7 Posibleng Focus Areas sa mga Huling Buwan ng Aquino Administration
Naghahanda na ang bayan sa 2016 na halalan ngunit may oras pa ang administrasyong Aquino na i-push ang pag-unlad ng Pilipinas. Ang kailangan lang ay fortitude at focus. Kaya ‘eto ang 7 na posibleng target areas para sa huling hirit ng Aquino Administration!
1. Pabutihin ang ating public transportation systems. Ramdam na ramdam ng mamamayan hindi lamang ng ng mga taga-Metro Manila, pati na rin sa mga kalapit na probinsya ang mga problema sa pampublikong transportasyon. Maliban sa buhol-buhol na trapik, lalo lang lumalala ang pila at siksikan sa MRT/LRT, jeep, bus, at FX. May oras pang ayusin ang mga ito para mabawasan ang stress ng Pinoy commuters!
2. Tutukan ang K to 12 implementation. Nalalapit na ang implementasyon ng senior high school sa bansa at may malaking potential ang K to 12 program na iangat ang kakayahan ng ating mga graduates. Hindi ito simpleng reporma kaya kinakailangang tutukan nang mabuti ang roll out nito. Open ang DepEd sa mga suggestions natin at maaari ring maging involved sa inyong local public school. (For concerns and suggestions, email action@deped.gov.ph or call 636-1663/633-1942.)
3. Patibayin ang ating agricultural sector. Isa sa sa mga sektor na nangangailangan ng tulong ay ang mga magsasakang Filipino. Dapat lang silang tulungan na maging efficient sa paggamit ng mga makabagong technology na makakapagpadami ng ani para matugunan ang demand ng merkado. Kailangang maisama ang mga magsasaka sa sustainable supply chain gaya na lamang ng mga Kalasag farmers na pangunahing supplier ng Jollibee ng sibuyas. Dahil sa programang ito, naging steady ang kanilang produksyon at umunlad ang kanilang mga buhay.
Dito makakatulong ang mga Negosyo Center na itinatayo sa Pilipinas. Makakakuha ng suporta ang mga negosyanteng Pinoy dito, magsasaka man, market vendor, tricycle business owner, o craftsmaker, para mapalago ang kanilang mga pangkabuhayan.
4. Siguraduhin na patas ang labanan sa pagnenegosyo. Sa era ng ASEAN economic integration, lalong dadami ang papasok na negosyante sa Pilipinas. Ang Philippine Competition Act ay naisabatas na upang siguraduhin na walang pang-aabuso ng dominant position at walang matatapakang micro, small, and medium enterprise (MSMEs). Ngayong mayroon na tayong rule book sa pagnenegosyo, challenge ang makahanap ng mga mahuhusay, matatalino, at tapat ang mapapabilang sa Philippine Competition Commission (PCC) para ma-enforce ang patakaran laban sa anti-competitive acts.
5. Protektahan ang Filipino consumer. Sa pagdami ng mga negosyo at produkto sa merkado dala ng kumpetisyon, dadami ang puwedeng pagpilian ng ating consumers. Kalidad ang magiging labanan ng mga produktong bukod sa presyo. Subalit, mas exposed rin tayo sa sub-standard products at mga posibleng scams! Kailangang patuloy na bantayan ang karapatan ng mga consumers at i-revisit ang ating Consumer Protection policies.
6. Tutukan ang pagpasa ng mga mahalagang panukala. May oras pa para maisabatas ang mga landmark bills na pending sa Kongreso. Ready na ang sambayanan na ibahin ang sistema ng pagpili ng mga mamumuno at magkakaraoon na ng pagkakataon ang mga bagong mukha at pangalan sa halalan sa tulong ng Anti-Dynasty Law at SK Reform Bill. Tuluyan na ring dapat isulong ang ilan pa sa mga mahahalagang batas gaya ng FOI bill at Basic Bangsomoro Law.
7. Siguraduhin na malinis at maayos ang nalalapit na Eleksyon. Sa final leg ng administrasyon, sana’y dumami pa ang mga Pilipinong makikilahok sa pagboto ng mga karapat dapat na lider ng ating bansa. Kakabit nito ay ang mas maayos na proseso ng pagreregister at ang actual na pagboto sa 2016. Huwag hayaan na mamuno ang mga may pansariling intensyon lamang. Maging bukas ang isip at maging masuri sa lahat ng kakandidato.
Huling hirit na natin ito at marami pa tayong mababago upang sundan ang ‘daang matuwid’! Ilitaw ang diwa ng bayanihan at makiisa sa pagkilos tungo sa pagbabago!
Ano sa tingin ninyo ang kailangang bigyang pansin ng administrasyong Aquino sa mga huling oras nito? Sama-sama nating isulong ang pag-unlad ng Pilipinas! Share ninyo naman ang mga ideya ninyo sa team.bamaquino@senado.ph!
Recent Comments