Mga kanegosyo, maganda ang pagsasara ng taong 2016 pagdating sa ating adbokasiyang tulungan ang micro, small and medium enterprises sa bansa.
Sa huli naming pag-uusap ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Mon Lopez, ibinalita niyang nasa 425 na ang Negosyo Centers sa buong Pilipinas.
Nahigitan pa nito ang unang pangako sa atin ng DTI na 420 Negosyo Centers bago matapos ang 2016.
Napakagandang balita nito lalo pa’t sa pagtatapos ng 2014, nasa lima lang ang naitatag na Negosyo Center, na karamihan ay pinopondohan pa ng pribadong organisasyon.
Ngayong regular item na ito sa budget ng DTI, unti-unti nang natutupad ang hangarin ng Republic Act No. 10644 o ang Go Negosyo Act na maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa.
Ang Go Negosyo Act ang kauna-unahang batas ko bilang senador noong 16th Congress.
***
Ilang beses na nating nabanggit sa kolum na ito na isa sa mga hadlang sa pagnenegosyo ay ang kawalan ng pagkukunan ng capital.
Ganito ang problema ni Romel Canicula, may-ari ng Southeastern Fiber Crafts, na gumagawa ng Geonets mula sa coco fiber.
Nagsimula ang operasyon nito noong 2011 may 3 decorating machine operators, 12 twiners at 6 weavers.
Subalit dahil sa limitadong kapital, mabagal ang naging pag-angat ng kumpanya.
Ito ang nagtulak kay Romel na lumapit sa Negosyo Center sa Camarines Sur at humingi ng tulong para sa dagdag na kapital.
Sa tulong ng Negosyo Center at Small Business Guarantee Finance Corp (SB Corp), nabigyan si Romel ng pautang na P800,000 na walang kolateral bilang dagdag sa kanyang puhunan.
Sa pamamagitan naman ng Shared Service Facilities (SSF) program ng DTI, nabigyan naman ang mga supplier ni Romel ng 130 twining machines at 65 units ng steel handlooms.
Maliban pa rito, tinulungan din ng Negosyo Center si Romel pagdating sa marketing at iba pang diskarte sa pagnenegosyo.
Ngayon, mula sa 10,000 square meters, umakyat ang produksiyon ni Romel patungong 30,000 square meters ng geonets kada buwan noong 2015.
Sa inisyal na 12 twiners, umakyat na ito patungong 130 habang mayroon na siyang 65 weavers mula sa dating anim. Umabot na rin sa siyam na barangay sa munisipyo ng Malinao ang produksiyon ni Romel.
Dahil sa tagumpay na ito ni Romel, tinanghal siya bilang Bicolano Businessman of the Year sa Halyao Awards 2015 sa Naga City.
***
Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.
Recent Comments