(Sen. Bam’s speech during commemoration of Ninoy Aquino’s birthday in San Manuel, Tarlac)
Ang kuwento po ni Ninoy Aquino ay isang kuwento ng pagbabago. Ako po ay ipinanganak noong 1977. Kaunti lang po ang oras ko na nakasama ko si Tito Ninoy. Noong ako ay pinanganak, siya ay nakakulong sa Fort Bonifacio. Yung mga panahong nakasama ko siya at madalian lang kasi bibigyan lang kayo ng kaunting oras para makasama yung mga nakakulong. Ang kuwento sa akin ng aking mga magulang ay kapag dinadala daw ako sa Fort Bonifacio, ang sasabihin ni Tito Ninoy ay: “Paul at Melanie, iwan niyo na si Bam dito para may kasama naman ako!” Sabay iiyak naman ako at sasabihing, “Ayoko po, gusto ko pong umuwi.” Iyan po ang experience ko kay Tito Ninoy.
Noong namatay siya noong 1983, ako po yung isa sa mga nagsalita sa entablado, 6 years old pa lang po ako noon. Umikot po kami sa buong Pilipinas noong 1983 kasama ang aking lola. Nagsalita kami sa mga protesta laban sa pagkamatay ni Ninoy Aquino at laban sa Martial Law. Yun po ang simula ko bilang speaker sa entablado. Habang tumatanda, laging binabanggit ng mga tao na kamukhang kamukha ako ng Tito ko. Kahit nung nagpunta ako dito, “Uy si Sen. Bam, kamukhang kamukha ni Ninoy.” Totoo po iyan. Because of that, naging malalim sa akin ang buhay ng aking Tito Ninoy. Inaral ko po ang buhay niya. Masasabi ko na idolo ko siya kahit hindi ko siya nakilala nang matagal.
Para sa akin, ang buhay ni Ninoy Aquino ay matingkad. Sadly, hindi ito napag-uusapan sa ating panahon sa eskwelahan at sa media. Ang napag-uusapan lang ang kanyang pagkamatay. Ang hindi napag-uusapan kay Ninoy Aquino ay ang kanyang pagbabago dahil ang kuwento ni Ninoy ay isang kuwento ng pagbabago. Dito po ako nakakarelate. Mahirap makarelate dun sa kanyang pagkamatay kasi wala naman sa atin dito, ay gustong mamatay. Kahit gaano pa kalakas ang ating pagmamahal sa bayan at handa tayong mamatay, palagay ko wala sa atin ang may gustong mamatay ngayon. Nakakarelate ako sa kuwento ng pagbabago. Dahil noong siya ay kinulong, ang tawag sa kanya noon ay “Wonder Boy”, number one Senator, at Presidentiable. Isa pong tradisyonal na politiko si Tito Ninoy noon. Siya ay ambisyoso – may ambisyon na maging presidente.
Noong siya ay kinulong ng 7 years at 7 months, may panahon ng solitary confinement din. May panahon na wala siyang makitang pamilya. Talagang naubos po si Ninoy Aquino. Sabi niya, “I started from the beginning.” Noong siya ay nakulong at wala nang makausap, nawala lahat ng suporta, nawala lahat ng media, nawala lahat ng kapangyarihan, doon niya nahanap ang kanyang pagmamahal sa Diyos, at sa kanyang pamilya. At doon niya nahanap muli ang kanyang pagmamahal sa kanyang bayan. Kung makikita po ninyo ang Ninoy Aquino bago siya makulong, at pagkataon niya makulong, may pagbabago talaga. Lumalim ang kanyang pagiging pinuno ng kanyang bansa. Lumalim ang kanyang pagmamahal sa bayan. Kung noon, ang pagmamahal sa bayan lamang ay makakamit sa pagiging Senador o pagiging Presidente, pagkatapos niya makulong, ang kanyang pagmamahal sa bayan ay nandun na sa pagsasakripisyo at pag-aalay ng kanyang sarili nang buong buo.
Ngayon pong birthday ni Ninoy, huwag nating kakalimutan na ang kanyang pagkamatay ay hindi lang dahil nabaril siya. Iyan po ay dahil sa napakalalim niyang pagmamahal sa ating bayan na mas ginusto niyang umuwi kahit na baka makulong at mapanganib ang kanyang buhay kaysa sa manatili sa Amerika na mapayapa naman at ligtas. Ganyan ang pagmamahal niya. Handa niyang harapin ang anumang pagbatikos, pagkakulong, at panganib basta makasama niya tayo dito sa ating bayan. Of course, noong siya ay bumalik noong 1983, siya ay pinatay. Kaya ang kuwento ni Tito Ninoy ay isang kuwento ng pagbabago. Isang kuwento ng paghahanap muli ng totoong mahalaga sa ating buhay – pagmamahal sa pamilya, pagmamahal sa Diyos, at pagmamahal sa ating bayan. Napakalalim na kahit ano ay handa nating ibigay para sa ating mga minamahal.
Sana po, ang kabataan natin ay marinig iyan. Kasi kapag tinatanong ko po sila kung sino si Ninoy Aquino, ang sagot po ay nila ay “Yung nasa 500 po!” o kaya naman “Ang tatay po ni Kris!” Hanggang doon na lang. Kaya sana, tayo na nandito ngayon, yung mga senior na buhay na buhay noong 80s, ay ibahagi ang kanyang kuwento. Na kung paanong ang ating mga lingkod-bayan noon ay hindi lang nandiyan upang palakpakan, kundi nandiyan para ialay ang sarili para sa ating bayan. Yun po sana ang ikwento natin sa ating mga apo. Palagay ko, marami sa mga lider ngayon ay takot na takot at hindi makapagsalita. Nakita natin na si Ninoy Aquino ay hindi natakot na makulong at mapanganib ang buhay dahil napakalalim ng kanyang pagmamahal sa Diyos at sa bayan. Iyon sana ang maging paalala natin sa araw na ito.
Si Tito Ninoy, palaging nagpaparamdam sa akin. Noong 2012, bago ako tumakbo sa Senado, nakatanggap ako ng isang award na “Ten Outstanding Young Persons of the World” noong December 2012. By that time, naka-file na po tayo pero hindi pa nagsisimula ang kampanya. Ang award ay ibibigay sa Taiwan. Pagdating ko doon, dinala ako ng organizer sa hotel. Noong palapit na ako sa napakalaking hotel na Grand Hotel, ang sabi ko sa organizer, “This looks very familiar.” Ang sabi niya sa akin, “Oh Bam, that’s where your uncle stayed before he went to the Philippines.” Doon po siya nagstay bago lumipad pabalik ng ating bansa. Kaya pala pamilyar sa akin kasi nakikita ko ito sa mga picture. Paglapit ko sa front desk, sabi sa aking noong manager “We know the room of your uncle!”. Alam nila yung room noong August 21 at dumiretso siya sa airport papunta sa Pilipinas. Mayroon daw silang plaque doon sa kuwarto na iyon, baka gusto ko daw puntahan. But there’s a guest in the room so baka hindi ako payagang pumasok. Pero pumunta po ako doon sa kuwarto, kinatok ko at walang sumasagot kaya inisip ko walang tao. Paglingon ko, may lumapit na Koryano at lumapit sa akin “Yes? This is my room.” So inexplain ko na my uncle stayed in this room before he was killed in the airport. “Can I go inside?” Pinayagan niya ako at nakita ko yung desk kung saan siya huling nagsulat, yung kama kung saan siya huling natulog at nag rosaryo, yung balkonahe kung saan na-picturan siya na nakatingin sa malayo kasi alam niya na ang buhay niya ay magbabago pag-uwi niya sa ating bansa.
Noong gabi, nagkaroon na po ng awarding sa Ten Outstanding Young Persons of the World. Yung intermission number ay isang Chinese Opera na may Chinese instruments. Ang kanilang tinugtog ay puro Chinese songs. Yung pinakadulo, sinabi ng organizer “For the last song of this Chinese-Taiwanese Orchestra, we are going to share with you a Western Song.” Ang kanta na tinugtog nila ay “Tie a Yellow Ribbon”. Iyon ang tinugtog ng orchestra noong event na iyon. Sa lahat ng kinanta nila, sa lahat ng kanta na pwede nilang tugtugin sa Grand Hotel kung saan nagstay ang tito ko, ang tinugtog nila ay “Tie a Yellow Ribbon”. Sabi ko nga, “Nagpaparamdam yata si Tito Ninoy.”
Ngayon po, ang pagpaparamdam niya ay hindi na ganyan ka supernatural. Ang pagpaparamdam niya ay simple lang. Kapag tayo ay nasa Senado, pinaglalaban natin ang kapakanan ng ating mga kababayan. Pinaglalaban natin ang edukasyon, ang mahihirap sa ating bansa na makaranas ng kaunting yaman ng ating bansa, pinaglalaban natin yung mga magsasaka, yung mga mahihirap na nagiging biktima ng karahasan, doon po nagpaparamdam si Tito Ninoy sa akin. Ang sinasabi niya, “Gayahin mo ako – yung katapangan at pagmamahal sa bayan. Huwag kang mawawala sa landas. Gayahin mo ako.” Kaya sa aking opisina, may malaking picture doon. Siya lang ang may malaking picture doon. Araw-araw pinapaalala ko sa aking sarili na kailangan natin ng mga pinuno na nagmamahal sa Diyos, sa ating pamilya, at sa ating bayan. Matapang at hinaharap ang lahat ng kailangang harapin para sa ating mga kababayan at mamamayan. Iyon po ang pagpaparamdam ni Ninoy Aquino sa aking pang araw-araw na buhay. Sana sa inyong pang araw-araw na buhay, maramdaman niyo ang kanyang pagmamahal at pagsakripisyo sa ating bansang Pilpinas.
Bilang pagtatapos, gusto ko ishare sa inyo ang isang maikling video mula sa Ninoy and Cory Aquino Foundation. Naisip ko na magandang magtapos gamit ang salita mismo ni Ninoy. Marami po tayong nakita pero ito ay isang 5-minute short video – Ninoy Aquino on his own words. Sa kanya mismong salita, makikita natin ang kanyang pagmamahal sa bayan, sa Diyos, sa pamilya, at sa ating lahat.
Maraming salamat po sa inyong lahat!
Recent Comments