­roon tayong tinatawag na microfinance industry na handang magpautang para masimulan natin ang pinapangarap na negosyo o mapalaki ang ating kabuhayan.

Palagi kong ipinagmamalaki na ang ating MFI industry ay isa sa pinakamagaling sa mundo. Katunayan, marami nang nakuhang award sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang mga MFI sa ating bansa.

Sa huling tala noong 2013, ang 23 microfinance NGO members ng Microfinance Council of the Philippines, Inc. (MCPI) ay nakapagbigay na ng pautang na P15.26 billion sa mahigit 2.7 million micro-entrepreneurs.

Subalit, karamihan pa rin sa mga negosyanteng Pinoy ay lumalapit sa 5-6 para makakuha ng puhunan. Laking sayang nito, mga Kanegosyo, dahil dehado talaga tayo sa 5-6.

Sa 5-6, nagbabayad tayo ng dagdag na isanlibong piso sa bawat limang libong pisong inutang mo kada araw. Kung susumahin natin, ang buwanang interes ng five-six ay 600 percent! Hindi ba parang ginisa tayo sa sarili nating mantika?

Kung ihahalintulad kasi sa MFI, mga Kanegosyo, nakapadaling makakuha ng pautang sa 5-6. Sa MFI, kailangang dumaan pa sa seminar at maghanda ng mga dokumento bago makakuha ng pautang.

Pero napakalayo naman ng 600 percent kada buwan sa 2.5 percent kada buwan. Hindi ko maisip ang negosyong papatok na kayang malampa­san ang 600% na interes. Sa madaling salita, mga Kanegosyo, sa 5-6, talo talaga ang ating negosyo at mababaon tayo sa utang.

Mabuti na lang at mayroon tayong alterna­tibo sa mga microfinance institutions na hindi lang nagbibigay ng pautang, kundi pati rin training, marketing, at iba pa.

Sa ating Bida Ka co­lumn sa Huwebes, ipagpapatuloy natin ang talakayan ukol sa microfinance NGOs.

Aalamin natin ang mga posibleng tulong para mapalago pa ang ang sektor na ito at ang mga kuwento ng tagumpay sa tulong ng MFIs, lalo na ang mga microfinance NGOs!

 

First Published on Abante Online

Scroll to top