Mga Kanegosyo, salamat sa muli ninyong pagbabasa sa ating kolum.
Umaasa ako na sa ibinabahagi naming mga munting kaalaman, nakatutulong kami upang kayo ay magtayo ng negosyo o ‘di kaya’y palawakin pa ang kasalukuyan ninyong business.
Ano ang makabagong gimik na ginawa ninyo noong Valentine’s Day para lalong bumenta ang inyong mga produkto? Sa pagkakaroon ng originality mapupukaw natin ang mga mamimili sa ating mga negosyo.
Ngayon naman, pag-uusapan natin ang kahalagahan ng perseverance sa isang negosyo.
Mga Kanegosyo, sa aking karanasan bilang isang negosyante, napakahalagang katangian ang perseverance o hindi pagsuko lalo na sa panahon kung saan sunud-sunod ang mga problemang dumarating sa negosyo.
Kung minsan, may ilang negosyante na sumusuko na lang kapag nahaharap sa isang mahirap na sitwasyon.
Mayroon namang pipiliin na lang na tumunganga kapag hindi sumasang-ayon sa kanyang mga plano ang takbo ng negosyo.
Kailangang tanggapin natin na karaniwan na ang mahirap na sitwasyon o kabiguan kapag ikaw ay pumasok sa pagnenegosyo.
Sa halip na sumuko, gamitin natin ito upang tayo’y matuto. Sa pamamagitan nito, mailalagay natin sa tamang takbo ang ating negosyo.
***
Wala nang gaganda pang halimbawa ng perseverance ang karanasan ni Amis Quizon Tumang, na isa dating basketball player ng San Beda.
May pangarap siyang gumawa ng tunay na Pinoy sports apparel brand na tatapat sa mga imported na produkto pagdating sa kalidad sa mas mababang presyo.
Kaya sinimulan ni Amis ang Amazing Playground ilang taon na ang nakalilipas kasama ang ilang partner. Pinasok nila ang paggawa ng jerseys at jackets para sa mga kaibigan.
Pumatok naman agad ang produkto ni Amis, lalo na sa mga kabataan dahil sa kakaiba nilang disenyo ng jersey at iba pang sports apparel.
Mabilis na umasenso ang kanyang negosyo.
Subalit ang hindi alam ni Amis, niloloko na pala siya pagdating sa pera ng kanyang partner pati na rin ng kanyang mga pahinante’t trabahador, na nagdadala ng produkto sa iba’t ibang lugar nang hindi niya nalalaman.
Isang araw, nagising na lang si Amis na anim na piso na lang ang pera.
Sa kabila ng matinding pagsubok na ito, nanatiling determinado si Amis. Muli niyang inumpisahan ang pangarap na magkaroon ng sariling brand mula sa wala.
Sa una, naging mahirap para kay Amis na ibangon ang nasimulang negosyo ngunit sa tulong ng pamilya at mga tunay na kaibigan.
Inayos lahat ni Amis ang lahat — mula sa financial management, pagpapaganda ng produkto, ang marketing at pagbebenta, at iba pa.
Makalipas ang mahabang panahon at walang gabing tulog, nakilala rin siya na gumagawa ng kakaibang jerseys, jackets at streetwear na gawang Pinoy.
Kung agad sumuko si Amis, hindi sana niya naabot ang estadong kinalalagyan niya ngayon.
Kaya mga Kanegosyo, huwag tayong susuko kaagad sa harap ng mga problema. Laban lang nang laban!
First Published on Abante Online
Recent Comments