BIDA KA!: Aral ng kasaysayan
Mga bida, marami sa atin ay pamilyar na sa kasabihang “ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan”.
Madalas, ikinakabit ang kasabihang ito sa utang na loob sa kapwa ngunit ito’y maiuugnay rin sa kasaysayan.
Mahalaga na alam natin ang nilalaman ng ating kasaysayan, maging mabuti man ito o masama, upang matuto tayo sa karanasan ng nakaraan.
Kung ito ma’y masama, ang aral ng nakaraan ay magsisilbing paalala sa atin na huwag nang hayaang ito’y mangyari muli.
Sa ibang bansa sa Europa, gaya ng Germany, itinuturo ang holocaust na madilim na bahagi ng kanilang kasaysayan sa mamamayan upang magsilbing gabay sa kasalukuyan at susunod na henerasyon.
May panukala pa silang inilatag upang tiyaking tama at batay sa katotohanan ang mga itinuturo ukol sa malawakang pagpatay sa mga Hudyo.
Dito sa atin, nakasaad sa Section 27 ng Martial Law Victim Reparation Act of 2013 na dapat magtulungan ang CHED at DepEd sa pagpapakalat ng impormasyon ukol sa Martial Law upang hindi na ito muling mangyari.
***
Ito ang isa sa pangunahing dahilan kaya tayo naghain ng resolusyon upang alamin kung paano itinuturo ang Martial Law sa ating mga paaralan.
Ginawa natin ang hakbang matapos tayong tumanggap ng balita na hindi tama at kulang ang impormasyong nakalagay sa mga aklat sa mga eskuwelahan.
Hindi nakalagay rito ang libu-libo katao na namatay, pinahirapan o bigla na lang nawala o ang sampung bilyong dolyar na ninakaw sa kaban ng bayan.
Maliban pa rito, may tangka rin sa Internet na baguhin ang kasaysayan at palitawin na ang Martial Law ay isa sa pinakamagandang panahon sa ating bansa.
Ang masakit nito, marami sa ating mga kabataan ang naniniwala sa mga maling kuwento sa Internet dahil na rin sa kawalan ng sapat na kaalaman sa nangyari noong panahon ng Martial Law.
***
Sa pagdinig noong Martes, natutuwa tayo sa ibinalita ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones, na isa ring biktima ng Martial Law, na kasalukuyan nang inilalatag ng ahensiya ang bagong curriculum na bahagi ng K to 12 program.
Sa nasabing pagbabago, ilalatag na ang mas kumpetong larawan ng ating kasaysayan, kung saan makikita ng ating mga kabataan ang lahat ng aspeto ng mga nangyari sa nakalipas, lalo nang katiwalian at pag-abuso na nangyari noong Martial Law.
Ang mga pagbabagong ito ay bunga ng pagtutulungan ng mga personalidad mula sa iba’t ibang larangan, mula sa kasaysayan gaya ng National Historical Commission of the Philippines at Commission on Human Rights.
May panawagan din ang DepEd na sa mga susunod na pagbuo ng bagong curriculum at mga aklat na ukol sa kasaysayan, magtulung-tulong ang iba’t ibang historian, mga abogado at iba pang may alam sa batas upang mabuo ang mas akmang nangyari sa nakalipas.
Ayon sa DepEd, ginagawa nila ang lahat upang mapadali ang paglabas ng mga bagong libro na naglalaman ng mga bagong detalye ukol sa ating kasaysayan, hindi lang ng Martial Law, kun’di ng iba pang pag-abuso na nangyari sa mga nakalipas na panahon.
Kapag kumpleto na ang paglalabas ng DepEd ng mga aklat na naglalaman ng bagong impormasyon ukol sa kasaysayan, magkakaroon ang mga kabataan ng matibay na pundasyon ng kaalaman.
Sa tulong nito, mas madali nilang masusuri at masasala ang nakikita nila sa Internet kung ito ba’y may katotohanan o pawang kasinungalingan lang.
Sabi nga, sa anumang larangan, lamang ang may alam.
***
Mga Bida, makipagkuwentuhan kay Sen. Bam sa fb.com/BenignoBamAquino o sa e-mailbidakacolumn@gmail.com
Recent Comments