NEGOSYO, NOW NA!: Patok na brand sa UP

Mga kanegosyo, nakapagbukas ang Department of Trade and Industry (DTI) ng ­tatlong Negosyo Center sa lalawigan ng Batangas noong 2015.

Matatagpuan ang mga ito sa mga siyudad ng Batangas, Lipa at Ta­nauan.

Noong 2016, ­tatlo pang Negosyo Center ang nadagdag sa munisipalidad ng Bauan, Rosario at Nasugbu sa tulong na rin ng kani-kanilang local government units (LGUs).

Ngayong taon, ­plano ng DTI-Batangas na mag­tayo ng dagdag pang Negosyo Center sa ibang mga ­munisipalidad upang mapalawak ang pagtulong sa micro, small at medium enterprises sa lugar.

Food processing ang karaniwang negosyong makikita sa Batangas, kabilang dito ang kapeng barako, tapang baka, tableya, alak, kakanin, banana chips at pastillas.

Sa dagdag na Negosyo Center sa lalawigan, mas marami pang mali­liit na negosyo ang matutulungang umasenso.

Layunin ng ­Republic Act No. 10644 o ang Go Negosyo Act na mag­lagay ng Negosyo Center sa bawat munisipa­lidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa. Ito ang kauna-unahan kong ­batas bilang senador noong 16th Congress.

***

Ayon sa DTI, umuusbong na sa maraming bahagi ng Region 4B – na kinabibilangan ng Cavite, Batangas, Laguna, Rizal at Quezon — ang mga negosyong may kinalaman sa kasuotan at iba pang pang-araw-araw na gamit, gaya ng T-shirt, jacket, sombrero at ­payong.

Isa rito ang ­Upbeat Merchandise, ang kauna-unahang distributor at retailer na pinayagang gamitin ang opisyal na logo ng University of the Philippines (UP) sa mga ibinebenta nitong produkto.

 

Pag-aari ni Jan ­Excel Cabling, sinimulan niya ang negosyo noong 2011 dala ang layunin na maging pangunahing brand pagdating sa mga produktong may kina­laman sa UP sa lahat ng mga sangay ng pambansang unibersidad.

Sa una, mabagal ang naging takbo ng negosyo ni Jan dahil na rin sa limi­tadong merkado.

Nakakuha ng mala­king break si Jan nang magbukas noong 2015 ang Negosyo Center sa Los Baños dahil isa siya sa pinayagang mag-display ng mga produkto sa loob ng tanggapan nito.

Sa tulong ng Negosyo Center, napalapit sa komunidad ng Los Baños ang kanyang mga produkto. Resulta, umakyat ang order para rito at lumakas ang kanyang benta.

Pumatok din ang kanyang mga produkto sa mga estudyante ng UP Los Baños at mga empleyado ng gobyerno at pribadong kumpanya sa iba’t ibang lalawigan.

Sa kasalukuyan, mayroon nang branch ang Upbeat Merchandise sa UP Diliman at nagsimula na ring mag-isip si Jan ng ibang produkto maliban sa T-shirt at jacket.

Mayroon na ring student distributors si Jan mula sa iba’t ibang campus ng UP, maliban sa UPLB at UP Diliman.

Para kay Jan, mahalaga na magkaroon ng orihinal na konsepto o ideya ang isang negosyo para magtagumpay at ito ang patuloy na sinusunod ng Upbeat Merchandise.

***

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa ­inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

Scroll to top