Mga kanegosyo, sa kagustuhang mabigyan ng magandang buhay ang pamilya, napilitan si Nanay Corazon Clave na sila’y iwan upang magtungo sa Lebanon at Dubai para magtrabaho.
Masaklap ang kapalaran ni Nanay Corazon sa kanyang naging mga amo sa Lebanon. Maliban sa pananakit, madalas pa siyang ikinukulong ng mga amo at hindi pinapakain sa tamang oras.
Ngunit natiis itong lahat ni Nanay Corazon para sa kapakanan ng pamilya. Nang matapos ang kontrata sa Lebanon, muli siyang sumugal at nagtungo naman ng Dubai.
Makalipas ang tatlong taon sa ibang bansa, nagbalik si Nanay Corazon dala ang kaunting naipon mula sa pagtatrabaho sa ibang bansa at ginamit sa pagpapatayo ng bahay para sa pamilya.
Upang may maitustos sa pangangailangan ng pamilya, nagtrabaho si Nanay Corazon bilang kasambahay sa isang pamilya sa Los Banos, Laguna sa loob ng limang taon.
***
Noong 2006, may nagsangla kay Nanay Corazon ng pedicab. Habang tinitingnan ang pedicab, nagka-ideya si Nanay Corazon na ipabiyahe ito sa kapitbahay para kumita habang hinihintay na matubos ng may-ari.
Makalipas ang ilang araw, napansin ni Nanay Corazon na mas malaki ang kita sa pedicab kung marami siyang unit na bumibiyahe.
Doon niya naisipang mangutang sa CARD ng pitong libong piso upang tuluyan nang mabili ang isinanlang pedicab at magdagdag ng lima pang unit.
Mismong mga kabaranggay ang kinuha nilang driver na nagbabayad sa kanila ng boundary na singkuwenta pesos kada araw.
Mula sa kanilang araw-araw na kita, bumili pa sila ng dagdag na unit hanggang sa ito’y umabot sa 30 pedicab.
***
Maliban dito, sinimulan din ni Nanay Corazon na magtanim ng ornamental plants sa bakanteng lote ng kanyang bahay.
Gamit ang puhunang P500, nagtanim si Nanay ng halamang melalone, sensation, pakpak-lawin at silog na pumatok naman sa mga taga-Los Banos at iba’t ibang bahagi pa ng Laguna.
Sa ngayon, nasa P600,000 na ang taunang kita ng kanilang negosyong pedicab at ornamental plants.
Balak ni Nanay Corazon na gamitin ang naipon upang magtayo ng maliit na grocery at panaderya para sa mga anak.
Hindi naging katuparan ang tagumpay ni Nanay Corazon kung wala ang tulong na ibinigay ng CARD-MRI, ang pinakamalaking microfinance institution sa bansa.
Nagpapautang ang CARD-MRI ng puhunan sa mga nais magsimula ng negosyo nang walang kolateral at sa mababang interes.
Mayroon na silang iba’t ibang sangay sa Pilipinas, na makikita sa kanilang website na www.cardmri.com at www.cardbankph.com.
Recent Comments