Mga Kanegosyo, isa sa parating inaabiso natin sa mga negosyante ang pagkakaroon ng bagong ideya na ipinapatupad sa ating mga negosyo.
Para makaisip ng innovation o pagbabago sa mga produkto at serbisyo, kailangan ng malikhaing pag-iisip at pag-aaral ng merkado at industriya upang makuha ang kiliti ng mamimili.
Sa kaso ni Josie See ng Peanut World, nakakuha siya ng bagong ideya sa katapat na food cart habang nagbabantay ng negosyo ng biyenan.
Sa aming pag-uusap sa programang Status Update sa DZXL 558 noong nakaraan, nang mag-asawa siya, iniwan muna niya ang pagiging duktor sa mata para tulungan ang pamilya ng kanyang asawa sa pagtitinda ng castañas.
Habang nagbabantay sa kanilang outlet, napansin niya ang katapat na cart na nagbebenta ng mani.
Napadalas ang pagbili niya roon dahil mahilig siya sa mani. Di nagtagal, nagsawa na siya dahil apat na uri lang ng mani ang binebenta ng katapat na cart.
Kaya naisip niya na magtayo ng sariling cart ng mani na may iba’t ibang uri at flavor upang hindi magsawa ang mamimili.
***
Sa umpisa, pinag-aralan nilang mag-asawa ang takbo ng merkado, kung ano bang flavor ng mani ang akma sa mga bata, kabataan at sa mga medyo may edad na.
Mga Kanegosyo, sa kanilang innovation, nakagawa sila ng labing-anim na uri ng mani mula sa candy coated at honey flavored para sa mga bata at spicy at mixed nuts naman para sa kabataan.
Sa mga sumunod na taon, pumatok na ang franchising ng food cart business ngunit naghintay pa ng isang dekada ang mag-asawa bago tuluyang pumasok dito.
Inamin ni Josie na sarado ang isip nilang mag-asawa sa franchising ngunit nagbago ang direksiyon ng negosyo nang mapansin nilang mas mabilis ang paglago ng mga kakumpitensiya sa merkado.
Sa tulong ng isang kaibigan, nakapaglatag ng isang magandang plano at sistema para sa Peanut World, mula sa human relations, accounting at inventory, na siyang pinakamahalagang aspeto sa franchising.
Sumali sila sa Association of Filipino Franchisers Inc. (AFFI), isa sa mga kinikilalang grupo ng franchisers sa bansa.
Mula noon, hindi na napigil pa ang paglago ng Peanut World. Sa ngayon, mayroon na itong 45 outlets kung saan 30 ay pagmamay-ari nila at 15 ay franchised.
Mga Kanegosyo, hindi natapos sa mani ang mag-asawa. Naisip nila na magkaroon ng bagong produkto na katulad sa pagluluto ng mani at nagtinda na rin sila ng iba’t ibang uri ng chicharon.
Maliban sa nakasanayang chicharon, gumawa na rin sila ng chicharong gawa sa balat ng isda para sa health conscious.
***
Mahalaga na mayroon tayong kamalayan sa ating kapaligiran araw-araw. Mga Kanegosyo, sa isang munting pagsusuri sa binibilhang mani, nakaisip si Josie ng bagong ideya.
Napaganda at napalaki nila ang isang simpleng negosyo na mas pumatok sa merkado.
Maganda ring tingnan na hindi sila nakampante sa kung anong mayroon sila at nagdagdag sila ng produkto na siyang patuloy na mag-aakit sa mga mamimili.
Sa pagdagdag ng chicharon sa kanilang produkto, mas maraming pagpipilian ang mga mamimili na siyang ikagigiliw ng mga ito.
Ang kuwento ng Peanut World ay isa sa mga patunay na sa patuloy na pag-iisip ng makabagong ideya, kilos o produkto, lalong mapapalago ang ating negosyo at mapapalapit sa ating pinapangarap na tagumpay!
First Published on Abante Online
Recent Comments