abate

NEGOSYO, NOW NA!: Bukas na isip

Mga Kanegosyo, sa pagdating ng Hunyo, patapos na tayo sa unang kalahati ng taon. Kumusta na ang ating pinapatakbong negosyo? Sana’y nakatutulong kami sa pagpapalago ng inyong pangkabuhayan sa mga kuwento at tips na tinatalakay natin sa kolum na ito.

Ngayong linggo, pag-usapan natin ang kahalagahan ng isang bukas na isip sa mga pagbabagong nangyayari sa ating mundo sa kasalukuyan.

Mga Kanegosyo, kung sarado ang ating isipan sa mga bago at sariwang ideya, sistema at mga bagay-bagay, tiyak na mapag-iiwanan tayo sa mabilis na takbo ng buhay.

Sa pagnenegosyo, kapag sarado ang ating isip sa mga suhestiyon, bagong ideya o ‘di kaya’y modernong sistema, tiyak na kakain tayo ng alikabok sa mga kakumpitensya sa merkado.

Hindi lang basta nagmamasid sa merkado tayong mga negosyante; naghahanap din tayo ng makabagong ideya upang mapaganda ang negosyo sa pamamagitan ng pagbabasa at pananaliksik.

Maituturing na bukas ang isip ng isang negosyante kung handa tayong tumanggap ng panukala, komento at mga tanong sa produkto at serbisyo natin.

Magandang kumuha ng mga bagong ideya sa kapalirigan, sa ating mga tauhan, pamilya, mga kaibigan, ang ating mga suki at maging ang mga kakumpitensya.

Makakakuha rin ng mga bagong ideya mula sa mga aklat, magazine, video, newsletter, seminar at sa Internet.

***

Kapag galing sa isang bigong pag-ibig, ang iba sa atin ay bumibiyahe sa malalayong lugar upang doon magpalipas ng sama ng loob, makapag-isip-isip at makapagpahinga.

Ganito ang pinagdaanan ni Cathy Brillantes-Turvill. Galing siya sa bigong pag-ibig at naghanap ng paglilibangan para malayo ang isip sa pait na nararamdaman.

Upang makalimot, naging madalas ang pagpunta niya sa isang kumbento sa Tagaytay upang doon magdasal at magmuni-muni.

Sa madalas niyang pagbalik-balik sa Tagaytay, napansin niya na walang spa sa nasabing lugar na makatutulong sa kanyang makapagpahinga.

Nagkataong nakilala ni Cathy ang isang British chemist na si Dr. Mike Turvill, na supplier ng essential oils sa mga spa sa five-star hotel sa Metro Manila.

Nabanggit niya ang ideya kay Mike, na siya namang kumumbinsi sa kanya na ituloy ang pangarap na negosyo, na ngayo’y kilala bilang Nurture Spa.

Sinimulan niya ang bagong negosyo, na mayroon lang dalawang kuwarto. Nang tumagal, lumaki ang spa, na ngayo’y mayroon ng anim na gazebo, siyam na indoor massage rooms, apat na native huts, pitong airconditioned rooms at isang seminar room.

Kahit matagumpay na, bukas pa rin ang isip niya sa mga pagbabago sa industriya. Parati siyang nagsasaliksik at sumasali sa mga conference upang matutunan ang makabagong technique sa pagmamasahe at pagpapatakbo ng spa, bukod sa pakikinig sa mga komento ng kanyang mga customer.

Hindi lang naging naging bukas ang isip niya sa pagnenegosyo. Naging bukas din ang kanyang puso kay Mike, na siyang naging asawa niya.

Kaya mga Kanegosyo, kapag bukas tayo sa mga bagay-bagay, tunay na walang limit ang daan tungo sa tagumpay!

 

 

First Published on Abante Online

 

 

 

Scroll to top