NEGOSYO, NOW NA!: Sikreto ng mga negosyanteng Tsino

Mga Kanegosyo, ipinagdiwang ng mga Tsino ang pagpasok ng Year of the Wooden Sheep noong nakaraang linggo.

Pagsapit ng ganitong panahon, nariyan na ang usapan tungkol sa mga pampasuwerte para sa Bagong Taon. Naririyan na ang mga pangontra sa malas, feng shui at iba pang pampasuwerte pagdating sa negosyo.

Pero mukhang hindi yata ito kailangan ng mga Tsino kung negosyo ang pag-uusapan. Marami akong mga nakilalang Tsino na naging matagumpay sa pagnenegosyo. Naririyan na sina Henry Sy, Lucio Tan, Lucio Co, ang pamilya Gokongwei at maraming iba pa.

Kahit sa maliliit na negosyo, patok rin ang mga Tsino, na karamihan ay nasa larangan ng pagtitinda, gaya ng sari-sari store, stalls sa mga tiangge at restaurant.

Bakit kaya patok sa pagnenegosyo ang mga Tsino? Ano ba ang kanilang sikreto sa tagumpay?

***

Sa pakikipag-usap ko sa kanila, natutukoy nila ang kasipagan at determinasyon bilang dalawa sa mga katangiang isinasa­buhay nila sa pagne­negosyo.

Magandang halimbawa rito ang kuwento ni Li Ka-Shing, ang pinakamayamang entrepreneur sa China.

Sa murang edad na 12, pasan na niya ang responsibilidad na buhayin ang pamilya nang mamatay ang ama sa tuberculosis.

Kasabay ng pagta­trabaho, sinabayan din niya ito ng sariling pag-aaral gamit ang mga libro na may kinalaman sa negosyo.

Sa kabila ng pagiging abala sa bahay at trabaho, hindi nawala ang sipag niya sa pag-aaral, na kanyang nagamit nang itayo niya ang sariling kumpanya ng plastic sa edad na 22.

Nang bumagsak ang merkado ng plastic, nanatili siyang determinado. Agad siyang lumipat sa property development at services dahil umuusbong ito noon.

Hindi niya inalintana ang pagkabigo at sumuong ulit siya sa pagnenegosyo. Kahit marami ang nagsabing hindi niya kakayanin, hindi niya pinakinggan ang mga ito at ipinagpatuloy ang pagnenegosyo hanggang lumaki ang kanyang kumpanya at makaahon sa kahirapan.

Ngayon, si Li na ang may-ari ng Cheung Kong Holdings Inc. na nagkaka­halaga ng $48.3 bilyon.

***

Isa ring diskarte na aking naririnig mula sa kanila sa pagnenegosyo ang prinsipyo ng “low profit margin for high sales volumes”.

Mainam para sa kanila ang kahit maliit lang ang kita, basta’t ‘di natu­tulog ang puhunan. Kahit isang kusing lang ang tubo ay mas mabuti kaysa sa walang kita.

Para sa kanila, ang lahat ng malaki ay nagmu­mula sa maliit. ‘Di mabubuo ang piso kung walang singko.

Ganito ang umiiral na istilo ng mga negosyanteng Tsino sa popular na 168 Mall sa Divisoria.

Kahit halos balik puhunan na ang benta nila sa damit o iba pang gamit, ayos lang dahil mas mahalaga sa kanila ang maka­benta ng marami.

Sa ganitong sistema nga naman, hindi natu­tulog ang puhunan at mabilis ang ikot ng pera. Mas maganda na ito kaysa sa matagal nakatengga ang mga paninda.

Hindi masama na pag-aralan din natin ang sistema ng pagnenegosyo ng mga Tsino. Malaki ang maitutulong nila para marating din natin ang tagumpay na tinatamasa nila sa negosyo.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top