abante

BIDA KA!: Itigil na ang ‘no permit, no exam’ policy

Mga bida, isa sa madalas ireklamo ng mga magulang at estudyante ay ang tinatawag na “no permit, no exam” policy na ipinatutupad ng ilang paaralan.

Sa ganitong sistema, pinagbabawalan ng paaralan ang isang estudyante na kumuha ng pagsusulit kung walang permit dahil hindi bayad sa tuition fee o iba pang bayarin.

Isa sa mga estudyanteng ­nakaranas nito ay lumapit sa ating tanggapan upang iparating ang kanyang hinaing.

Ayon sa estudyante, nakahanda na ang pambayad niya sa tuition ngunit nagkaroon ng biglang emergency ang kanyang pamilya at nagamit ang pera.

Sa kabila ng pangakong babayaran ang tuition sa takdang panahon, hindi pa rin pinakuha ng pagsusulit ang estudyante bunsod ng kawalan ng permit.

Resulta, na-delay ang computation ng grade ng estudyante. Nakumpleto lang ito nang makapag-special exam siya matapos bayaran ang utang.

***

Matutuldukan na ang ganitong patakaran kapag naisabatas ang inihain kong Senate Bill No. 1235, na layong gawing iligal para sa anumang eskuwelahan na pigilan ang estudyante na makapag-exam dahil sa hindi nabayarang tuition fee at iba pang bayarin.

Ang aking paniwala, bakit kailangang pigilan ang isang estudyante na makakuha ng exam dahil sa utang kung posibleng bayaran ito ng kanyang pamilya sa malapit na hinaharap.

Kapag naisabatas ito, hindi na maaaring pagbawalan ng mga paaralan na makakuha ng pagsusulit ang mga estudyanteng hindi bayad ang tuition at iba pang bayarin o bigyan sila ng hiwalay na schedule ng exam na iba sa kabuuan ng mga estudyante.

Sa panukala, hindi na rin puwedeng obligahin ng paaralan ang isang estudyante na kumuha ng special permit para makakuha ng exam mula sa mga opisyal ng eskuwelahan bago ang pagsusulit.

Sakop ng panukala ang pribadong elementary schools, pribadong high schools, public at private post-secondary technical-vocational institutes at pampubliko at pribadong Higher Education Institutions (HEIs), kabilang ang local colleges at universities.

***

Pagmumultahin ng P20,000 hanggang P50,000 ang opisyal o empleyado ng paaralan na lalabag sa kautusan.

Saklaw nito ang deans, coordinators, advisers, professors, instructors, principals, teachers at iba pang indibidwal na mapatutunayang lumabag dito.

Bilang proteksiyon sa mga paaralan, kailangang magbigay ang magulang o legal guardian ng estudyante ng promissory note, na naka-address sa paaralan, kung saan nakasaad ang halaga at petsa ng bayad.

***

Mahalagang matiyak natin na hindi maaantala at maaapek­tuhan ng anumang utang ang pag-aaral ng estudyante.

Naniniwala tayo na sa tulong ng edukasyon, mas malaki ang pagkakataon ng mga Pilipino na umasenso.

Mangyayari lang ito kung protektado ang kapakanan ng ating mga estudyante para tulungan silang makatapos sa pag-aaral.

NEGOSYO, NOW NA!: Tagumpay sa FabLab ng Bohol Negosyo Centers

Mga kanegosyo, binuksan sa kalagitnaan ng 2015 ang dalawang Negosyo Center sa lalawigan ng Bohol.

Ang isang Negosyo Center, na pinatatakbo ng Department of Trade and Industry (DTI), ay makikita sa ikalawang palapag ng FCB Main Branch Bldg., CPG Ave­nue sa Tagbilaran City.

Ang ikalawa naman ay nakaposisyon sa kapitolyo ng lalawigan na matatagpuan din sa Tagbilaran City.

Sa huling ulat ng DTI, halos 4,000 na ang natulungan ng dala­wang Negosyo Center sa pamamagitan ng seminar, konsultasyon, marketing, product development, pautang at marami pang iba.

Ang dalawang Negosyo Center ay nakakonekta sa kauna-unahang digital fabrication laboratory o FabLab sa Pilipinas na makikita sa Bohol Island State University (BISU).

Ang FabLab ay nakatutulong sa entrepreneurs na maidisenyo ang kanilang mga ideya sa negosyo, tulad ng produkto, gamit ang makabagong fabrication machines, tulad ng 3D printer, laser cutter, printer at cutter.

Ang FabLab ay nakatulong na sa maraming entrepreneurs na lumapit sa ating mga Negosyo Center sa Bohol.

***

Una na rito ang Children’s Joy Foundation ni Aling Evelyn Vizcarra, na lumapit sa Negosyo Center upang humingi ng tulong sa pagpapaganda ng packaging at labeling ng kanyang produktong pagkain.

Isa sa mga payo na ibi­nigay ng Negosyo Center kay Aling Evelyn Vizcarra ay pagdalo sa Food Packaging and Labeling seminar.

 

Sa seminar, pinayuhan din si Aling Evelyn na magtungo sa FabLab. Agad namang inasikaso ng mga lokal na designer ang bagong disenyo ng balot at label ng mga produkto ni Aling Evelyn.

Ngayon, agaw-pansin na ang mga produktong ibinebenta ni Aling Eve­lyn sa mga lokal na tindahan dahil sa magandang disenyo ng FabLab.

***

Isa rin sa mga natulu­ngan ng FabLab ay Canda­bon RIC Multi-Purpose Cooperative.

Lumapit ang koo­peratiba sa Negosyo Center upang humanap ng solusyon sa produksiyon ng kendi.

Problemado ang koope­ratiba dahil ang plastic na molde ay dumi­dikit sa kendi. May pagkakataon din na nagkakaroon ng crack ang molde at ang maliliit na piraso nito ay sumasama sa sangkap ng kendi.

Sa tulong ng FabLab, nakagawa sila ng moldeng gawa sa silicon na nagpabilis sa kanilang produksiyon mula 500 piraso patungong 1,000 kendi kada-araw.

Maliban pa rito, naiwasan ang aksaya sa sangkap at gumanda pa ang hugis ng kanilang kendi.

***

Mga kanegosyo, ang Republic Act 10644 o ang Go Negosyo Act ay ang una nating batas noong 16th Congress.

Itinatakda ng Go Negosyo Act ang paglalagay ng Negosyo Center sa lalawigan, siyudad at munisipalidad sa buong bansa na siyang tutulong sa micro, small at medium enterprises (MSME).

Sa huling bilang ay 400 na ang Negosyo Centers sa buong bansa na handang tumulong sa ating micro, small at medium enterprises.

 Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

BIDA KA!: Maging mapagbantay

Mga bida, magsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi ako nabigla at naapektuhan sa ginawang paglibing kay dating Pangulo Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) noong Biyernes.

Parang nadaganan ng ilang sako ng semento ang aking dibdib nang mabalitaan kong patagong inilibing ang diktador sa lugar na inilaan para lang sa mga bayani at mga sundalong tapat na nanilbihan at nagbuwis ng buhay para sa bayan.

Sa Pilipinas lang po may ganitong nangyari — na ang isang diktador na nasa likod ng pagkamatay, pagkawala at pagnanakaw ng bilyun-bilyong piso sa bayan ay itinuring pang bayani.

Sa Germany, nagpasa sila ng batas para ibaon na sa limot ang alaala ng madugo at malupit na panunungkulan ni Adolf Hitler. Ang kanyang libingan ay parking lot na lang sa Berlin.

Hindi naman pinayagang mailibing sa kanilang bansa ang diktador ng Uganda na si Idi Amin at Slobodan Milosevic ng Serbia.

Ganito kung ituring ng ibang bansa ang mga taong nang-api sa kanila.

Pero sa atin, hindi pa nga malinaw kung paano itinuturo ang Martial Law sa mga paaralan.

Ang matindi pa nito, binigyan ng parangal at itinabi pa sa mga totoong bayani ang mga labi ng dating Pangulo na siyang nasa likod ng pinakamadilim na bahagi ng kasaysayan ng bansa.

***

Nakadagdag pa sa sakit ang panakaw na paglilibing sa da­ting diktador. Nagulat ang buong bansa nang marinig sa mga balita na dadalhin na ang mga labi ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Marami ang nagsabi na hanggang sa huli, niloko pa rin ni Marcos ang taumbayan sa patago at panakaw na paglilibing sa kanya.

Dobleng sakit ang inabot ng mga biktima ng Martial Law sa nangyaring ito. Sa pangyayaring ito, muling nabuksan ang mga sugat at mistulang nilagyan pa ng asin.

Sa pagpayag ng pamahalaan na ilibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani, parang niyurakan na ang alaala ng mga namatay, nawala at mga pinahirapan noong panahon ng Martial Law.

Sila ang mga lumaban sa diktadurya upang matamasa natin ang kalayaan at demokrasya na ating nararanasan ngayon. Ngunit lahat ng kanilang sakripisyo ay nauwi lang sa wala sa nangyaring ito.

Sa halip na itakwil ang katiwalian at itigil ang tinatawag na cronyism, inilibing pa natin ang mismong simbolo nito sa Libingan ng mga Bayani.

***

Parati kong naririnig na ang Martial Law daw ay laban ng pamilyang Aquino at Marcos pero ito’y malayo sa katotohanan.

Sa isang rally sa People Power Monument pagkatapos ng libing ni Marcos, karamihan sa mga dumalo, hindi ko kakilala at lalong hindi namin kamag-anak o kaya’y kaibigan.

Ang totoo, marami pa nga sa mga dumalo ay mga kritiko rin ni dating Pangulong Aquino.

Kaya maling-mali na sabihin na ito’y tungkol lang sa dalawang pamilya.

Ang laban na ito ay tungkol sa ating bayan, tungkol po sa ating kasaysayan at tungkol po sa ating hinaharap.

***

Sa pangyayaring ito, dapat na tayong magising at maging mapagbantay dahil hindi na normal ang nangyayaring ito sa ating panahon.

Kaya sa atin pong nagmamahal sa demokrasya, kailangan lagi tayong gising at mapagmatyag sa anumang nagaganap sa ating bansa.

NEGOSYO, NOW NA!: Tulong sa mga negosyanteng Muslim

Mga kanegosyo, pa­milyar ba kayo sa Halal?

Madalas itong iniuugnay sa pagkain ng mga kapatid nating Muslim. Sa konsepto ng halal, nakalagay ang mga pagkaing pinapayagan sa Islam.

Nakasaad sa Banal na Koran at sa Shariah law na dapat lang silang kumain ng mga pagkaing malinis at alinsunod sa tradisyong Islam.

Ngunit marami ang hindi nakakaalam na ang halal ay hindi lang patungkol sa pagkain kundi ito’y inuugnay din sa pananamit, sabon pati na rin sa pautang, batay sa kautusan ng Islam.

Sa ilalim ng Shariah law, sa prinsipyo ng pautang, bawal ang ‘riba’ o paniningil ng interes.

Dapat ding malinis ang pumapasok na pera sa isang Islamic financial institution at hindi mula sa ‘riba’ at mga negosyong mahigpit na ipinagbaba­wal sa Shariah law, tulad ng casino, sigarilyo at alak.

Sa ngayon, isa lang ang Islamic bank sa bansa – ito ay ang Al-Amanah Islamic Investment Bank, na itinatag noong 1973.

Subalit dahil sa kakulangan ng kapital na dapat nakatutugon sa Shariah law, hindi matugunan ng bangko ang responsibilidad nito sa mga kapatid nating Muslim at sa iba pang Pilipinong negos­yante na nais kumuha ng pautang sa Islamic bank.

***

Sa Negosyo Center sa Zamboanga del Sur, nakilala na rin ang mag-asawang Rahim at Cristina Muksan, may ari ng dried fish at dried seaweed trading business na tinatawag nilang RCM Ventures.

 

Noong 2007 pa n­­i­la sinimulan ang negos­yo ngunit hindi sila makautang ng dagdag na puhunan upang mapalaki ito.

Ganito rin ang karanasan ng Bangkerohan Ummahat Women A­ssociation o BUWA na gumagawa ng kasuotan at pagkaing Muslim upang magbigay ng karagdagang kabuhayan sa kababaihan.

Dahil walang mautangan, lumapit sila sa Ipil Negosyo Center para humingi ng tulong para makabili ng mga sewing machine. Inilapit naman sila ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Shared Service Facility Project kung saan may nagagamit silang limang makinang panahi.

Kahit nagawan ng paraan ng Negosyo Center na tulungan si R­ahim at Cristina, hindi pa rin nabibigyan solusyon ang kakulangan ng mga I­slamic Financial Institutions.

***

Upang masolusyonan na ang problemang ito ng mga kapatid natin na Muslim, inihain natin ang Senate Bill No. 668 o ang Philippine Islamic Financing Act.

Sa panukalang ito, matutugunan ang tatlong malaking hamong kinakaharap ng Islamic banking sa bansa.

Kabilang sa mga ha­mon na ito ay ang kawalan ng malinaw na mga patakaran, kawalan ng mga bihasa sa Islamic banking at finance at mababang pagtanggap ng mga mamumuhunan sa Islamic banking.

Pakay ng batas na ito na amyendahan ang charter ng Al-Amanah Islamic Investment Bank of the Philippines upang maiakma sa kasalukuyang panahon at makahikayat ng dagdag na mamumuhunan o investors.

Maliban pa rito, isusulong din ng panukala na hikayatin ang mga bangko na pumasok din sa Islamic banking sa pamamagitan ng pagtatalaga ng Islamic banking unit na saklaw ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa pamamagitan nito, tiwala tayo na walang maiiwan at sama-samang uunlad ang lahat, kahit ano pa man ang iyong relihiyon o paniniwala sa buhay.

NEGOSYO, NOW NA!: Tagumpay ng CdO Negosyo Center

Mga kanegosyo, dalawang taon na ang kauna-unahang Negosyo Center sa Cagayan de Oro ­ngayong Nobyembre.

Itinayo ang CdO Negosyo Center apat na buwan matapos maisabatas ang Republic Act 10644 o ang Go Negosyo Act, ang ating unang batas noong 16th Congress.

Itinatakda ng Go Negosyo Act ang paglalagay ng Negosyo Center sa lalawigan, siyudad at munisipalidad sa buong bansa na siyang tutulong sa micro, small at medium enterprises (MSME). 

Dalawang taon mula nang itong buksan, patuloy pa ring dinadagsa ng mga nais magnegosyo ang Negosyo Center sa Cagayan de Oro. Sa hu­ling bilang, libu-libo na ang napagsilbihan ng Negosyo Center na ito.

***

Isa sa mga nakakuha ng tulong mula sa CdO Negosyo Center ay si Jerlyn Punay, may-ari ng Jerlyn’s Condiments na gumagawa ng Veggie-gar at Chili Paste.

Si Jerlyn ay isang survivor ng bagyong Sen­dong, ang pinakamalakas na bagyong humagupit sa Pilipinas, partikular sa Mindanao, noong 2011.

Bilang tulong para makabangong muli, binigyan si Jerlyn ng livelihood assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ginamit ni Jerlyn ang nakuhang halaga sa paggawa ng suka na mula sa niyog at iba pang sangkap habang pansamantalang nananatili sa relocation site.

***

 

Noong Abril 2015, dumalo si Jerlyn sa Tinagboan Festival kung saan nakita niya ang isang mesa ng Negosyo Center.

Sa pagtatanong ni Jerlyn, napag-alaman niya ang iba’t ibang coaching sessions na ibinibigay ng Negosyo Center na makatutulong sa kanyang negosyo.

Mula noon, naging madalas ang pagdalo ni Jerlyn sa mga ­coaching session sa Negosyo ­Center.

Kabilang sa kanyang mga nadaluhang session ay ang Entrepreneurship Development Seminar, Starting up a Business & Developing Plans/Goals, Product Development, Marketing Strategies, Production Planning & Control, Basic Virtualization and Business Continuity, Practical Business Automation Management, Simple Bookkeeping/Filing and Records Management at Simple Bookkeeping.

Marami ring nalaman si Jerlyn sa pagdalo niya sa iba pang seminar na may kinalaman sa Preparation of Financial Plan & Financial Analysis, Managerial Accounting, Internal Control, Setting up a Basic Compensation & Benefits Program, Basic Talent Attraction & Employee ­Engagement Tips: A Retention Tool at Crafting Basic HR ­Policies.

Isa sa mga natutuhan ni Jerlyn sa Negosyo Center ay ang kahalagahan ng pagpaparehistro ng kanyang negosyo upang lalo pa itong mapalago.

Kaya agad niyang sini­mulan ang pagkuha ng Business Name, Business Permit at BIR registration.

Tinulungan naman siya ng Negosyo Center­ sa pagpapaganda ng ­label at disenyo ng kanyang produkto sa tulong ng Design Center of the ­Philippines.

Inilapit din siya ng Negosyo Center sa mga kumpanyang nagpapautang at mga potensiyal na buyer at investor.

Ngayon, ang Veggie-gar at Chili Paste ng Jerlyn’s Condiments ay isa sa mga hinahanap-hanap ng mga mamimili, hindi lang sa Cagayan de Oro kun’di sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.

Sa ngayon, malapit nang umabot sa 400 ang Negosyo Center sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

BIDA KA!: Ingatan ang hanapbuhay ng mga Pilipino

Mga bida, milyun-milyon sa mga kababayan natin ang nagtatrabaho sa iba’t ibang bahagi sa mundo.

Mula Estados Unidos, Gitnang Silangan, Europa at mga kapitbahay natin sa Asya, maraming mga Pilipino ang nagtatrabaho para mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga mahal sa buhay na nasa Pilipinas.

Sa huling bilang, nasa 10 milyon na ang overseas Filipino workers (OFWs) sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Sa bilang na ito, apat na milyong Pilipino ang nasa Estados Unidos, na karamihan ay may mga kamag-anak sa Pilipinas na umaasa sa tulong na kanilang ibinibigay.

Ang ating mga OFW ay itinuturing na haligi ng ating ekonomiya dahil sa dolyar na kanilang ipinapadala sa mga mahal sa buhay sa Pilipinas.

Maliban pa rito, marami ring dayuhang kumpanya ang namumuhunan at nagnenegosyo sa Pilipinas.

Ang mga kumpanyang ito ay nag-e-empleyo ng daan-daang libong Pilipino, kabilang na ang business process outsourcing o call centers, factory, planta at iba pang manufacturing companies.

Mahalagang mapanatili natin ang magandang relasyon sa mga bansang ito upang hindi malagay sa alanganin ang kapakanan ng ating mga kababayan, maging sa abroad o dito sa Pilipinas.

Kung magiging maasim ang relasyon natin sa isa sa mga bansang pinagkukunan ng ikabubuhay ng marami nating kababayan, madadagdagan ang mga Pilipinong walang hanapbuhay at masasadlak sa kahirapan.

***

 

Ito ang ating isinasa-alang-alang kaya nais nating malinawan kung ano ba ang direksiyong tatahakin ng foreign policy ng pamahalaan, lalo pa’t pabagu-bago ang posisyon nito sa iba’t ibang isyu ukol sa relasyon natin sa Estados Unidos, na matagal na nating kaalyado.

Noong Set. 19, 2016, isinumite natin ang Senate Resolution No. 158, na humihiling sa pamahalaan na linawin ang posisyon ng bansa sa iba’t ibang polisiya at isyu ukol sa relasyon sa Estados Unidos.

Sa nasabing resolusyon, hiniling natin na magbigay ang pamahalaan ng agarang klaripikasyon upang maplantsa na ang hindi pagkakaunawaan na baka maglagay sa alanganin sa ating mga kababayan dito at sa Estados Unidos.

Wala tayong tutol sa isinusulong na independent foreign policy ng pamahalaan ngunit dapat nating tiyaking itataguyod nito ang interes ng sambayanang Pilipino.

Mahalagang mailahad ang nilalaman at direksiyon ng ‘independent foreign policy’ na nais ipatupad ng gobyerno at kung ano ang epekto nito sa mga kasunduan na ating pinasok.

Nais pa nating malaman kung ano ang epekto nito sa pamumuhay at kapakanan ng mga Pilipinong nahihirapan dito at sa ibang bansa.

***

Hindi isyu rito ang pagiging maka-Kano o maka-China kundi ang pagiging maka-Pilipino.

Importanteng matiyak natin na ang direksiyong nais tahakin ng pamahalaan ay makabubuti sa kapakanan ng mga Pilipino, at hindi ng ano pa mang bansa.

NEGOSYO, NOW NA!: Tamang payo sa negosyo ngayong Pasko

Mga kanegosyo, damang-dama na natin ang simoy ng Kapaskuhan sa bansa.

Kasabay ng unti-un­ting paglamig ng hangin, nakakakita na rin tayo ng iba’t ibang dekorasyon na nagpapahiwatig na nalalapit na naman ang pagdiriwang ng kapanganakan ni Hesus.

Isa ring senyales ng panahon ng kapaskuhan ang pagsulpot ng kabi-kabilang bazaar at trade fair sa malls, pamilihan at maging mga bakanteng lugar kung saan puwedeng maglagay ng tindahan.

Ang iba nating mga kababayan, paboritong dayuhin ang mga bazaar at trade fairs para mamili ng pamasko dahil bukod sa mura, marami pang produkto at tindahan na pagpipilian.

Maging sa tinatawag na foodie, patok din ang mga ganitong uri ng tindahan dahil marami rin ang nagtitinda ng pagkain na galing pa sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sa ganitong panahon din, marami ang pumapasok sa negosyo, lalo pa’t alam nila na malakas ang kita sa mga bazaar at trade fairs.

***

Ngunit hindi dapat magpadalus-dalos sa pagpasok sa ganitong uri ng negosyo. Mahalagang alam natin ang susuu­nging sitwasyon bago tayo sumabak dito.

Importanteng mabigyan muna tayo ng tamang payo, sapat na gabay at kaalaman bago tayo sumuong sa pagnenegosyo ngayong Kapaskuhan.

Dito papasok ang mahalagang papel ng Negosyo Centers na nasa iba’t ibang bahagi ng bansa.

 

Sa Negosyo Center, mabibigyan ang mga nais magnegosyo ng tamang tulong, suporta at training para magtagumpay ang itatayong negosyo nga­yong kapaskuhan.

Handang tugunan ang lahat ng pangangailangan ng micro, small and medium enterprises, mula sa payo, training, seminar, access sa pautang at iba pang pangangailangan sa pagnenegosyo.

Kaya payo ko sa mga nais magnegosyo nga­yong kapaskuhan, huwag panghinayangan ang kaunting oras na gugugulin sa pagbisita sa N­e­gosyo Center.

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa www.bamaquino.com/gonegosyoact o tumawag sa DTI center sa inyong lugar.

***

Sa huling bilang, mahigit 300 na ang Negosyo Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa at inaasahang madadagdagan pa ito bago matapos ang taon.

Bilang principal a­uthor at sponsor ng R­epublic Act No. 10644 o ng Go Negosyo Act sa Senado, nais nating tulu­ngang magtagumpay ang mga kababayan nating nais magsimula ng sari­ling negosyo at palaguin ang sektor ng MSMES sa bansa.

Maliban sa Go Negosyo Act, ang aking unang batas noong ako’y chairman pa ng Committee on Trade noong 16th Congress, may lima pa ta­yong batas na nakatuon sa pagpapaunlad ng MSMEs sa bansa.

Ito ay ang Philippine Competition Act, Foreign Ships Co-Loading Act, Microfinance NGOs Act, Youth Entrepreneurship Act at Credit Surety Fund Cooperative Act.

Ang pagtulong sa mga kababayan nating nais magnegosyo at sa sektor ng MSME ay matagal na nating ginagawa bago pa man tayo naluklok bilang senador.

Kahit na tayo’y chairman na ng Committee on Education ngayong 17th Congress, tuluy-tuloy pa rin ang pagtupad natin sa adbokasiyang ito.

BIDA KA!: Libreng kolehiyo

Mga bida, isa sa mga mahalagang panukalang batas na ating isinusulong bilang chairman ng Committee on Education ay ang libreng edukasyon sa state universities and colleges (SUCs).
Maliban sa inyong lingkod, lima pang senador ang nagsumite ng panukalang gawing libre ang pag-aaral sa SUCs.

Magkakaiba man ang nilalaman at detalye ng mga panukalang ito, iisa lang ang direksiyon na tinutumbok ng mga ito – ang bigyan ng libreng pag-aaral sa SUCs ang mga kapus-palad nating mga kababayan na nais magtapos ng kolehiyo.

***

Noong nakaraang Miyerkules, nagsagawa ng pagdinig ang ating kumite sa mga nasabing panukala. Ang pagdinig na ito ay dinaluhan ng iba’t ibang sektor na nagbigay ng kanilang komento at suhestiyon ukol sa panukalang batas.

Nagpahayag ng pangamba ang ilang sektor, lalo na sa pag-alis ng mga estudyante mula pribadong paaralan kapag ginawang libre ang tuition sa SUCs.

Isa pang pangamba ay kung paano epektibong ipatutupad ang panukala. May mga nagsabing dapat naka-target siya sa tipo ng kurso at may iba namang nagpanukala na nakatuon siya sa kakayahan ng estudyante na magbayad.

May nagbanggit naman na maging may kaya man o wala, basta nasa loob ng SUCs, ay dapat libre na ang edukasyon.

Maliban sa tuition fee, pabor din ang iba na isama sa saklaw ng panukala ang miscellaneous expenses, living expenses at iba pang bayarin upang lubos na makatulong sa mga nanga­ngailangan.

Ito ang ilan lang sa mga isyu na kailangang resolbahin upang matiyak na matutupad nito ang hangarin nating mabigyan ng libreng edukasyon sa kolehiyo ang mahihirap ngunit determinado nating mga kababayan.

Kaya nakatakda pang magsagawa ng ilang technical working group ang kumite kasama ang iba’t ibang sektor upang mapag-usapan at maplantsa ang mga mabusising isyu.

***

Subalit sa dami ng mga sumusuporta sa libreng edukasyon sa kolehiyo, tiwala ako na maisasabatas ito sa loob ng isang taon.

Sa huling tala, nasa P9 bilyon ang koleksiyon ng SUCs mula sa tuition fee ngunit sa aking palagay, hindi ito ang dapat tingnan.

Mas dapat bigyang bigat ng pamahalaan ay tulungan ang mga kabataan nating kapus-palad ngunit determinadong mag-aral na makatapos ng kolehiyo.

Sabi nga, dapat pagbuhusan ng pondo ang mga prayoridad na proyekto at programa ng gobyerno.

At kung mahalaga ang edukasyon, nararapat nga itong paglaanan ng pondo upang ang lahat ay makinabang, lalo na ang mahihirap.

***

Maliban sa libreng edukasyon sa kolehiyo, isa pa nating adbokasiya ay ang lalo pang pagpapaganda ng kalidad ng edukasyon sa ating mga SUCs.

Kumbaga, ang libreng edukasyon sa SUCs ay nakatuon sa pagbibigay ng access o pagkakataon sa mga mahihirap na makatapos ng kolehiyo.

Subalit hiwalay nating isinusulong ay ang lalo pang pagpapaganda sa sistema ng edukasyon sa SUCs sa pamamagitan ng mahahalagang reporma.

Kabilang sa mga repormang ito ay ang paglalaan ng pondo para sa mga dagdag na suweldo at benepisyo para sa mga guro at kailangang pasilidad at kagamitan ng SUCs.

Maliban pa rito, dapat ding tiyakin na ang mga kursong iaalok ng SUCs ay nakakonekta sa mga industriya upang mas madali ang paghahanap ng trabaho ng graduates.

Ito’y ilan lang sa ating mga tututukan at tatrabahuin bilang chairman ng Committee on Education ngayong 17th Congress.

NEGOSYO, NOW NA!: Burahin ang 5-6

Mga kanegosyo, isa tayo sa mga natuwa sa kampanya ng pamahalaan kontra “5-6” o iyong mga nagpapautang na sobra ang laki ng tubo.

Karaniwang biktima nito ang mga mahihirap na Pilipino na napipilitang kumapit sa patalim sa mataas na interes dahil walang ibang malapitan.

Apektado rin nito ang mga maliliit na negosyante na nahihirapang makautang sa mga bangko o mga lending companies dahil sa higpit ng requirements at hinihinging collateral.

Dahil walang ibang malapitan, kumakagat na rin sa pain ang mga maliliit na negosyante sa mga nagpapa-5-6.

Ang hindi nila alam, sa laki ng interes na ipinapataw ng 5-6, para lang nilang binuhay ang nagpautang sa kanila.

Kaya ang iba, napipilitan na lang magsara dahil lahat ng kinita ay napunta lang sa 5-6, imbes na sa pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya at sa pagpapalago ng negosyo.

***

Isa sa mga susi upang mapalakas ang layuning ito ng pamahalaan ay ang Microfinance NGOs Act o Republic Act 10693.

Ang nasabing batas ay tumutulong sa mga MFI NGOs na nagbibigay ng pautang na mababa ang interes at walang collateral sa mga mahihirap nating kababayan at mga nais mag-umpisa ng negosyo.

Kabilang sa mga natulungan ng Microfinance Institutions (MFI) NGOs ay si Aling Recy, na may negosyong angels figurine at ceramic display.

 

Upang maumpisahan ang kanyang negosyo, nangutang si Aling Recy ng puhunan sa isang 5-6. Pero ‘di nagtagal, napansin niya na wala silang napapalang mag-asawa dahil sa laki ng tubo ng kanilang inutang.

Kaya naghanap sila ng ibang pagkukunan ng puhunan na mas mababa ang interes. Masuwerte naman at natagpuan nila ang microfinance NGO na Kasagana-ka Development Center, Inc. (KDCI).

Ayon kay Aling Recy, malayung-malayo ang karanasan nila sa 5-6 kumpara sa KDCI. Sa MFI NGOs, sinabi ni Aling Recy na magaan na ang kanilang hulog, mahaba pa ang palugit.

***

Ang Microfinance NGOs Act o Republic Act 10693 ay isinulong ko sa Senado bilang co-author at principal sponsor nang ako pa’y chairman ng Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship noong 16th Congress.

Bigay ng MFI NGOs sa mga mahihirap na Pilipino ang pautang na mababa ang interes at walang collateral na maaari nilang ipambayad sa upa, serbisyong medical at sa pag-aaral at puhunan sa maliit na negosyo.

***

Tinutulungan din ng MFI NGOs ang mga Pilipino na makaahon sa kahirapan, hindi lang sa pamamagitan ng pautang, kundi pati na rin sa financial literacy, livelihood at entrepreneurship training.

Binibigyan naman ng batas ang microfinance NGOs ng kailangang suporta at insentibo, kabilang ang access sa mga programa at proyekto ng pamahalaan, technical assistance at malinaw na sistema ng pagbubuwis.

Mga kanegosyo, noong 2013, nakapagpautang ang MFI NGOs na miyembro ng Microfinance Council of the Philippines, Inc. (MCPI) ng kabuuang P15.26 bilyon sa 2.7 milyong micro-entrepreneurs.

Sa Microfinance NGOs Act, mayroon nang mabisang sandata ang pamahalaan upang mailayo ang ating mga kababayan sa 5-6.

BIDA KA!: Libreng wi-fi sa paaralan

Mga bida, bilang chairman ng Senate Committee on Education, Arts and Culture ngayong 17th Congress, bahagi ng aking tungkulin ay tingnan ang kalagayan ng mga pampublikong paaralan at state colle­ges and universities (SUCs) sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ito’y upang mapakinggan ang hinaing ng mga estudyante at ma­laman ang pangangailangan ng mga paaralan, tulad ng kakulangan ng silid-aralan, upuan, aklat at iba pang mga kagamitan.

Mahalagang malaman ang mga pangangailangang ito upang maisama at mabigyan ng karampatang pondo sa pambansang budget.

***

Kamakailan, dinalaw natin ang Alegria National High School nang magtungo tayo sa Bacolod City.

Natutuwa naman tayo sa mainit na pagtanggap ng mga estudyante, guro at mga magulang sa ating pagdating.

Ininspeksiyon natin ang mga silid-aralan at iba pang pasi­lidad ng paaralan at nagsagawa ng round table discussion sa mga pinuno ng paaralan at student leaders upang malaman ang kanilang pangangailangan.

Sa nasabing round-table discussion, nabigyan ng pagkaka­taon ang mga estudyante na magsalita at maiparating ang mga kailangan sa pag-aaral.

Isang Grade 10 ang tumayo at nagsabi na isa sa pinaka­malaking pangangailangan nila ay silid-aralan, na sa ngayon ay siksikan kaya nahihirapan silang mag-aral.

Isa pang binanggit ng estudyante ay ang kakulangan ng computer at internet sa kanilang paaralan na magagamit sa paggawa ng assignment.

 

Kahit pa kulang ang mga libro, kung may internet ay magagamit nila ang pinakamahusay at world-class na mater­yales para sa edukasyon.

***

Kabilang ang Alegria National High School sa 74% ng public schools na walang internet connection, batay sa data mula sa Department of Education (DepEd).

May sapat na pondo naman ang DepEd para i-connect ang mga paaralan sa internet ngunit dahil kulang ang imprastruktura at signal ng internet, hindi sila mabigyan ng magandang koneksiyon.

Nakababahala ang numerong ito dahil mahalaga ang connectivity sa internet sa pagtuturo at pagkuha ng karunungan.

Kaya sa ginawa nating pagdinig sa Senate Bill No. 1050 o ang panukala kong lagyan ng libreng internet ang public schools at SUCs sa buong bansa, hinikayat natin ang DepEd, Department of Information and Communications (DICT) at telecommunication companies na maglatag ng plano upang matugunan ang problema.

Sa ating pagdinig, humingi ako ng roadmap mula sa mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor kung paano mabibigyan ang 100% ng public schools at SUCs ng libreng internet connection.

Sa paglalagay ng internet sa mga paaralan, masusuportahan ang pag-aaral sa pamamagitan ng learning materials at online information.

Sa ilalim ng panukala, aatasan ang bagong tatag na Department of Information and Communications Technology (DICT) na bigyan ng malakas na internet connection ang mga estudyante, faculty members at iba pang non-teaching personnel.

Ang internet connection na ito ay dapat ilagay sa isang lugar kung saan makakasagap ng malakas na signal ang lahat.

Kumbinsido ako na dapat sanayin ang mga estudyante sa responsableng paggamit ng internet upang mapabilis ang pag-unlad ng kanilang kaalaman at maging produktibong mamamayan sa hinaharap.

Scroll to top