Mga kanegosyo, binuksan sa kalagitnaan ng 2015 ang dalawang Negosyo Center sa lalawigan ng Bohol.
Ang isang Negosyo Center, na pinatatakbo ng Department of Trade and Industry (DTI), ay makikita sa ikalawang palapag ng FCB Main Branch Bldg., CPG Avenue sa Tagbilaran City.
Ang ikalawa naman ay nakaposisyon sa kapitolyo ng lalawigan na matatagpuan din sa Tagbilaran City.
Sa huling ulat ng DTI, halos 4,000 na ang natulungan ng dalawang Negosyo Center sa pamamagitan ng seminar, konsultasyon, marketing, product development, pautang at marami pang iba.
Ang dalawang Negosyo Center ay nakakonekta sa kauna-unahang digital fabrication laboratory o FabLab sa Pilipinas na makikita sa Bohol Island State University (BISU).
Ang FabLab ay nakatutulong sa entrepreneurs na maidisenyo ang kanilang mga ideya sa negosyo, tulad ng produkto, gamit ang makabagong fabrication machines, tulad ng 3D printer, laser cutter, printer at cutter.
Ang FabLab ay nakatulong na sa maraming entrepreneurs na lumapit sa ating mga Negosyo Center sa Bohol.
***
Una na rito ang Children’s Joy Foundation ni Aling Evelyn Vizcarra, na lumapit sa Negosyo Center upang humingi ng tulong sa pagpapaganda ng packaging at labeling ng kanyang produktong pagkain.
Isa sa mga payo na ibinigay ng Negosyo Center kay Aling Evelyn Vizcarra ay pagdalo sa Food Packaging and Labeling seminar.
Sa seminar, pinayuhan din si Aling Evelyn na magtungo sa FabLab. Agad namang inasikaso ng mga lokal na designer ang bagong disenyo ng balot at label ng mga produkto ni Aling Evelyn.
Ngayon, agaw-pansin na ang mga produktong ibinebenta ni Aling Evelyn sa mga lokal na tindahan dahil sa magandang disenyo ng FabLab.
***
Isa rin sa mga natulungan ng FabLab ay Candabon RIC Multi-Purpose Cooperative.
Lumapit ang kooperatiba sa Negosyo Center upang humanap ng solusyon sa produksiyon ng kendi.
Problemado ang kooperatiba dahil ang plastic na molde ay dumidikit sa kendi. May pagkakataon din na nagkakaroon ng crack ang molde at ang maliliit na piraso nito ay sumasama sa sangkap ng kendi.
Sa tulong ng FabLab, nakagawa sila ng moldeng gawa sa silicon na nagpabilis sa kanilang produksiyon mula 500 piraso patungong 1,000 kendi kada-araw.
Maliban pa rito, naiwasan ang aksaya sa sangkap at gumanda pa ang hugis ng kanilang kendi.
***
Mga kanegosyo, ang Republic Act 10644 o ang Go Negosyo Act ay ang una nating batas noong 16th Congress.
Itinatakda ng Go Negosyo Act ang paglalagay ng Negosyo Center sa lalawigan, siyudad at munisipalidad sa buong bansa na siyang tutulong sa micro, small at medium enterprises (MSME).
Sa huling bilang ay 400 na ang Negosyo Centers sa buong bansa na handang tumulong sa ating micro, small at medium enterprises.
Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.
Recent Comments