Mga Kanegosyo, isa sa paulit-ulit na binabanggit natin ang kahalagahan ng innovation o pagkakaroon ng bagong ideya upang makahatak ng mas maraming mamimili at magtagumpay.
Kapag bago sa paningin o hindi pangkaraniwan ang isang produkto o serbisyo, gaano man kasimpleng o kaliit ang isang negosyo, agad itong papatok sa merkado at hahabulin ng mga mamimili.
Ganito ang nangyari kina Joel Yala, founder at may-ari ng Chocovron Global Corporation, ang unang gumawa ng Chocovron o kombinasyon ng tsokolate at polvoron.
Bago naging isa sa pinakamatagumpay na food processing company sa bansa, nagtrabaho siya bilang isang construction worker, tricycle driver at ordinaryong empleyado habang namamasukan ang kanyang misis na si Marissa bilang isang mananahi.
***
Sa aming kuwentuhan sa programang “Status Update” kamakailan, nabanggit ni Joel na ang nanay niya ay isang tindera ng donut noong sila’y bata pa. Binibigyan daw sila ng kanilang ina ng sampung porsiyento sa bawat maibebentang donut kaya na-engganyo siyang maglako nito sa kanilang lugar.
Noong siya’y nagtatrabaho, wala pa siyang ideya kung anong negosyo ang gusto niyang simulan ngunit determinado siyang magkaroon ng sariling ikabubuhay at iwan ang buhay-empleyado.
Isang araw nooong 2003, nakakuha ang mag-asawa ng ideya sa bagong negosyo habang namimili nang mapansin niya ang iba’t ibang produkto na nababalot ng tsokolate mula sa candy, biscuit at marshmallow.
Pag-uwi, nag-isip sila kung ano pang produkto ang puwedeng balutan ng tsokolate na papatok sa panlasang Pinoy. Doon nila naisipang balutan ng tsokolate ang polvoron. Isinilang na nga ang kauna-unahang chocolate-covered polvoron sa Pilipinas, na tinatawag nilang “Pambansang Polvoron”.
Sinimulan niyang ibinenta ang produkto sa kanyang mga katrabaho sa isang kumpanyang mayroong 6,000 empleyado.
Sa una, nagpa-free taste muna siya sa mga kaopisina. Nang magustuhan nila ito, naging bukambibig na sa buong kumpanya ang bagong produkto.
***
Sa puhunang P8,000 lamang, unti-unting napalaki nila ang kanilang negosyo. Nagbunga naman ang paghihirap ng mag-asawa dahil sa ngayon, marami nang produktong ibinebenta ang Chocovron.
Nanganak na ito na sa Nutrivon, na siyang polvoron para sa mga health conscious at ayaw masyado ng matamis na polvoron. Sa Manila Polvoron naman, ang packaging naman ay tinatampok ang iba’t ibang tanawin sa Pilipinas, bilang tulong nila sa turismo ng bansa. At ang Polvoron Stick ay nakalagay ang polvoron sa barquillos bago balutan ng tsokolate.
Sa Chocovron, mayroon na silang cookies and cream, pinipig, graham, ube, buko pandan, melon, strawberry at durian flavor. Sa coating naman, mayroon silang white chocolate, chocolate at two-in-one.
Sa ngayon, nakarating na ang mga produkto nila sa Estados Unidos, Netherlands, Qatar, Canada at Australia.
***
Mga Kanegosyo, ang payo ng mag-asawang Yala, lapitan ang Department of Trade and Industry (DTI) sapagkat napakalaki raw ng tulong ng DTI sa kanilang negosyo. Ang DTI ang siyang tumulong na ipakilala ang produkto hindi lang sa Pilipinas, kundi sa iba’t ibang bansa.
Madalas daw silang inimbitahan sa mga exhibit sa iba’t ibang bahagi ng bansa at mundo para ikuwento ang pagtatagumpay ng pagsasama ng tsokolate at polvoron.
***
Mga Kanegosyo, isang magandang halimbawa ang Chocovron sa pagkakaroon ng bagong ideya mula sa kung anong mayroon sa merkado ngayon. Sabayan pa ng determinasyon at disiplina na magkaroon ng mataas na kalidad ng produkto at packaging, tunay na siyang lalago ang negosyo.
Ang isa pang natutunan natin dito, hindi masama ang humingi ng tulong. Bagkus, marami ang handang tumulong sa atin para maabot ang ating mga pangarap na pangkabuhayan. Sa kaso nila, kung naging mayabang sila o nahiyang lapitan ang DTI, hindi mabubuksan ang mga pagkakataong ibenta ang produkto nila sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kaya huwag tayong tumigil sa pag-iisip ng mga bago at kakaibang produkto na siyang magiging susi ng inyong tagumpay! Patuloy lang din ang paghingi ng tulong, pagtatanong at pag-aaral upang lalong makuha ang tamang hakbang para lumago at lumaki ang negosyo.
Recent Comments