Mga Kanegosyo, itutuloy po natin ngayong linggo ang pagsagot sa mga katanungan na pumapasok sa ating e-mail at Facebook accounts.
Tayo po’y natutuwa sa dami ng mga pumapasok na katanungan sa ating e-mail na nagpapahayag ng interes na magtayo ng negosyo.
Ito po ang ating matagal nating isinusulong, bago pa man tayo maging senador. Nais nating mabigyan ng pagkakataon ang lahat na magkaroon ng sariling negosyo para sa kanilang ikabubuhay.
Naririto ang isa pang tanong na pumasok sa aming e-mail:
***
TANONG: Kanegosyong Bam, good morning po. Nais ko po sanang magtanong tungkol sa mga pautang ninyo para sa negosyo. Ako po ay dating OFW sa Doha, Qatar at umuwi ako ng Pilipinas last 2009.
Nagtayo ako ng piggery ngunit hindi nag-success dahil sa kalamidad o bagyo na humagupit sa probinsiya namin.
Sa ngayon po gusto ko sanang magsimula ng maliit na computer shop para naman makatulong ako sa pag-aaral ng mga anak ko. Sana po ay matulungan ninyo ako.
Maraming Salamat po. Gumagalang, Arnel
***
SAGOT: Arnel, bilang tugon sa iyong katanungan ukol sa pagtatayo ng isang Internet shop, ilang beses ko nang nabanggit dito na sa pagtatayo ng negosyo, ang unang dapat tingnan ay ang lokasyon kung saan ito ilalagay.
Kung Internet shop ang balak mong itayo, maganda itong ilagay sa mataong lugar na mayroong malaking pangangailangan para rito, lalo na kung malapit ito sa paaralan.
Ngunit sa aking pagkakaalam, may mga regulasyong sinusunod ang isang Internet shop kung ito’y ilalagay mo malapit sa isang paaralan, lalo na pagdating sa oras ng pagpapapasok ng estudyante.
Pagdating naman sa puhunan, may ilan tayong tanggapan o grupo na maaaring lapitan para mautangan ng gagamiting kapital sa pagsisimula ng Internet shop.
Bilang isang OFW, maaari kang lumapit sa Land Bank dahil mayroon silang tinatawag na OFW Reintegration Program (OFW-RP).
Ito’y isang loan program para sa OFWs upang sila’y mabigyan ng alternatibong pagkakakitaan upang hindi na muling mangibang-bansa.
Sa programang ito, maaari kang mangutang ng minimum na P300,000 hanggang P2 milyon.
Para sa dagdag na impormasyon, maaari mo silang tawagan sa 405-7146 at 551-2200 local 2655.
***
May isa pang tanggapan na nagbibigay ng iba’t ibang klase ng pautang at ito ay ang Small Business Corporation (SBC).
Nagbibigay ang SBC ng pautang sa micro, small and medium-sized enterprises (MSME) sa pamamagitan ng Credit Delivery Strategy.
Sa ganitong paraan, iniaakma ng SBC ang pautang batay sa potensiyal ng isang negosyo na lumago, mula sa magiging micro patungong small hanggang medium.
Matatagpuan ang kanilang tanggapan sa 17th at 18th Floors, 139 Corporate Center, 139 Valero St., Salcedo Village, Makati City. Puwede rin silang tawagan sa 751-1888 para sa detalye.
***
Ang isa pang korporasyon na nagbibigay ng pautang sa SMEs ay ang
Negosyong Pinoy Finance Corporation (NPFC).
Nagsimula ang kanilang operasyon sa Rizal ngunit lumaki na ang kanilang sakop at tumutulong na sa MSMEs sa Metro Manila, Region 2, Region 3, Region 4A at Region 7.
Ang tanggapan ng Negosyong Pinoy ay nasa 6th Floor Semicon Bldg. Marcos Highway, Brgy. Dela Paz, Pasig City. Maaari rin silang tawagan sa 358-5779.
Sana’y magtagumpay ang iyong Internet shop!
Recent Comments