Mga kanegosyo, noong panahon ko bilang social entrepreneur, maraming beses din tayong humingi ng abiso at tulong sa ibang mga negosyante.
Napakalaking tulong talaga kung mayroon kang mapagtatanungan na naranasan din ang pinagdadaanan mo.
Kaya hindi matatawaran ang tulong na hatid ng mga business counselor ng Negosyo Centers sa ating mga kababayan o mga organisasyon na nais makapagsimula ng bagong negosyo.
Napakahalaga ng kanilang mga tulong at payo, na kung susundin ng ating mga kababayang lumalapit sa Negosyo Centers, ay makatutulong upang maging matagumpay ang itatayo nilang negosyo.
Isa sa mga susi ng tagumpay sa pagnenegosyo ay ang pagkakaroon ng bukas na isip sa mga payo at suhestiyon mula sa mga taong sanay na sa ganitong larangan.
Ang kanilang mga payo ay bunga ng pag-aaral habang ang iba nama’y mula sa pansarili nilang karanasan sa pagnenegosyo kaya masasabing ito’y subok na.
Sa ating kolum ngayon, itatampok natin si Jocelyn Gracilla, na tubong Cabiao, Nueva Ecija.
***
Halos kalahati ng kanyang buhay ay napunta lang sa pagtatrabaho bilang empleyado.
Nang mapagod na sa araw-araw na kapapasok sa opisina at paggawa ng pare-parehong trabaho, nagpasya si Jocelyn na magtayo ng sariling nail salon at spa.
Nang mabalitaan na mayroong Negosyo Center sa kanilang lugar, agad dumalo si Jocelyn sa isang seminar ukol sa entrepreneurship at BMBE orientation.
Sa Negosyo Center, nilapitan siya ng business counselor na si Manolet Caranto, kung saan sinabi niya ang kanyang planong magtayo ng isang nail salon at spa.
Nagturo si Manolet sa Alternative Learning System bago pumasok bilang clerk sa lokal na pamahalaan ng Cabiao. Pagkatapos nito, nag-apply siya sa Negosyo Center-Cabiao bilang business counselor.
Nakita ni Manolet ang potensiyal na pumatok ang planong negosyo ni Jocelyn kaya pinayuhan muna siyang iparehistro ito sa Department of Trade and Industry (DTI) at sa Business Permit and Licensing Office ng Cabiao.
Sa tulong ng business counselor, naiparehistro ang Celine Nail Salon and Spa bilang Barangay Micro Business Enterprise (BMBE).
Ilang araw ang nakalipas, nakuha niya ang BMBE Certificate of Authority na inisyu ng DTI-Nueva Ecija.
Bumalik si Jocelyn sa Negosyo Center at nagpatulong naman sa business counselor sa paggawa ng business proposal upang makautang ng puhunan.
Kasama ang business counselor, binuo nila ang business proposal na nagustuhan naman ng kaibigan ni Jocelyn kaya siya pinautang ng puhunan upang masimulan ang negosyo.
Ginamit ni Jocelyn ang kapital upang umupa ng malaking lugar para sa kanyang negosyo, Ang natira naman ay pinambili niya ng mga kailangang gamit ng kanyang nail salon at spa.
Hindi naman nagkamali si Jocelyn sa piniling negosyo dahil pumatok ito sa kanyang mga kababayan sa Cabiao.
Sa araw-araw, hindi nawawalan ng customer si Jocelyn kaya regular ang pasok ng kita para sa kanya at mga tauhan ng nail salon.
Sa ngayon, nagpaplano si Jocelyn na maglagay ng iba pang sangay ng Celine Nail Salon and Spa sa iba’t ibang bahagi ng Nueva Ecija.
Sa kabila ng tagumpay, patuloy pa ring bumibisita si Jocelyn sa Negosyo Center at regular ang pagsangguni sa business counselor ukol sa operasyon at iba pang problema na kinakaharap ng kanyang negosyo.
Recent Comments