Mga kanegosyo, ilang linggo ang nakalipas ay bumisita ako sa Negosyo Center sa Iligan City.
Makikita ito sa loob ng Mindanao State University Iligan Institute of Technology (MSU-IIT).
Sa aking pagbisita, nakita ko kung paano nakakatulong ang digital fabrication laboratory o FabLab sa paglikha ng disenyo ng mga produkto ng entrepreneurs na lumalapit sa Negosyo Center.
Nakausap ko rin ang ilang entrepreneurs na mula Iligan City, na regular nang kliyente ng Negosyo Center.
***
Isa na rito si Aling Antonieta Aragan, na maagang nabiyuda kaya mag-isa lang na binubuhay ang tatlong anak sa pamamagitan ng benepisyo mula sa Pantawid Pamilya Pilipino Program o 4Ps.
Sa umpisa, walang negosyo si Aling Antonieta at umaasa lang sa tulong ng 4Ps. Minsan, naisip nilang mag-loan sa Sustainable Livelihood Program (SLP), kasama ang iba pang miyembro ng kanilang asosasyon sa lugar para makapagsimula ng negosyong turmeric at luya.
Sa umpisa, mabagal ang pasok ng benta dahil hindi pa kilala ang kanilang produkto sa merkado.
Isang araw, niyaya siya ni Francis Flores, project development officer ng SLP, na magtungo sa Negosyo Center sa Iligan City upang ipakilala kay Ma’am Lourdes Tiongco.
Pinayuhan naman ni Ma’am Lourdes si Aling Antonieta na sumali sa iba’t ibang seminar at event ng Negosyo Center para makatulong sa paglago ng kanyang negosyo.
Doon na nagsimula ang pagdalo ni Aling Antonieta sa iba’t ibang seminar ng Negosyo Center.
Sa kagustuhang matuto, nakarating pa siya sa Cagayan de Oro City para lang dumalo sa seminar.
Tinulungan din siya ng Negosyo Center sa pagdisenyo ng label at packaging upang maka-engganyo ng maraming mamimili sa merkado.
***
Nakatulong din ang Mentor Me Program ng DTI para mabigyan ng lakas ng loob at tiwala sa sarili si Aling Antonieta para magnegosyo.
Sa kuwento niya, natuto siya sa Mentor Me Program kung ano ang tamang gawin sa negosyo at kung ano ang mga pagkakamali na dapat iwasan.
Pati pagsunod sa legal na proseso ay itinuro kay Aling Antonieta upang hindi magkaroon ng problema sa hinaharap.
***
Sa ngayon, mayroon nang display ang mga produkto ni Aling Antonieta sa DTI at sa iba’t ibang supermarket sa lungsod at mga kalapit na lugar, gaya ng Cagayan de Oro, Cotabato City at maging sa Cebu City.
Ibinida rin sa akin ni Aling Antonieta na nakaabot na sa Amerika ang kanyang produkto nang dalhin ito ng tiyahin ng kanyang kaibigan.
Pagbalik ng asawa nito mula Amerika, may dala na itong maraming order para sa kanyang mga produkto.
Sa una, kumita si Aling Antonieta ng P1,000, P3,000 hanggang sa umakyat ito ng P6,000 kada buwan. Noong Abril, pumalo sa P12,000 ang kanyang kita.
Malaki ang naitulong ng kanyang maliit na negosyo sa pangangailangan ng pamilya. Noon, sinabi ni Aling Antonieta na problema niya ang pagkain sa araw-araw.
Ngayon, dahil sa regular na kita ng kanyang mga produkto ay tiyak na mayroon silang pagkain sa mesa at pampaaral sa kanyang mga anak.
Bilang panghuli, pinasalamatan ni Aling Antonieta ang bumubuo sa Negosyo Center sa Iligan City dahil sa kanilang tulong upang mapaganda ang kanyang buhay.
Ayon kay Aling Antonieta, kung hindi sa Negosyo Center ay hindi siya magkakaroon ng kumpiyansa sa sarili at kaalaman na magagamit sa kanyang negosyo.
Mahalaga ang papel ng Negosyo Center sa pag-asenso at pag-angat ng maliliit na negosyo at sa paglaban sa kahirapan.
Inaasahan natin na ang mga Negosyo Center sa Iligan at Marawi City ay makatutulong sa paghanap ng kabuhayan para sa mga pamilyang naapektuhan ng labanan sa Marawi at mga kapalit pang lugar.
***
Higit sa 500 na ang mga Negosyo Center sa Pilipinas salamat sa Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act, ang kauna-unahan kong naipasang batas bilang senador noong 16th Congress.
Layunin nitong maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa upang suportahan ang mga Pilipino na nais magsimula ng sariling negosyo o tulungang mapalaki ang kasalukuyan nilang negosyo.
Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.
Recent Comments