Mga Kanegosyo, noong nakaraang linggo, natalakay natin ang pagkakaroon ng bagong ideya sa pagnenegosyo, na maaaring ilabas natin sa merkado. Naikuwento nga natin na kahit sa basura, may makukuhang ideya na bagong produkto o serbisyo, na ating mapagkakakitaan.
Ngayong linggo naman, mga Kanegosyo, pag-uusapan natin ang kasama sa pagnenegosyo. Pamilyar ba kayo sa kasabihang, “no man is an island?”
Sa buhay, mas madalas, hindi natin kakayaning mag-isa at kailangan natin ng mga katuwang upang ito’y magtagumpay.
Ganito rin sa pagnenegosyo. Maaaring ito’y kapamilya, malapit na kaibigan, mahal sa buhay, empleyado at maging investors. Sila ay mahahalagang bahagi na makatutulong upang magtagumpay ang isang negosyo.
Batay kay Rebecca Smith, isang negosyante at may-akda ng aklat na “Winning Without Losing Your Way: Courage and Honor in Leadership”, nakasaad na “isolation extinguishes the entrepreneurial spirit”.
Ayon sa kanya, isa sa mahirap na bahagi ng pagkakaroon ng negosyo ay ang kawalan ng katuwang na maaari mong hingahan ng sama ng loob tuwing may kabiguan.
Makatutulong din ang pagkakaroon ng katuwang na makakapalitan ng mga bagong ideya para sa bagong produkto, programa o ‘di kaya’y bagong serbisyo na puwedeng ialok sa mamimili.
Maaari ring makahati ang partner sa negosyo sa pang-araw-araw na trabaho, pati na rin sa pagod at stress na dulot ng pagpapatakbo nito.
Kailangan din daw na maging mapili sa pagkuha ng katuwang sa pagnenegosyo upang hindi magkaroon ng problema sa hinahanap.
Ayon sa kanya, mas mainam kung asawa o ‘di kaya’y pinagkakatiwalaang kaibigan ang kuning katuwang sa negosyo. Maliban sa kabisado na ang ugali ng isa’t isa, mas magaan pang katrabaho dahil may pinagsamahan.
***
Ganito ang karanasan ni Maricel Evangelista, may-ari ng Princess Joy Enterprises Palochina na kanyang itinatag noong 2002.
Nag-asawa siya sa edad na 18 kaya hindi na niya naituloy ang pangarap na makatapos ng kolehiyo.
Ngunit hindi lang pala personal blessing ang hatid ng kanyang asawa na si Henry Evangelista, Sr. kay Maricel. Ito rin ang nakita niyang maasahang katuwang sa negosyo.
Gamit ang kapital na dalawang libong piso, nagsimula ang mag-asawa ng maliit na junk shop. Paglipas ng panahon, napalaki ng mag-asawa ang negosyo patungong buy-and-sell ng scrap materials.
Kapag may libre pang oras, nagtatrabaho si Henry bilang tricycle driver habang si Maricel naman ay nagtayo ng isa pang maliit na tindahan.
Kahit maliit o malaki ang kita, hindi nakakalimutan ng mag-asawa ang mag-ipon. Nang lumaki na ang kanilang ipon, sinimulan nila ang negosyong paggawa ng furniture.
Sa una, natakot si Maricel dahil wala siyang sapat na kaalaman sa nasabing linya ng negosyo ngunit sa tulong ng paggabay ng kanyang asawa, nawala rin ang kanyang pangamba.
Si Maricel ang tumayong manager habang ang kanyang asawa naman ang namahala sa pagkuha ng mga tauhan na gagawa ng muwebles.
Anim na taon ang nakalipas, kilala na ang Princess Joy Enterprises Palochina bilang isa sa mga dekalidad na gumagawa ng kasangkapan, hindi lang sa Pilipinas kundi sa Thailand at Japan.
Kamakailan lang, binigyang-pagkilala ang pagsisikap ng mag-asawa nang mapanalunan nila ang Citi Microentrepreneur Award Maunlad Luzon Category.
Nang tanungin ukol sa susi ng kanyang tagumpay, mariing sagot ni Maricel, “ang aking asawa.”
First Published on Abante Online
Recent Comments