abante

NEGOSYO, NOW NA!: Magandang Tiyempo

Mga Kanegosyo, sa huli nating kolum, tina­lakay natin ang DETERMINASYON sa pagsusulong ng pangarap nating negosyo sa pagpasok ng bagong taon.

Huwag nang gumawa ng iba pang dahilan at simulan na ang naiisip na pagkakakitaan kahit sa una’y maliit lamang ito.
Ngayon naman, pag-uusapan natin ang kaha­lagahan ng tamang ti­ming o tiyempo para magtagumpay ang negosyo.

Sa pagnenegosyo, kailangang palagi tayong alerto sa nangyayari sa komunidad na kinalalagyan ng inyong negosyo at pati na rin sa mga isyung nangyayari sa buong bansa.

Mahalagang nag-aabang ang mga negos­yante upang makakuha ng TAMANG TIYEMPO o right timing para lumago at magtagumpay.
Kahit nasa iyo na ang lahat — gamit, tamang lugar at magandang produkto — kung hindi naman ito napapanahon, matatagalan bago ito umangat at bumalik ang puhunan.

Sa ganitong larangan, mahalaga ang maagang pagpaplano sa paggawa at paglabas ng produktong naaakma sa panahon, upang matiyak na malaki ang tsansang kumita.

***

Ganito ang mismong ginawa ng ilang negos­yante sa limang araw na pagbisita ni Pope Francis kamakailan sa bansa.

Sa kuwento ng GMA News TV, bumagsak ang t-shirt business nina Gemma Ronda at Shandy Mae Amoroto nang masira ang kanilang produkto at gamit sa pag-imprenta sa pagtama ng bagyong Yolanda sa Tacloban, Leyte noong 2013.

Makalipas ang ilang buwang pag-iipon, mu­ling binuhay ng dalawa ang kani-kanilang mga negosyo noong nakaraang taon sa pag-asang lalakas na ang bentahan pagsapit ng Pasko.

Taliwas naman sa kanilang inasahan ang nangyari dahil naging matumal ang bentahan dahil madalang ang dating ng turista sa lugar.
Sa kabila nito, hindi nasiraan ng loob sina Gemma at Shandy. Iti­nuloy nila ang planong gumawa ng t-shirt at iba pang produkto gaya ng keychain at coffee mugs para sa pagdating ni Pope Francis.

Nagbunga naman ang sugal ng dalawa dahil gumanda ang kanilang benta kasabay ng pagdagsa ng mga turista sa lugar. Nabawi ang lahat ng lugi sa mga nakaraang buwan at nagkaroon pa ng dagdag na puhunan.

***

Kaya mahalagang alamin na ang mga darating na okasyon sa mga susunod na buwan.
Sa Pebrero, na kilalang buwan ng pag-ibig, tiyak na patok ang pagbebenta ng bulaklak, tsokolate at iba pang pangregalo sa minamahal.

Sa Marso naman, simula na ang tag-init kaya maganda na ang sisimulang negosyo ay may kinalaman dito, gaya ng inuming pampalamig, kasuotan na kumportable at pang-swimming at iba pa.

“Timing is everything.” Sa negosyo, may bentahe ang maagang naghahanda at nagpaplano.

 

First Published on Abante Online

NEGOSYO, NOW NA!: I-push na ang pangarap na negosyo!

Bahagi na ng nakasanayan nating mga Pilipino ang maglatag ng New Year’s Resolution tuwing magpapalit ang taon.

Sabi nga, bagong taon, bagong simula.

Mula sa pagtanggal ng bisyo at pagdidiyeta, iba-iba ang maririnig mong mga pangakong gagawin sa bagong taon.

Ngunit madalas, napapako lang ang mga pangakong pagbabago. Hindi bale, mayroon pa namang susunod na taon, ang katwiran ng marami.

Mga Kanegosyo, isa sa mga magandang resolusyon para sa bagong taon ay ang pagtupad sa pangarap na bagong negosyo.

Marahil ito’y mabigat sa unang tingin pero mas magandang simulan na ang pangarap ngayon. Ayon nga sa kanta, “kung hindi ngayon, kailan pa?”

Lahat ng malaking negosyo sa bansa ay nagsimula sa maliit. Ngunit kung hindi ito sisimulan, mananatili na lang itong pangarap.

Ang pagnenegosyo ay parang sugal. Kailangan mong sumugal ng panahon, pawis at higit sa lahat puhunan upang makapagsimula.

***

Isang magandang halimbawa rito ay si Jennylyn Antonio, may-ari ng EHJE’s Peanut Butter.

Dati, siya ang nagsu-supply ng produkto para sa carinderia ng kanyang pamilya.

Ngunit dumating sa punto na hindi siya binabayaran ng mga kamag-anak, maging ng sarili niyang ina, kaya nag-isip na lang siya ng ibang kabuhayan.

Isang araw, habang nag-iikot sa palengke ay nakakita siya ng mani. Doon niya naisip na gumawa ng sariling peanut butter.

Sa una, isang kilong mani lang ang binili ni Jennylyn para gumawa ng home-made peanut butter, na nagustuhan naman ng kanyang pinagbentahan.

Nang dumami na ang order, nangutang si Jennylyn sa isang microfinance institution upang mapalaki ang negosyo. Ngayon, ang EHJE’s Peanut Butter ay isa na sa mga kilalang produkto sa bansa.

Kung hindi tayo susubok, walang mangyayari sa ating pangarap. Malay ninyo, ang susunod palang pinakamalaking negosyo sa bansa ay magmumula sa inyong bakuran.

Kaya i-push na iyang pangarap na negosyo!

 

First Published on Abante Online

NEGOSYO, NOW NA!: Susi sa tagumpay

Mga Kanegosyo, isang manigong bagong taon sa inyong lahat!

Nawa’y maging makabuluhan at masagana ang 2015 para sa inyo at inyong mga pamilya.

Ang bagong taon ay isang pagkakataon para sa isang bagong simula.

Isa rin itong magandang pagkakataon upang makapag-umpisa ng bagong negosyo o kabuhayan na maaaring ma­ging susi natin sa tagum­pay sa hinaharap.

***

Sa aking karanasan sa pagnenegosyo at pagiging social entrepreneur bago maging isang senador, marami na akong nakitang negosyo na nagtagumpay o di kaya’y sumablay.

Ang pagnenegosyo ay parang giyera. Ito’y isang larangan na nangangaila­ngan ng tamang pag-aaral, diskarte at sapat na kaalaman upang magtagumpay.

Kung basta lang tayo sasabak nang walang anumang kaalaman o ka­handaan, tiyak na pupulutin tayo sa kangkungan.

Sa kolum na ito, tata­lakayin natin ang mga katangiang taglay ng isang matagumpay na negos­yante at ang mga tamang hakbang at susi tungo sa pagpapaunlad ng inyong pinapangarap na negosyo.

***

Una sa mahabang listahan ng mahahalagang bagay para pumatok ang negosyo ay ang location. Location, location, location.

Kailangan ang lugar ng pagnenegosyohan ay madaling puntahan o madaling makita ng mga mamimili. Susi ang magandang location sa ikatatagumpay ng negosyo.

Kahit gaano pa kaganda ang isang produkto, kung nakapuwesto ito sa lugar na hindi kita, hindi dinadayo ng mga mamimili o walang foot traffic, tiyak na lalangawin at malulugi lang ito.

***

Isang magandang halimbawa ang ginawa ng Island Souvenirs, isang kilalang souvenir shop na sinimulan ni Jay Aldeguer noong 1992 sa Cebu.

Nag-aaral pa lang ay nahilig na si Jay sa negos­yo. Habang nasa eskuwela, nagbebenta siya ng t-shirt sa mga kaklase sa likod ng sasakyan.

Nahilig din si Jay sa pangongolekta ng t-shirt sa kanyang pagbiyahe sa iba’t ibang bansa. Ngunit sa kanyang pag-iikot sa iba’t ibang tourist spots sa Pilipinas, wala siyang makitang de-kalidad na t-shirt na puwedeng ipasalubong ng mga turista.

Dito naisipan ni Jay na simulan ang Island Souvenir.

Upang makasabay sa marami pang katulad niyang tindahan, nagpuwesto si Jay sa mga lugar na madalas dinarayo ng mga turista. Maliban dito, naglagay rin siya ng tindahan sa mga patok na mall.

Ngayon, mayroon na itong mahigit isandaang sangay sa iba’t ibang tou­rist locations sa bansa.

Alalahanin ninyo, mahalaga ang lokasyon. Mas madaling puntahan o matagpuan, mas malaki ang kita.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top