NEGOSYO, NOW NA!: Parangal sa Human Nature

Noong nakaraang linggo, tumayo tayo bilang principal sponsor ng Senate Bill No. 1532 o ang Innovative Startup Act.

Sa aking speech, nagbigay ako ng ilang halimbawa ng mga negosyong makabago at kakaiba na nagiging solusyon sa problema sa kalusugan, agrikultura at kahirapan.

Nais nating bigyan ang mga ganitong negosyo ng tulong, gaya ng tax break, upang tulungan silang makatayo at lumago.

Bilang dating social entrepreneur, isinama ko rin sa Innovative Startup Bill ang mga social enterprise dahil kakaiba at makabago ang business model ng mga ito kahit na hindi gaano ka-techie ang mga produkto.

Maraming matagum­pay na negosyo ang may puso at tumutulong sa pag-asenso sa Pilipinas, at nararapat lang na sila ay suportahan.

Isang halimbawa nito ang Human Heart Nature, na pag-aari ng magkapatid na sina Anna Meloto-Wilk at Camille Meloto.

Kung pamilyar sa inyo ang apelyidong Meloto, ito’y dahil ama nila ang founder ng Gawad Kalinga na si Tatay Tony Meloto.

***

Aksidente lang ang naging simula ng Human Nature. Noong 2007, nagbibiyahe si Anna at kanyang asawa na si Dylan sa Estados Unidos para makakalap ng suporta sa Gawad Kalinga sa kanilang programang pabahay para sa mahihirap.

Napansin ni Anna ang dumaraming abot-kayang produkto na sinasabing natural at eco-friendly sa merkado.

Nang tingnang mabuti ni Anna ang mga produkto, natuklasan niya na karamihan sa sangkap nito gaya ng niyog, tubo at aloe vera ay marami sa Pilipinas.

Doon, nabuo ang ideya sa isip ni Anna na magsimula ng isang negosyo na makatutulong din sa isa sa pinakamahirap na sektor ng bansa, ang mga magsasaka.

Sa tulong ng kapatid na si Camille, nag-research sila ukol sa natural products at bumuo ng isang plano kung saan gagawa sila ng mga de-kalidad na produkto kasabay ng pagbibigay ng kabuhayan sa mga magsasaka at mahihirap na komunidad sa bansa.

Noong 2008, nabuhay ang Human Nature.

***

Sa tulong ng mga kaibigan at mga partner sa Gawad Kalinga, opisyal na inilunsad ang Human Nature noong 2008.

Gaya nang napagplanuhan, kumuha ang Human Nature ng raw materials tulad ng citronella, coconut oil at lemongrass mula sa mga mahihirap na komunidad.

Upang matulungan sila nang husto, binili ng Human Nature ang mga sangkap sa mas mataas na presyo sa karaniwang halaga ng mga ito sa merkado.

Maliban pa rito, binigyan ng Human Nature ang mahihirap na komunidad ng livelihood training at mga kagamitan na magagamit sa pagsasaka at pagpoproseso ng kanilang mga ani.

Kasabay nito, unti-unti nang nakilala ang mga produkto ng Human Nature sa merkado. Noong 2011, naiuwi nila ang parangal bilang Social Entrepreneur of the Year ng Ernst & Young. Nakuha rin nila ang parehong award mula sa Schwab Foundation sa ginawang World Economic Forum.

Hindi na talaga nagpaawat pa ang Human Nature dahil nong 2014, binuksan nito ang isang manufacturing plant sa Canlubang, Laguna na nagsisilbing sentro ng operasyon ng kumpanya kung saan ipinatutupad ang mahigpit na standard at quality control na mas mabusisi pa sa mga requirements ng Food and Drugs Administration ng bansa.

Noong 2015, napabilang ang Human Nature sa Natural Products Association (NPA), ang nagpapatakbo ng natural products industry sa Estados Unidos at nagtatakda ng panuntunan ng mga natural pro­ducts sa buong mundo.

Noong nakaraang taon, naiuwi rin ng Human Nature ang Sustai­nability Pioneer Award sa Asya dahil sa kanilang ginagawang social entrepreneurship sa bansa.

***

Kamakailan lang, kinilala si Anna bilang Beauty Industry Woman of the Year Award ng Cosme­tics Design, isang beauty industry publication na nakabase sa London.

Ayon sa Cosmetic Designs, kahanga-hanga ang naging kontribusyon ni Anna pagdating sa social enterprise.

Dahil sa kanya, isa na ang Pilipinas sa mga tinitingalang bansa pagdating sa mga babaeng social entrepreneurs.

Napakahalaga ng pagkilalang ito sa founder ng Human Nature ngunit nakalulungkot na hindi ito masyadong alam ng maraming Pilipino, kaya’t sana pag-usapan at iulat natin ang mga ganitong kuwento sa ating mga kaibigan at kamag-anak.

Kay Anna at sa iba pang bumubuo ng Human Nature, congratulations at ipagpatuloy niyo pa ang pagtulong sa mga mahihirap na komunidad.

Tuloy ang aming suporta sa inyo at sa mga social entrepreneurs na nais makatulong sa pag-asenso ng bawat Pilipino.

Inaasahan namin na kapag naisabatas na ang Innovative Startup Act, dadami pa ang mga matagumpay na negosyong may solusyon sa mga problema ng bansa, tulad ng kahirapan.

***

Higit sa 500 na ang mga Negosyo Center sa Pilipinas salamat sa Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act, ang kauna-unahan kong naipasang batas bilang senador.

Layunin nitong maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa upang suportahan ang mga Pilipino na nais magsimula ng sariling negosyo o tulungang mapalaki ang kasalukuyan nilang negosyo.

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

***

Mga Kanegosyo, kung may tanong kayo sa pagnenegosyo, mag-e-mail kay Kanegosyong Bam sa negosyonowna@gmail.com o mag-iwan ng mensahe sa fb.com/BenignoBamAquino.

Ugaliing makinig tuwing Miyerkules, alas-dos hanggang alas-tres ng hapon sa DZRH 666 sa programang “Go Negosyo sa Radyo” kasama si Cheska San Diego. Ang programa’y sa kagandahang loob ng Go Negosyo at MBC.

Pangarap namin na magkaroon kayo ng kabuhayan sa pamamagitan ng pagnenegosyo!

Scroll to top