Mga Kanegosyo, sa hirap ng buhay ngayon, ilan sa ating mga empleyado ay gumagawa ng sideline upang may maipandagdag sa gastos araw-araw.
Mula sa pagtitinda ng pagkain, damit at iba pang produkto, pinapasok na ng mga empleyado bilang pantustos sa araw-araw na pangangailangan ng pamilya.
Sa aming programang “Status Update”, nakausap ko ang dalawang professional na may mga pinatatakbong sideline na kasabay ng kanilang trabaho.
Una rito si Ryan Tan, isang advertising executive, na sinimulang ang Voila Jars, mga garapon na magkakaroon ng cake sa loob kapag nilagyan ng tubig at inilagay sa microwave sa loob ng isang minuto.
Naging panauhin din naming si Carole Malenab, may-ari ng isang boutique fashion accessories at tindahan ng empanada habang nagtatrabaho sa Senado.
***
Sa kuwentuhan namin ni Ryan, sinimulan niya ang Voila Jars habang nagtatrabaho sa isang advertising company.
Dahil malikot at malikhain ang kanyang isip, gumawa si Ryan ng isang business plan para sa kanyang iniisip na produkto. Sinabayan niya ito ng pagsangguni sa kanyang tiyahin, na siyang nag-imbento ng viola jars na mayroon nang tatlong flavor: Belgian Fudge, Red Velvet at Chocolate Mud Cake.
Ayon sa kanya, ang kanyang produkto ang pinakamadaling paraan para gumawa ng cake. Lalagyan lamang ng tubig, ilalagay sa microwave oven at voila! – may cake na!
Sa bahagi naman ni Carole, nahilig siya sa paggawa ng fashion accessories noong nag-aaral pa siya sa kolehiyo.
Bilang regalo sa kanyang kaarawan, humingi siya ng isang libong piso sa kanyang mga magulang noon na ginamit niya para simulan ang isang boutique at fashion accessories store.
Dala ang pera, nagtungo siya sa Quiapo at namili ng mga beaded accessories na kanyang ibinenta sa Los Banos.
***
Dahil nga hindi buo ang panahong ibinubuhos sa negosyo, sinabi ni Ryan na hindi mapapalaki nang mabilis, gaya ng inaasahan.
Kapag may free time sa trabaho, imbis na kumain at lumabas ay tinututukan niya ang social media kung saan dumadaan ang order ng kanyang produkto.
Isa rin sa mga naging hamon niya ang paghahanap ng tamang tao na uunahin ang kapakanan ng negosyo, lalo pa’t hindi niya ito nabibigyan ng buong pansin.
Masuwerte naman si Carole dahil katuwang niya ang kanyang pamilya sa pagpapatakbo ng negosyo na matatagpuan sa kanilang lugar sa Los Banos, Laguna.
Ngunit pagdating sa order at iba pang isyu, kay Carole pa rin ang bagsak ng mga transaksiyon, lalo pa’t numero niya ang nakalagay sa contact numbers ng negosyo.
Noong una, nagbibiyahe pa siya sa Bangkok para mamili ng ibebentang damit. Ngunit sa huli, nagpasya siyang kumuha ng mananahi sa kanilang lugar na siyang gagawa ng mga bagong disenyong damit.
***
Ang payo ni Ryan sa mga nais mag-sideline ay subukan ito dahil nakatutuwa ito, bukod pa sa puwede itong gawing paraan para makapag-relax sa pressure ng regular na trabaho.
Isa pang advice niya ay gamitin ang libreng resources gaya ng social media na nagpapadali sa pagnenegosyo. Aniya, sa tulong nito, mas madali ang pagnenegosyo.
Kung si Carole naman ang tatanungin, mahalaga na ibigay ang 100 percent sa parehong trabaho at sideline na negosyo.
Aniya, kapag nasa trabaho tayo at mayroon tayong ginagawa, ito muna ang unahin. Kapag oras na para sa sideline, iyon naman ang tutukan
Ang paliwanag niya, delikado na pagsabayin ang dalawang ito dahil siguradong may mapapabayaan.
Kaya ano pa ang hinihintay ninyo, mga Kanegosyo? Maghanap na ng magandang sideline!
Recent Comments