Mga kanegosyo, damang-dama na natin ang simoy ng Kapaskuhan sa bansa.
Kasabay ng unti-unting paglamig ng hangin, nakakakita na rin tayo ng iba’t ibang dekorasyon na nagpapahiwatig na nalalapit na naman ang pagdiriwang ng kapanganakan ni Hesus.
Isa ring senyales ng panahon ng kapaskuhan ang pagsulpot ng kabi-kabilang bazaar at trade fair sa malls, pamilihan at maging mga bakanteng lugar kung saan puwedeng maglagay ng tindahan.
Ang iba nating mga kababayan, paboritong dayuhin ang mga bazaar at trade fairs para mamili ng pamasko dahil bukod sa mura, marami pang produkto at tindahan na pagpipilian.
Maging sa tinatawag na foodie, patok din ang mga ganitong uri ng tindahan dahil marami rin ang nagtitinda ng pagkain na galing pa sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Sa ganitong panahon din, marami ang pumapasok sa negosyo, lalo pa’t alam nila na malakas ang kita sa mga bazaar at trade fairs.
***
Ngunit hindi dapat magpadalus-dalos sa pagpasok sa ganitong uri ng negosyo. Mahalagang alam natin ang susuunging sitwasyon bago tayo sumabak dito.
Importanteng mabigyan muna tayo ng tamang payo, sapat na gabay at kaalaman bago tayo sumuong sa pagnenegosyo ngayong Kapaskuhan.
Dito papasok ang mahalagang papel ng Negosyo Centers na nasa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa Negosyo Center, mabibigyan ang mga nais magnegosyo ng tamang tulong, suporta at training para magtagumpay ang itatayong negosyo ngayong kapaskuhan.
Handang tugunan ang lahat ng pangangailangan ng micro, small and medium enterprises, mula sa payo, training, seminar, access sa pautang at iba pang pangangailangan sa pagnenegosyo.
Kaya payo ko sa mga nais magnegosyo ngayong kapaskuhan, huwag panghinayangan ang kaunting oras na gugugulin sa pagbisita sa Negosyo Center.
Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa www.bamaquino.com/gonegosyoact o tumawag sa DTI center sa inyong lugar.
***
Sa huling bilang, mahigit 300 na ang Negosyo Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa at inaasahang madadagdagan pa ito bago matapos ang taon.
Bilang principal author at sponsor ng Republic Act No. 10644 o ng Go Negosyo Act sa Senado, nais nating tulungang magtagumpay ang mga kababayan nating nais magsimula ng sariling negosyo at palaguin ang sektor ng MSMES sa bansa.
Maliban sa Go Negosyo Act, ang aking unang batas noong ako’y chairman pa ng Committee on Trade noong 16th Congress, may lima pa tayong batas na nakatuon sa pagpapaunlad ng MSMEs sa bansa.
Ito ay ang Philippine Competition Act, Foreign Ships Co-Loading Act, Microfinance NGOs Act, Youth Entrepreneurship Act at Credit Surety Fund Cooperative Act.
Ang pagtulong sa mga kababayan nating nais magnegosyo at sa sektor ng MSME ay matagal na nating ginagawa bago pa man tayo naluklok bilang senador.
Kahit na tayo’y chairman na ng Committee on Education ngayong 17th Congress, tuluy-tuloy pa rin ang pagtupad natin sa adbokasiyang ito.
Recent Comments