Mga Kanegosyo, may panahon sa ating buhay pagnenegosyo na kailangang gumawa ng isang napakalaking desisyon.
Sa mga nagsisimulang magnegosyo, darating ang punto na kailangan nating pumili, ang manatili sa trabaho natin at pumapasok ang sweldo, o ang iwan ang karera para ibuhos ang lahat sa sinimulang negosyo.
Nakakatakot, nakakakaba, pero kung mapagtagumpayan, sulit.
Ito ang naging kuwento ng Potato Corner, isang sikat na negosyong nagsimula dalawampu’t tatlong taon na ang nakalipas.
***
Sa ating pag-uusap ni Jose Magsaysay o “JoeMag”, may ari ng Potato Corner, sa programang “Status Update”, ikinuwento niya ang susi sa tagumpay ng negosyong sinimulan niya kasama ang tatlo pang kaibigan noong 1992.
Noong panahong iyon, nagtatrabaho siya sa isang international burger chain. Nang magkaanak, naisip niya kung paano niya ito mapag-aaral sa magandang eskuwelahan at mabibigyan nang maayos na kinabukasan.
Naisip niyang maghanap ng sideline para magkaroon ng dagdag na kita. Nagkataon naman na inimbitahan siya ng tatlong kaibigang magtayo ng negosyo.
Kumuha sila ng inspirasyon sa kanyang bayaw na yumaman dahil sa paglalagay ng iba’t ibang flavor sa popcorn.
Kaya inisip nilang magkakaibigan kung anong produkto pa ang maaaring pumatok kung lalagyan ng iba’t ibang flavor.
Napagdesisyunan nilang lagyan ng iba’t ibang lasa ang French fries, gaya ng cheese at barbeque.
Doon na nga isinilang ang Potato Corner, na masasabing kauna-unahang flavored fries sa mundo.
Bilang panimula, nag-ambag sila ng tig-P37,500 para masimulan na ang unang outlet ng Potato Corner.
Ibinenta nila ang kanilang french fries sa iba’t ibang laki, mula sa regular fries hanggang sa tera fries, na siyang napakarami!
Dalawang buwan matapos magbukas ang unang outlet, ipinatawag siya ng kanyang boss sa burger chain. Doon, pinapili na siya kung mananatili sa kumpanya o tututok sa Potato Corner.
Kinailangang pumili ni JoeMag. Iiwan ba niya ang kanyang trabaho, na may siguradong buwanang suweldo ngunit baka hindi matutustusan ang pangangailangan ng pamilya?
O iwan ito at sumugal sa maliit na negosyo na maaaring magtagumpay o matalo?
Napakahirap na panahon para sa kanya. Ngunit sa kanyang pagmahahal sa pamilya at nais niyang mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga ito, sumugal siya.
Pinili niya ang Potato Corner. Kahit na dalawang buwan pa lamang ito, tumalon na siya rito.
***
Mga Kanegosyo, hindi siya nagkamali dahil sa unang buwan pa lang ng operasyon, nabawi na nila ang kanilang puhunan. Bihira itong mangyari, lalo pa’t ang ibang negosyo ay inaabot ng taon bago mabawi ang puhunan.
Nang makita ang tagumpay ng Potato Corner, marami na ring nagsulputang iba’t ibang French Fries stand. Sa unang dalawang buwan pa lang, ang dami nang gumaya!
Sa susunod na linggo, talakayin natin ang naging kumpetisyon at ang kanilang mga hakbang para lalong makalaban sa merkado!
Recent Comments