NEGOSYO, NOW NA!: Initiative
Mga Kanegosyo, ayon sa sikat na manunulat na si Mark Twain, “The secret of getting ahead is getting started.”
Ito ang tinatawag na initiative — kailangang simulan agad ang anumang plano, ideya o proyekto para maka-angat o makalayo sa kumpetisyon.
Kahit mayroong napakahusay na ideya para sa isang magandang negosyo ngunit kung walang gagawin, walang mangyayari.
Kasama ng tibay ng dibdib, sumuong tayo sa negosyo upang mauna sa merkado kasama ng masusing pag-aaral at pagpaplano.
Matagal nang ideya ni Corazon Dayro Ong, isang dietician, ang paggamit ng skinless longganisa bilang palaman sa siopao.
Sa una, nag-alangan siyang simulan ang balak sa pangambang baka hindi ito pumatok sa mga Pilipino, na nasanay na sa asado o bola-bola bilang palaman ng siopao.
Pero dala na rin ng inip, kahit nagdadalawang-isip ay itinuloy na rin niya ang plano noong 1974.
Binenta niya muna ang kanyang siopao sa mga kaibigan at mga kakilala sa halagang 75 sentimo bawat isa noon.
Laking gulat niya nang pumatok ang kanyang produkto at kabi-kabila na ang order na kanyang natanggap.
Dahil dito, kinailangan na niyang iwan ang trabaho bilang dietician at mag-fulltime sa bago niyang negosyo.
Pagkatapos nito, sinubukan naman niya na gumawa ng tocino para isama sa kanyang longganisa.
Sa tulong ng kapital na P65,000 na kanyang inutang sa isang rural bank sa Caloocan gamit na kolateral ang lupa ng tiyahin, sinimulan ni Corazon Dayro Ong ang CDO noong 1975.
Sinimulan nila ang negosyo sa kanilang bakuran sa San Miguel Heights sa Marulas, Valenzuela.
Tatlong dekada ang lumipas, ang kumpanya na nagsimula sa isang maliit na bakuran ay isa na sa pinakamalaking food manufacturing company sa bansa.
Sa tulong ng CDO, maraming Pilipino ang nagkaroon ng ikabubuhay, lalo na sa mga kanayunan.
Kaya mga Kanegosyo, kung mayroon tayong magandang ideya, kumilos na upang magkaroon ito ng katuparan! Huwag nating mabaon na lang sa limot ang ating mga pangarap.
First Published on Abante Online
Recent Comments