NEGOSYO, NOW NA!: Mentor Me Program

Mga kanegosyo, sa anumang larangan, mas malaki ang tsansang magtagumpay kapag na­big­yan ng tamang payo at gabay.

Sa sports, gumaganda ang performance ng isang atleta sa tulong ng isang magaling na coach.

Sa trabaho, mas nagi­ging epektibo ang isang empleyado kapag nakakakuha ng tamang gabay sa boss.

Ganito rin sa pagne­negosyo. Sa aking karanasan bilang social entrepreneur, mas malaki ang tsansa ng isang negosyo na magtagumpay kapag nabibigyan ng tamang payo at kaalaman ang may-ari nito.

Noon, malaking tulong na para sa amin ang makakuha ng payo mula sa mga taong may ma­lawak nang karanasan sa pagnenegosyo.

Madalas, subok na kasi ang mga payo na kanilang ibinibigay dahil ito’y batay sa kanilang personal na karanasan.

Mula sa kanilang hirap ng pagsisimula ng negosyo, sa mga sinuong na pagsubok hanggang sa magtagumpay, marami tayong makukuhang aral na magagamit natin sa ating sariling negosyo.

***

Kaya naman sa ating Negosyo Centers, nagbibigay sila ng kahalintulad na serbisyo na tinatawag na Mentor Me Program.

Layunin ng Mentor Me Program na bigyan ng sapat na kaalaman ang ating mga papausbong na mga negosyante mula sa personal na karanasan ng mga matagumpay na negosyante mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ang Mentor Me Program ay kinapapalooban ng serye ng modules kung saan itinuturo sa mga bagong negosyante ang kailangang kaalaman sa pagnenegosyo upang magtagumpay.

Kung minsan, pati nga mga matatagal nang negosyante ay dumadalo rin sa Mentor Me Program bilang refresher course at para makakuha rin ng mga dagdag at bagong kaalaman sa pagnenegosyo.

***

Isa sa mga dumalo at nakinabang sa Mentor Me Program ng Negosyo Center ay si Terence Neil Padrique, may-ari ng The Lemon Company na naka­base sa Cebu City.

Sa hangaring mapalago ang negosyong pagtitinda ng lemonade, nagpasya si Padrique na mga sumali sa Mentor Me Program na i­binigay ng Negosyo Center sa siyudad.

Mapagbiro ang tadhana, ayon kay Padrique, dahil isa sa mga mentor sa seminar na kanyang dinaluhan ay ang kakum­pitensiyang si Bunny Pages, ang may-ari ng Thirsty, isa sa matagum­pay na fruit shake business sa lalawigan.

Sa pagsisimula ng seminar, biniro pa siya ni Pages na mahigpit na kakumpitensiya. Sa kabila­ nito, hindi nag-atubili si Pages na ituro kay Pad­rique ang kanyang nala­laman pagdating sa fruit shake business.

Hindi naman nagsisi­ si Padrique sa kanyang pagdalo sa seminar dahil marami siyang natutuhan mula kay Pages.

Aniya, isang napaka­laking karangalan ang matuto sa ilalim ni ­Pages. Ayon pa kay Pad­rique, itinuturing niya ang Thirsty bilang ‘big brother’ at si Pages bilang ‘mentor’.

***

Maliban sa semina­r na ibinigay ni ­Pages, dumalo pa si Padrique sa 13 iba pang learning modules na layong turuan sila ng mga tamang hakbang para mapalaki ang kanilang negosyo.

Maliban pa rito, natuto rin si Padrique ukol sa pagbubuwis at iba pang batas kung saan kulang ang kanyang kaalaman.

Hindi naman nasa­yang ang natutuhan ni Padrique sa Mentor Me Program dahil nagkaroon siya ng dagdag na kumpiyansa para palawakin pa ang kanyang negosyo.

Sa ngayon, may anim nang stalls si Padrique sa tatlong malls sa Cebu at Mandaue City.

Sa tulong ng kaala­man na nakuha kay ­Pages, nais ni Padrique na pasukin ang malala­king unibersidad at mga business centers sa Cebu sa mga susunod na buwan.

***

Higit sa 600 na ang mga Negosyo Center sa Pilipinas salamat sa Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act, ang kauna-unahan kong naipasang batas bilang senador.

Layunin nitong mag­lagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa upang suportahan ang mga Pilipino na nais magsimula ng sariling negosyo o tulu­ngang mapalaki ang kasalukuyan nilang negosyo.

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

***

Mga Kanegosyo, kung may tanong kayo sa pagnenegosyo, mag-e-mail kay Kanegosyong Bam sa negosyonowna@gmail.com o mag-iwan ng mensahe sa fb.com/BenignoBamAquino.

Ugaliing makinig tuwing Miyerkules, alas-dos hanggang alas-tres ng hapon sa DZRH 666 sa programang “Go Negosyo sa Radyo” kasama si Cheska San Diego. Ang programa’y sa kagandahang loob ng Go Negosyo at MBC.

Pangarap namin na magkaroon kayo ng kabuhayan sa pamamagitan ng pagnenegosyo!

Scroll to top