Mga Kanegosyo, muli nating sasagutin ang mga tanong na ipinadala ninyo sa amin sa aming e-mail at social media sites.
Ito’y bahagi ng ating adhikain at pangako na sisikapin nating matulungan kayo sa pagtatayo ng negosyo.
Naririto ang ilan sa mga tanong na pumasok sa ating e-mail. Hindi na po natin babanggitin ang kanilang pangalang bilang pag-iingat.
***
Isang mapagpalang araw sa inyo, Kanegosyong Bam!
Isa po ako sa mga masugid na sumusubaybay sa iyong makabuluhang kolum. Ang sarap basahin ng mga naibabahagi ninyong mga tagumpay ng ating mga kababayan.
Sa kabila ng hirap at sakripisyo nila ay laging naka-agapay ang tagumpay. Sa mga tiis at paghihintay ay darating ang tamang panahon ng tagumpay. Ako po ay OF na nakabase dito sa Doha, Qatar ng halos walong taon na.
Nais ko po sanang malaman ang mga training schedule ninyo sa parteng Maynila o sa siyudad ng Quezon para maibahagi ko sa aking mga anak na ngayon ay nag-aaral sa kolehiyo.
Hihikayatin ko sila na makibahagi sa inyong mga pagsasanay at naniniwala po ako na malaki ang maitutulong ng inyong adbokasiya sa kaalaman ng aking mga anak at sa mga kabataang Pilipino sa larangan ng pagnenegosyo.
Mayroon po akong kaunting ipon na puwede naming mapagsimulan at sa tulong ng inyong mga trainings ay maihuhubog ang tamang kaisipan sa pagpapalakad ng isang negosyo patungo sa tagumpay.
Nawa’y pagpalain at patuloy kayong gabayan ng Poong Maykapal.
Sumasainyo at maraming salamat,
Edward
***
Kanegosyong Edward,
Una sa lahat, nais kong papurihan ang kahanga-hanga mong kasipagan, lalo pa’t nakawalong taon ka na sa Qatar. Batid ko ang hirap ng ating mga kababayan na malayo sa kanilang mahal sa buhay.
Kaya naman pinagsisikapan ng ating tanggapan na maituro sa ating mga kababayan, lalo na sa mga nagtatrabaho sa ibang bansa, ang iba’t ibang kaalaman sa pagnenegosyo.
Sa pamamagitan nito, hindi ninyo na kailangan pang bumalik sa ibang bansa para lang may maipantustos sa pangangailangan ng inyong pamilya.
Sa kasalukuyan, ang tanging Negosyo Center sa National Capital Region ay matatagpuan sa siyudad ng Mandaluyong sa Maysilo Circle sa Plainview.
Ngunit maaari rin kayong magtungo sa ikalawang palapag ng Metro House Building sa Gil Puyat sa Makati kung saan itinatayo ang isa pang Negosyo Center. Kahit ito’y ginagawa pa, pero may mga tao na roon para tumulong sa mga gustong magnegosyo.
Sa mga susunod na linggo, inaasahan natin ang sunud-sunod na pagbubukas ng Negosyo Center sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan.
May ilan nang naka-schedule na training at seminar na binibigay ang Negosyo Center sa Mandaluyong, sa tulong ng Department of Science and Technology (DOST), kabilang dito ang may kinalaman sa Food Safety Act sa March 16, June 24, Sept 24 at Nov. 16.
Mayroon din silang consultation ukol sa packaging at labeling ng mga produktong pagkain sa July 13. Maliban dito, marami pang training na ibinibigay ang Negosyo Center para sa mga nais magsimula ng negosyo.
Kaya maaaring magtungo ang inyong mga anak sa Negosyo Center sa Mandaluyong upang malaman ang iba’t ibang uri ng negosyo na kanilang puwedeng simulan at mapaunlad sa mga susunod na taon.
Sa tulong nito, puwede na kayong hindi bumalik sa ibang bansa para magtrabaho.
Gumagalang,
Kanegosyong Bam
Recent Comments