Mga kanegosyo, bukas na ang Negosyo Center sa Minalin sa lalawigan ng Pampanga.
Matatagpuan sa mismong munisipyo ng Minalin, ang Negosyo Center ay naitatag sa kabutihang loob ni Mayor Edgardo Flores and DTI Region 3 Director Judith Angeles.
Isa ang munisipalidad ng Minalin sa may pinakamalaking potensiyal sa pagnenegosyo sa Pampanga. Kilala ito sa mga palaisdaan ngunit napakaraming posibleng negosyo na maaaring simulan sa lugar.
Sa tulong ng Negosyo Center, inaasahan ko na lalo pang magiging aktibo ang pagnenegosyo sa Minalin at sa mga kalapit nitong bayan gaya ng Sto. Tomas, Apalit at Macabebe.
Maliban sa Minalin, mayroon din tayong Negosyo Centers sa San Fernando, San Simon at sa Angeles City na handang magsilbi sa mga Cabalen nating MSMEs.
Ngayong 2017, asahan pa ang mas maraming Negosyo Centers, hindi lang sa Pampanga, kundi sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Layunin ng Republic Act No. 10644 o ang Go Negosyo Act na maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa.
Ang Go Negosyo Act ang kauna-unahang batas ko bilang senador noong 16th Congress.
***
Nasa Region 3 na rin lang ang ating pinag-uusapan, mula naman sa Negosyo Center sa Balanga, Bataan ang tampok nating kuwento ng tagumpay.
Pagkatapos ng ilang taong pananatili sa Estados Unidos, nagpasya ang mag-inang Jocelyn Roman Domingo at Crizel na bumalik sa Pilipinas noong 2015 at magtayo ng negosyo sa kanilang lalawigan sa Bataan.
Eksakto namang kabubukas lang ng Negosyo Center sa Balanga, Bataan, na siyang kauna-unahan sa Central Luzon, kaya may nahingian ng tulong ang mag-ina
Sa kanilang pakikipag-usap sa mga tauhan ng Negosyo Center, nabanggit ni Aling Jocelyn na nais niyang magtayo ng restaurant sa kanyang bayan sa Pilar.
Agad siyang isinailalim ng business counselor sa isang one-on-one business consultancy at tinulungan sa pagpaparehistro ng pangalan ng kanyang planong negosyo.
Dito na nagsimula ang White Coco Restaurant.
Habang pinoproseso pa ang business permit, pinag-aralan naman ng mag-ina kung anong pagkaing Pilipino ang kanilang itatampok sa restaurant.
Maliban pa rito, sumailalim din ang mag-ina sa dalawang seminar – ang Current Good Manufacturing Practices (CGMP) at World Class Customer Service Experience (WOW) kung saan nakakuha sila ng mahalagang kaalaman na magagamit sa restaurant.
Ilang buwan matapos lumapit sa Negosyo Center, nagkaroon ng soft opening ang restaurant ng mag-ina, na makikita sa Poblacion, Pilar, Bataan.
Habang nasa soft opening pa ang restaurant, kinuha ng mag-ina ang pulso ng mga customer sa mga putahe na kanilang inihain, gaya ng kare-kare, bulalo, pinakbet at spring chicken.
Sa huling pakikipag-ugnayan ni Aling Jocelyn sa mga katuwang natin sa Negosyo Center-Bataan, maayos na ang takbo at maganda na ang kita ng White Coco Restaurant.
***
Ang mga seminar at training ay mahalaga sa paglago ng isang negosyante.
Dito, makakakuha ka ng tamang gabay at payo na iyong magagamit sa maayos na pagpapatakbo ng negosyo, kaalaman sa mga sistema at tamang diskarte sa tuwing may mararanasang problema.
Kaya mga kanegosyante, ugaliing dumalo sa mga seminar na iniaalok ng Negosyo Center.
***
Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa http://www. bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.
Recent Comments