Mga kanegosyo, isa sa mga patok na sistema ngayon sa pagnenegosyo ay ang tinatawag na e-commerce o electronic commerce.
Ito ay ang paggamit ng Internet upang maipakilala ang negosyo sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas at ng mundo sa pamamagitan ng website at social media.
Sa pamamagitan din ng Internet, nakakapagbenta ng produkto sa isang mamimili at nagbabayad sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya na tinatawag na e-payments.
Sa pag-aaral, ang tinatawag na internet penetration sa Pilipinas ay lumago mula 37 percent noong 2013 patungong 43.5 percent o 44 milyong internet users noong 2016.
Ibig sabihin nito, napakaraming Pilipino ang maaaring maabot ng mga negosyante sa tulong ng Internet.
***
Sa ating mga Negosyo Center, isa sa mga ibinibigay na seminar ay patungkol sa e-commerce at kung paano ito magagamit ng micro, small at medium enterprises upang mapalago at mapalawak ang merkado ng produkto.
Kabilang dito ang Negosyo Center sa Cebu, na kamakailan lang ay nagbigay ng seminar ukol sa E-Commerce and Digital Marketing Mentoring Program sa labing-anim na MSMEs.
Nanguna si Janette Toral, isang e-commerce advocate at digital influencer, sa seminar na tumagal ng dalawang buwan mula Nob. 21 hanggang Enero 20.
Kabilang sa mga lumahok ay MSMEs na kabilang sa sektor ng turismo, home furnishing, food, trucking, energy at industrial sectors.
Sa sampung linggong seminar, tinuruan ang mga kalahok na magtayo ng sariling website, tumanggap ng online payments at lumikha ng sariling customer relationship management systems.
Tinuruan din sila ng product photography, search engine optimization at social media marketing.
***
Isa sa mga sumali sa nasabing seminar ay ang may-ari ng Chitang’s Torta, na kilala na sa bayan ng Argao noon pang dekada otsenta.
Nang yumao ang inang si Anecita ‘Chitang’ Camello noong 2007, si Irvin na ang nagpatakbo ng negosyo.
Kahit kilala na ang tindahan sa Argao at iba pang bahagi ng Cebu, nais ni Irvin na ito’y mapalago pa at mapasikat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kaya dumalo siya sa e-commerce seminar ng Negosyo Center kung saan natutuhan niya ang digital marketing.
Pagkatapos magtayo ng sariling website at gumawa ng sariling Facebook account, tumaas ang order para sa torta. Dumating pa ang punto na hindi na nila matugunan ang pumapasok na order.
Mula sa P140,000 noong December 2015, lumago ang kanilang benta sa P180,000 noong December 2016.
Nakatanggap pa sila ng online order para sa P30,000 halaga ng torta habang marami ring reservation para sa customers mula Canada at California.
Sa pamamagitan ng e-commerce seminar ng Negosyo Center, umaasa ang Department of Trade and Industry na marami pang MSMEs gaya ni Irvin ang makikinabang dito.
***
Sa ngayon, mahigit 400 na ang Negosyo Center sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Layunin ng Republic Act No. 10644 o ang Go Negosyo Act na maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa.
Ang Go Negosyo Act ang kauna-unahang batas ko bilang senador noong 16th Congress.
Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.
Recent Comments