Mga Kanegosyo, sa huli nating kolum, tinalakay natin ang DETERMINASYON sa pagsusulong ng pangarap nating negosyo sa pagpasok ng bagong taon.
Huwag nang gumawa ng iba pang dahilan at simulan na ang naiisip na pagkakakitaan kahit sa una’y maliit lamang ito.
Ngayon naman, pag-uusapan natin ang kahalagahan ng tamang timing o tiyempo para magtagumpay ang negosyo.
Sa pagnenegosyo, kailangang palagi tayong alerto sa nangyayari sa komunidad na kinalalagyan ng inyong negosyo at pati na rin sa mga isyung nangyayari sa buong bansa.
Mahalagang nag-aabang ang mga negosyante upang makakuha ng TAMANG TIYEMPO o right timing para lumago at magtagumpay.
Kahit nasa iyo na ang lahat — gamit, tamang lugar at magandang produkto — kung hindi naman ito napapanahon, matatagalan bago ito umangat at bumalik ang puhunan.
Sa ganitong larangan, mahalaga ang maagang pagpaplano sa paggawa at paglabas ng produktong naaakma sa panahon, upang matiyak na malaki ang tsansang kumita.
***
Ganito ang mismong ginawa ng ilang negosyante sa limang araw na pagbisita ni Pope Francis kamakailan sa bansa.
Sa kuwento ng GMA News TV, bumagsak ang t-shirt business nina Gemma Ronda at Shandy Mae Amoroto nang masira ang kanilang produkto at gamit sa pag-imprenta sa pagtama ng bagyong Yolanda sa Tacloban, Leyte noong 2013.
Makalipas ang ilang buwang pag-iipon, muling binuhay ng dalawa ang kani-kanilang mga negosyo noong nakaraang taon sa pag-asang lalakas na ang bentahan pagsapit ng Pasko.
Taliwas naman sa kanilang inasahan ang nangyari dahil naging matumal ang bentahan dahil madalang ang dating ng turista sa lugar.
Sa kabila nito, hindi nasiraan ng loob sina Gemma at Shandy. Itinuloy nila ang planong gumawa ng t-shirt at iba pang produkto gaya ng keychain at coffee mugs para sa pagdating ni Pope Francis.
Nagbunga naman ang sugal ng dalawa dahil gumanda ang kanilang benta kasabay ng pagdagsa ng mga turista sa lugar. Nabawi ang lahat ng lugi sa mga nakaraang buwan at nagkaroon pa ng dagdag na puhunan.
***
Kaya mahalagang alamin na ang mga darating na okasyon sa mga susunod na buwan.
Sa Pebrero, na kilalang buwan ng pag-ibig, tiyak na patok ang pagbebenta ng bulaklak, tsokolate at iba pang pangregalo sa minamahal.
Sa Marso naman, simula na ang tag-init kaya maganda na ang sisimulang negosyo ay may kinalaman dito, gaya ng inuming pampalamig, kasuotan na kumportable at pang-swimming at iba pa.
“Timing is everything.” Sa negosyo, may bentahe ang maagang naghahanda at nagpaplano.
First Published on Abante Online
Recent Comments