Mga Kanegosyo, noong nakaraang linggo, tinalakay natin ang magandang tiyempo sa pagsusulong ng pangarap nating negosyo sa pagpasok ng Bagong Taon.
Abangan ang susunod na malawakang season tulad ng Valentine’s Day ngayong buwan. Planuhin natin ang puwedeng promo ng ating produkto o serbisyo.
Isang plataporma na puwedeng paggamitan ng ating mga pakulo ay ang internet, kung saan maraming negosyante ang gumagamit para makaakit ng mga mamimili.
Ngayon, halos lahat ay mabibili mo na sa internet, mula sa damit, pagkain, mga gadget at marami pang iba.
Humigit-kumulang 30 milyong Pilipino na ang naka-online kaya malaki ang potensyal ng internet para makahanap ng merkado at suki sa ating produkto.
Ang maganda rito, mas maliit ang gagastusin dahil computer, internet at website maintenance lang ang kailangan at babayaran, kung ihahalintulad sa tradisyunal na tindahan.
Sa baba ng maintenance cost, maaari nang simulan agad ang nais na negosyo at sumubok na magbenta ng produkto online.
Sa tulong ng website, mas maidedetalye natin ang ating mga produkto at serbisyo dahil hindi ito nakatali sa mahal na print ad o television commercial.
At dahil sarili at kontrolado natin ang website, may kalayaan pa tayong gawin ang anumang gimik na ating naisin — mula sa blogging o online article, video at infographics na makatutulong umakit ng customer.
Kaya nating lagyan ng personal touch ang pagbebenta natin sa mga mamimili mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, gaya ng Batanes, Bulacan, Baguio, Cebu, Zamboanga at marami pang iba.
Kumbaga, ang internet ang bagong market place. Isang click lang ay puwede nang mabili ang gustong produkto. Isang pindot lang ay maaari nang makumpleto ang transaksyon.
***
Isang halimbawa ng matagumpay na online business ay ang gadget store na Kimstore, ang itinuturing na pioneer pagdating sa online shopping industry.
Gamit ang maliit na puhunan na kanyang inipon, sinimulan ni Kim Frances Yao Lato ang Kimstore noong 2006 sa website na Multiply noong siya’y nasa kolehiyo pa sa De La Salle University (DLSU).
Sa una, blog lang ang ginamit ni Kim upang maipakalat ang kanyang bagong tindahan sa internet.
Ngayon, ang Kimstore ay isa sa pinakamalaki at kilalang online store sa bansa kung saan maaaring bumili ng iba’t ibang gadget tulad ng mobile phones, laptops at cameras.
Ayon nga sa modernong kasabihan “everyone is online”. Sunggaban na natin ang pagkakataong ito upang magkaroon ng matagumpay na negosyo.
First Published on Abante Online
Recent Comments