NEGOSYO, NOW NA!: Sakripisyo

Mga Kanegosyo, akma ang ating pag-uusapan ngayon sa panahon ng Semana Santa.

Sa ganitong panahon, inaalala natin ang ginawang sakripisyo ng Panginoong Hesus upang tayo’y iligtas sa ating mga kasalanan.

Sa pagkatawang-tao Niya, isinakripisyo niya ang kanyang pagiging Diyos upang makapiling tayo at maligtas sa kasalanan.

***

Kabahagi na ng pagtatayo ng negosyo ang sakripisyo. Lahat ng matagumpay na negosyante ay may ginawang sakripisyo bago nila naabot ang kanilang kinalalagyan sa ngayon.

Sa aking mga nakausap na negosyante at sa mga nabasa kong kuwento ng pagtatagumpay, maraming naisakripisyo ang mga nagnenegosyo — sa kanilang personal na buhay, ang kanilang pamilya at minsan ang kanilang buong career mismo, para lang tumaya sa pinapangarap na negosyo.

Kahit hindi malinaw ang kinakaharap, maraming mga entrepreneurs ang iniwan ang maganda at stable na trabaho at pagiging empleyado upang magtayo ng sariling negosyo.

Iniwan nila ang walong oras na trabaho para sa isang negosyo na mangangailangan nang halos 24 oras na pagtutok.

Ang mga pamilya ay kasama sa mga nagsasakripisyo. Dahil kailangang tutukan ang negosyo, hindi na nakakadalo sa mga event sa paaralan at maging sa birthday ng mga anak dahil abala sa pag-aasikaso ng negosyo.

Sa kabila ng mga sakripisyong ito, kailangan nating tanggapin na hindi lahat ay nauuwi sa tagumpay. May iba naman na tagumpay nga ang negosyo, sira naman ang pamilya o ang kalusugan.

***

Kaya mahalaga na balansehin ang oras para sa negos­yo, pamilya at sa sarili upang sa huli, hindi na kailangan pang may mabigat na kapalit ang tagumpay.

Una at pinakamahalaga, bigyan ng oras ang pamilya. Walang pero-pero o bakit. Ito ay isang mahalagang bagay na hindi na dapat pang pag-isipan pa.

Ikalawa, bigyan rin ng oras ang sarili upang maiwasan ang tinatawag na burnout at maubos sa pagod at pressure ng pagnenegosyo.

Ikatlo, kumuha ng maasahang tauhan at ibigay sa kanya ang ilang mahalagang trabaho upang mabawasan ang isipin.

***

Puno ng sakripisyo ang buhay ng isang entrepreneur ngunit kaya itong malampasan basta’t kaya nating balansehin ang bagay-bagay.

Gaya na lang ni Annabella Santos-Wisniewski, founde­r at pangulo ng Raintree, ang nasa likod ng Discove­ry properties na siyang may-ari ng Discovery Suites sa Ortigas, Discovery Suites sa Boracay, Discovery Country Suites sa Tagaytay at sa Discovery Bay sa Albay.

Nang matapos ang kursong Hotel Administration sa Cornell University, kabi-kabila ang alok na trabaho sa kanya ngunit pinili niya ang pumasok sa Ascott serviced residences sa Singapore.

Kahit maganda na ang trabaho, hindi pa rin nawala sa kanya ang hangaring umuwi at makapagtayo ng sariling negosyo sa Pilipinas.

Kahit hindi alam ang mangyayari sa kinabukasan, iniwan niya ang magadang trabaho sa Singapore, bumalik siya sa Pilipinas at itinayo ang Raintree noong 1996.

Nagbunga naman ang kanyang maraming panahon ng masusing pagpaplano, pangamba at sakripisyo nang pumayag ang Ayala Group na magtayo ng serviced residences gaya ng Ascott sa Pilipinas.

Sabi nga nila, the rest is history. Kilala na ang Discove­ry Suites bilang isa sa pinamagandang hotel sa bansa.

Sa kabila ng maraming panahon niya sa pagnenegos­yo, tiniyak niya na may oras pa rin siya sa kanyang pamilya.

Ngayon, nasa kolehiyo na ang kanyang tatlong anak na lalaki.

Ang tagumpay sa pagnenegosyo ay nangangailangan ng matinding sakripisyo sa mga nais magtagumpay.

Ngunit ang mas kailangang pagsasakripisyo ay kung paano pipiliin ang oras, mga desisyon at priority upang hindi makalimutan ang sariling kalusugan at kapakanan ng pamilya.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top