NEGOSYO, NOW NA!: Mahabang Pasensiya

Mga Kanegosyo, noong naka­raang linggo, pinag-usapan natin ang kahalagahan ng sariling interes sa pagnenegosyo upang magtagumpay ang ating pinatatakbong negosyo.

 

Kung nasa isip natin ang ating ginagawa o mayroon tayong enterprising mindset, masasamantala nating ang magagandang pagkakataon upang mapalaki ang ating kita.

 

Ngayong linggo, pag-uusapan naman natin ang mahabang pagpapasensiya, na isang mahalagang katangian sa pagnenegosyo.

 

Mahalaga na mayroon tayong mahabang pisi habang pinalalaki pa natin ang ating negosyo, lalo na sa pagpapaikot ng pera. Sa una, mukhang wala nang katapusan ang gastos dahil puro palabas lang nang palabas.

 

Naririyan ang pagbili ng mga gamit para sa opisina tulad ng computer at printer, mesa at upuan, sasakyan para sa delive­ry at ‘di inaasahang gastos tulad ng repair ng puwestong rerentahan.

 

Kailangang tipirin at balansehin ang mga gastos habang hindi pa kumikita. Baka malunod sa gastos at lalo lang tayong maubusan ng pasensiya sa bagal ng pagpasok ng pera.

 

Isa pang realidad sa pagpapapasensiya ang kailangan na­ting tanggapin — hindi lahat ng naisip nating negosyo ay baka pumatok at makagawa kaagad ng marka sa merkado.

 

Kung maikli ang pasensiya ng isang negosyante, hindi na ito magtitiyagang maghintay pa bago makilala ang kanyang negosyo o produkto. Isasara na lamang niya ito at baka hindi na sumubok ng iba pa.

 

***

 

Tulad na lang ni Justin Uy, may-ari ng Profood Internationa­l Corporation na nakabase sa Cebu City.

 

Noong Dekada ‘70, sinubukan niyang pumasok sa negosyo sa murang edad na 15-anyos para makatulong sa ama’t ina at 10 kapatid.

 

Una, pinasok nito ang shell crafting bago sinubukan ang paggawa ng fashion jewelry, manukan, pagtatanim ng kabute at iba’t iba pang maliliit na negosyo.

 

Maliban sa kulang sa puhunan, hindi rin nagtagal ang kanyang mga negosyo dahil sa kawalan ng maganda at matibay na merkado.

 

Sa negosyo naman niyang manukan, naubos din ang kapi­tal niya dahil kinailangan pa niyang gumastos sa patuka ng mga manok. Bukod pa rito, matagal pa ang paghihintay bago mangitlog ang mga manok.

 

Noong Dekada ‘80, napansin nito na nagkalat ang mangga sa kanilang lugar at hindi pinapansin ng mga magsasaka dahil walang gustong bumili.

 

Kung patuyuin kaya niya ang mga manggang nakakalat? Pinasok niya ang pagtitinda ng dried mangoes, na kalat na sa Cebu noon pang ­Dekada ‘50 ngunit karamihan sa mga ito’y home-based lang.

 

Doon na nagsimul­a ang Profood Inter­natio­nal Corporation.

 

Dahil latecomer na sa dried mangoes industry, nahirapan siyang pasukin ang lokal na merkado. Kaya ibinenta niya ito sa Europe, United States at Japan.

 

Ngunit hindi ito na­ging madali para sa kanya dahil mahirap para sa isang papasimula pa lang na kumpanya ang magbenta ng produkto sa isang maunlad na bansa.

 

Sa halip na mawalan ng loob, gumawa siya ng ilang mga hakbang para maging katanggap-tanggap ang kumpanya sa ­international market.

 

Pinasok niya ang toll packing para sa ibang kumpanya tulad ng Del Monte, Nestle at Coca-Cola.

 

Maliban pa rito, ginawa niyang moderno ang kanyang planta at tinuruan ang kanyang mga tauhan ukol sa international standards ng pagpoproseso ng produkto para makakuha ng international certification.

 

Tatlumpu’t apat na taon ang binuno niya bago nailagay ang Profood International Corporation bilang pinakamalaking dried fruit producer sa country.

 

Mula sa mangga, nasa 15 nang tropical fruits ang kanilang pinapatuyo at ibinebenta. Target din nito na makapaglabas ng walong bagong produkto sa mga susunod na taon.

 

Kung naubos lang ang pasensiya ni Justin sa mga pagsubok na kanyang naranasan, hindi niya maabot ang titulong “Dried Mango King” ng Pilipinas.

 

First published on Abante

 

 

Scroll to top