Mga Kanegosyo, natutuwa tayo sa pagdagsa ng mga katanungan sa ating e-mail at Facebook na nagpapahayag ng interes na magtayo ng sariling negosyo.
Patunay ito na nagbubunga ang ang ating pagsisikap na maipaabot sa ating mga kababayan, kahit nasa labas pa ng bansa, ang kahalagahan ng pagnenegosyo tungo sa tagumpay.
Kaya naman binibigyan natin ng panahon at pinagsisikapang sagutin ang mga katanungang ito sa abot ng ating makakaya. Naririto ang ilan sa mga tanong na ating nakuha:
***
Kanegosyong Bam,
Nabasa ko po ang isang column ninyo regarding sa pagnenegosyo. Halos walong taon na po ako rito sa Gitnang Silangan. Nais ko po sanang mapalago o makapagsimula ng bagong negosyo.
Ako po ay taga-Plaridel, Bulacan at nais kong pasukin ang negosyong wholesale/retail ng palay at bigas. May maliit din kaming tindahan na nais kong palakihin. Nais ko po sanang makahiram ng puhunan para sa naiisip kung negosyo.
Maraming salamat po, Melvin.
***
Kanegosyong Melvin,
Maraming salamat sa inyong sulat! Una, alamin muna natin kung gaano karaming palay ang naaani ninyo kada tanim, kung gaano kalaki ang inyong palayan at kung mayroon kayong binibentahang palay o bigas sa ngayon.
Tapos, maaari na kayong pumunta sa lokal na opisina ng Department of Agriculture sa Plaridel, para mapag-aralan nila kung handa ang inyong palayan na magbenta nang wholesale. Sa paraang ito, masusukat ninyo ang kakayahang magbenta nang maramihan.
Tungkol naman sa inyong maliit na tindahan, marami po ba kayong produktong binebenta o iilan lang ang inyong tinitinda? Saan ang lugar ng inyong tindahan?
Para mas matulungan kayo, maaari kayong pumunta sa Bulacan Negosyo Center sa ground floor ng Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Malolos, Bulacan, na tamang tama ay dinaluhan natin ang pagbubukas kamakailan.
Bisitahin ninyo ang Negosyo Center doon upang mabigyan kayo nang tamang payo at makahanap ng microfinance institution na puwede ninyong mautangan.
Kanegosyong Bam
***
Kanegosyong Bam,
Isa po akong OFW na nagtatrabaho sa Qatar ngunit sa Binondo, Manila nakatira ang pamilya. Nais ko po sanang humingi ng ideya kung ano ang puwede kong pasuking negosyo. Mayroon po ba kayong mga babasahin para po kapulutan ng ideya kung ano ang dapat isa isip pagmagsisimula ng maliit na negosyo?
Nagpapasalamat, Rod
***
Kanegosyong Rod,
Maraming salamat sa inyong e-mail. Malapit nang magbukas ang Negosyo Center sa Maynila at maaari kayong pumunta roon o sinuman sa inyong mga kamag-anak upang may makausap na business counselor na siyang magbibigay ng tama at akmang payo para sa naiisip na negosyo.
Sa ating batas na Go Negosyo Act, minamandato natin ang pagtatayo ng Negosyo Center para matulungan ang mga gaya ninyo na gustong magtayo ng sariling negosyo nang makauwi na galing sa ibang bansa at makasama ang pamilya. Para rin ito sa mga may kabuhayang nais pang palakihin ang kanilang negosyo.
Puntahan din ang mga website ng DTI (www.dti.gov.ph), Go Negosyo Movement (www.gonegosyo.net), ng kolum na ito (www.abante.com.ph) o ng inyong abang lingkod (www.bamaquino.com) para sa mga tips ng pagnenegosyo at kuwento ng tagumpay ng ibang mga negosyanteng Pilipino.
Maraming salamat at nais namin na ang inyong matagumpay na karanasan sa pagnenegosyo ang siyang itatampok namin sa susunod!
Kanegosyong Bam
Pangarap nating makamit ninyo ang tagumpay sa pagnenegosyo!
Recent Comments