2015

BIDA KA!: Think positive sa 2015!

Sa una, marami ang nagsisikap na matupad ang kanilang resolus­yon ngunit habang tumatagal, unti-unti na itong nakakali­mutan hanggang bumalik na sa dating gawi. Sa susunod na taon na lang ulit.

Sa pagbuo ng ating resolusyon ngayong taon, isipin natin ang mga pagkilos na makatutulong, hindi lang sa pagpapaunlad sa ating sarili, kundi pati na rin sa pagpapatibay sa ating lipunan sa kabuuan.

Kaya pagpasok ng 2015, bakit hindi natin subukang ga­wing positibo ang ating pananaw sa buhay at tingin sa mga bagay sa ating paligid.

Alisin na ang anumang kanegahan o negatibo sa ating isip at bigyang pansin ang mas magagandang bagay na nangyayari sa ating bansa.

Ang isang mainam na halimbawa nito ay ang nangya­ring aksidente kay Interior Secretary Mar Roxas habang nasa kasagsagan ng relief efforts para sa mga biktima ng bagyong Ruby sa Samar.

Hati ang pananaw ng taumbayan dito. Ang iba, piniling maging positibo at pinuri pa si Roxas sa pagsisikap nito na tumulong sa gitna ng bagyo at mapuntahan ang mga biktima.

Ngunit ang iba, pinili siyang kutyain na walang suot na helmet si Roxas o ‘di marunong magmotorsiklo.

***

Batay sa maraming pag-aaral, nabatid na nakasasama sa ating pangangatawan at isip ang pagkakaroon ng negatibong pananaw sa buhay.

Lumitaw sa pag-aaral na nakatutulong ang positibong pag-iisip para makaiwas sa sakit. Sa pagsasaliksik ng Segerstrom and Sephton, nabatid na ang taong positibo ang pag-iisip ay mas mataas ang immune response kung ihahalintulad sa mga negatibo ang pananaw sa buhay.

Sa ulat din ng Mayo Clinic, ilan sa mga benepisyo ng positive thinking ay mas mahabang buhay, walang depresyon at iwas pa sa malalang sakit.

***

May dalawang paraan para tingnan ang isang basong may lamang tubig.

Sa positibong tao, maganda na may laman ang baso kahit pa ito’y kalahati lang. Subalit sa negatibong tao, ang makikita lamang nito ay ang kakulangan ng tubig sa baso.

Pagdating sa kahirapan, ang positibong tao ay makaka­kita ng paraan upang makaalis dito sa pamamagitan ng pagi­ging malikhain at pagsunggab sa anumang darating na pagkakataon sa kanya.

Subalit ang negatibong tao ay mananatiling lugmok sa kahirapan dahil puro reklamo lang at pagmamaktol ang gagawin, sa halip na kumilos upang maiangat ang estado sa buhay.

***

Natutuwa ako sa nabasa kong survey kamakailan na nagsasabing 88 porsiyento ng Pilipino ay positibo ang pananaw para sa 2015, sa kabila ng mga pagsubok noong 2014.

Ito’y pagpapakita lang na nananatili pa ring matibay at puno ng pag-asa ang mga Pilipino kahit ano pa ang ating pagdaanan.

Kaya alisin na natin ang anumang negatibong pananaw dahil wala itong maidudulot na mabuti sa ating buhay.

Mga Bida, huwag maging MEMANE (may masabing negative lang). I-choose nating maging positive sa 2015!

 

First Published on Abante Online

Scroll to top