NEGOSYO, NOW NA!: Pera sa Basura

Mga Kanegosyo, kumusta ang inyong benta ngayong summer? Gaya nang natalakay natin noong nakaraang linggo, sana ay nasimulan ninyo na ang anumang plano, ideya o proyekto nang mauna sa kumpetisyon.

Ang pagkakaroon ng initiative ang isa sa mga susi upang makakuha kaagad ng malaking bahagi ng merkado at makilala kaagad ang inyong produkto o serbisyo.

Ngayong linggo naman, simulan natin ang ating talakayan sa sinabi ni Amar Bhide, isang manunulat at propesor ng entrepreneurship ng Harvard Business School at Columbia University.

Sinabi niya na 85 porsiyento ng entrepreneurs ay nagsisimula ng negosyo batay sa ideya ng iba. Ang ibig sabihin nito, 15 porsi­yento lang ng entrepreneurs ang maituturing na may bagong ideya ng negosyo.

Upang makakuha ng bagong ideya, kailangan nating tumingin sa iba’t ibang bagay na maaa­ring gamitin para sa isang produkto na tiyak papatok sa merkado.

Ang iba nga, nakakuha ng bagong ideya para sa negosyo mula sa basura.

Halimbawa nito ang Rags 2 Riches, isang social enterprise na nakitaan ng potensiyal ang basahan na ginagawa ng mga nanay sa Payatas, Quezon City.

Gamit ang galing ng kilalang Pinoy fashion designer na si Rajo Laurel, ang mga basahan ay ginawang magaganda at mamahaling bag.

Mula sa kitang dalawampung piso kada araw dati, ang isang R2R nanay ay kumikita ngayon ng higit sa sampung beses kada araw.

Sa ngayon, ang R2R bags ay hindi lang mabibili sa sikat na tindahan sa Pilipinas kundi pati na rin sa United Kingdom, Japan at New York.

Totoo talaga ang ka­sabihang may pera sa basura.

***

Isa pang magandang halimbawa ang Oryspa, na pagmamay-ari ni Sherill Quintana.

Sino nga ba naman ang makaka-isip na puwede palang gamitin ang rice bran o tinatawag na darak sa beauty at personal care products?

Ang darak ay isang produktong agricultural na nagmula sa bigas ngunit kadalasan ito’y walang pakinabang at pinapakain lang sa baboy.

Pero ito’y isang mahalagang sangkap sa mga produkto ng Oryspa, gaya ng shampoo, sabon, lotions, body scrubs at pain relief products.

Sa kanyang pag-aaral, natuklasan niya na ang darak ay mayaman sa Vitamin E at A. Mayroon din itong oryzanol, na anti-oxidant na, anti-aging pa.

Sa una, naglabas ang Oryspa ng produkto mula sa darak gaya ng meditation balm, solid perfume, massage oil, chili oil at sabon, na pawang all-natural at paraben-free.

Kabilang sa mga unang customer niya ay cancer survivors, na naghahanap ng alternatibong shampoo, conditioner at sabon na walang chemicals.

Kahit malayo ang ­unang tindahan niya sa Laguna, dinarayo pa rin ng mga customer ang kakaiba at maganda niyang produkto.

Dahil sa magandang reputasyon, unti-unting nakilala ang kanyang mga produkto.

Ngayon, mayroon na silang mga sangay sa mall kung saan mabibili ang iba’t ibang produkto ng Oryspa. Ilan din sa mga produkto ay ibinebenta na sa ibang bansa.

Kaya, mga Kanegosyo, tingin-tingin lang sa paligid kapag may time! Baka nasa basura rin ang suwerte ninyo!

First Published on Abante Online

Scroll to top