Mga Kanegosyo, minsan ang tagumpay sa negosyo ay hindi lang pagsisikap ng isang tao. Kailangang din ng tulong ng ibang tao, pribadong grupo o ahensiya ng gobyerno para magkaroon ng maasahang pagkukunan ng kita.
Ganito ang kuwento ng mga magsasaka sa Brgy. Catigan sa Toril, Davao del Sur, na nagsimula bilang tenant ng mga lupaing pinagtatamnan nila ng kamatis.
Dahil mahina ang kita, nabaon sila sa utang sa mga middleman na nagdadala ng kanilang produkto sa merkado.
Nagkaroon ng malaking pagbabago sa kanilang buhay noong 2006 nang magpasya ang isa sa mga may-ari ng lupa na ibigay na lamang sa kanila ang lupa.
***
Pumasok ang Gawad Kalinga at nagtayo ng mga bahay doon. Maliban dito, pinalakas din ng GK ang pagsasaka at tinuruan pa sila ng mga modernong pagsasaka.
Nagkataong naghahanap ng lupaing may malamig ang klima ang ilang malalaking negosyo para makapagtanim ng kamoteng ube.
Akmang-akma ang kanilang lupain para sa ube kaya namuhunan sa plantasyon ng ube at nangakong bibilhin ang ani ng mga magsasaka ng nasabing negosyo.
***
Hindi nagtagal ang malaking kumpanya at umalis din sa kanilang partnership.
Patuloy na umasa ang mga magsasaka sa kanilang ube. Patuloy silang nangarap na balang araw ay may bibili ng kanilang tanim na ube.
Tamang-tama at dumating ang Purple Passion para tulungan ang komunidad ng mga magsasaka.
Sinimulan nila ang Enchanted Jams. Kumuha sila ng farming technician na nakagawa ng paraan kung paano aani ng ube ng buong taon.
Maliban sa pagbili ng ube sa mga magsasaka, binigyan din ng Purple Passion ang mga asawa ng mga magsasaka ng kabuhayan sa pamamagitan ng pagtuturo ng paggawa ng jam na kanilang ibebenta.
Ngayon, maliban sa pagbebenta ng kanilang produkto sa iba’t ibang bahagi ng Davao, nagsu-supply din sila sa isang bakery ng 100 kilo ng ube jam kada buwan.
Tinitingnan din nila kung magiging mabenta ang powdered ube. May naghihintay ng exporter sa kanila upang bilhin ang kanilang produtko at dalhin sa ibang bansa ito.
***
Nakakatuwa ang kanilang kuwento, mga Kanegosyo.
Ang mga magsasakang dating naghihirap ay nagkaroon sila ng regular na kita at pangkabuhayan para sa kanilang mga pamilya.
Ang maganda sa kuwentong ito, maraming mga tao at grupo ang nagtulong-tulong sa ikatatagumpay ng negosyo.
Maliban sa Gawad Kalinga, nakatulong din ang Department of Science and Technology (DOST) sa pagbibigay ng training sa paggawa ng jam.
Nagbigay naman ang Department of Agriculture (DA) ng isang processing facility, isang cacao nursery at greenhouse para sa pagtatanim ng gulay upang magamit nang husto ang lupain.
Sa bahagi naman ng Department of Trade and Industry (DTI), binigyan sila ng kagamitan sa paggawa ng ube powder at kinonekta sila sa mga exporter na handang bumili ng kanilang produkto.
***
Kaya sa mga nais magnegosyo, huwag tayong matakot lumapit at humingi ng tulong sa mga mabubuting pribadong organisasyon gaya ng Gawad Kalinga, mga microfinance institution at mga ahensiya ng pamahalaan.
Makatutulong sila para mapalago ang ating negosyo at makapagbigay ng kabuhayan sa komunidad!
Recent Comments