Mga kanegosyo, noong ako ay isang social entrepreneur, marami akong nakitang pamilyang Pilipino na umangat mula sa kahirapan salamat sa matagumpay na negosyo.
Kaya noong ako’y naging senador, itinulak namin ang Go Negosyo Act, ang unang panukala na aking naisabatas, upang magbukas ng mga Negosyo Centers sa buong Pilipinas na ngayon ay higit 500 na.
Isa sa mga layunin ng Negosyo Center ay mabigyan ng kabuhayan ang mga kababayan nating walang hanapbuhay.
Sa Negosyo Center, makukuha ang lahat ng kailangang tulong para makapagsimula ng negosyo, mula sa pagkuha ng permit, pagkukunan ng puhunan hanggang sa mga kaalaman para sa matagumpay na pagpapatakbo ng negosyo.
Kabilang sa mga nakakuha ng ganitong tulong mula sa Negosyo Center ay ang mag-asawang Stephen at Miriam Rodriguez.
Matagal na nagtrabaho si Stephen sa isang electronics company ngunit bigla itong nagsara kaya nawalan sila ng pagkukunan ng kabuhayan para sa pangangailangan ng pamilya.
Sa kabila ng nangyari, malakas ang paniwala ng mag-asawa na marami pang oportunidad ang magbubukas para sa kanila.
Naniniwala sila sa kasabihan na “kapag may nagsarang pinto, maraming bintana ang magbubukas”.
Dahil may kaalaman sa pagsasaka, nag-isip si Stephen ng mga ideya kung paano ito pagkakakitaan.
Nang makabuo ng plano, nagpasya silang mag-asawa na itayo ang MYPS Hydroponics Garden Enterprise.
Ang hydroponics ay isang modernong sistema ng pagtatanim ng iba’t ibang uri ng gulay nang hindi gumagamit ng lupa. Ang kanilang ani ay ibinibenta nila sa iba’t ibang tindahan sa lalawigan.
***
Nagtungo si Miriam sa Negosyo Center sa Rizal para mag-apply ng business name noong Mayo 2016. Ang hindi niya alam, higit pa sa pagpaparehistro ang maitutulong ng Negosyo Center.
Habang nasa Negosyo Center, inimbitahan siya ng mga tauhan ng Department of Trade and Industry (DTI) na sumali sa iba’t ibang programa, seminar at training ng ahensya para mapalago ang kanilang kaalaman sa pagnenegosyo.
Maliban pa rito, ipinakilala siya ng DTI sa iba’t ibang merkado kung saan maaari niyang ibenta ang kanyang mga produkto, tulad ng Pasalubong Store sa DTI Provincial Office sa Antipolo City.
Nakatulong din sa sa paglago ng negosyo ng mag-asawang Rodriguez ang pagpapakilala sa kanila ng DTI Rizal sa Samahan ng mga Rizaleño sa Sektor ng Agrikultura at Pagkain o SARAP. Ito’y isang industriya na binubuo ng food entrepreneurs sa lalawigan ng Rizal.
***
Madalas din ang pagdalo ng mag-asawa sa Mentoring Program ng DTI kung saan natuto sila sa business coaches galing sa Kalye Negosyo at Professional Academy of Culinary Education o PACE.
Sa tatlong buwan na mentoring program, sumailalim si Miriam sa ilang modules upang mapaganda ang kanilang ani at makagawa ng recipe mula sa kanilang mga produkto.
Sa tulong ng PACE, natuto silang gumawa ng camias salad dressing, santol salad dressing, bottled laing at iba pang processed vegetables na kanilang ibinebenta sa trade fairs at iba pang event.
Iniugnay rin sila ng Negosyo Center sa mga kilalang restaurant at ilang specialty food stores, hindi lang sa Antipolo City, kundi sa iba pang mga siyudad at munisipalidad kaya lumawak ang merkado ng kanilang produkto.
Tinulungan din ng Negosyo Center ang mag-asawa na iparehistro ang kanilang negosyo bilang Barangay Micro Business Enterprise (BMBE) sa DTI at Bureau of Internal Revenue (BIR). Ngayon, pinakikinabangan na nila ang benepisyong bigay ng BMBE.
Ayon sa mag-asawa, kung wala ang tulong ng Negosyo Center, siguradong hanggang ngayon ay nangangapa pa rin sila sa sinimulang kabuhayan.
Ngayon, patuloy ang paglawak ng kanilang merkado at paglago ng kanilang negosyo at kabuhayan.
***
Higit sa 500 na ang mga Negosyo Center sa Pilipinas salamat sa Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act, ang kauna-unahan kong naipasang batas bilang senador.
Layunin nitong maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad, at lalawigan sa buong bansa upang suportahan ang mga Pilipino na nais magsimula ng sariling negosyo o tulungang mapalaki ang kasalukuyan nilang negosyo.
Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sahttps://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.
***
Mga Kanegosyo, kung may tanong kayo sa pagnenegosyo, mag-e-mail kay Kanegosyong Bam sa negosyonowna@gmail.com o mag-iwan ng mensahe sa fb.com/BenignoBamAquino.
Ugaliing makinig tuwing Miyerkules, alas-dos hanggang alas-tres ng hapon sa DZRH 666 sa programang ‘Go Negosyo sa Radyo’ kasama si Cheska San Diego. Ang programa’y sa kagandahang loob ng Go Negosyo at MBC.
Pangarap namin na magkaroon kayo ng kabuhayan sa pamamagitan ng pagnenegosyo!
Recent Comments