Sen. Bam’s speech after endorsement as LP senatorial candidate
Mga kaibigan unang una Magandang Umaga sa ating lahat! Mga kaibigan iniisip ko kanina ang pangyayaring ito ay parang ibang iba para sa amin na matagal na dito sa partido. Kaya naisip ko na itong Liberal Party mayroong tatlong L na siyang sumasagisag rin sa araw natin ngayon.
Ang unang L natin ay “Laylayan”. Bago ang 2016 tinest namin ito, hindi alam kung ano ang ibig sabihin ng salitang laylayan. Pero noong tumakbo si VP Leni at dala-dala niya ang nasa laylayan ng lipunan ngayon, lahat ng Pilipino alam na ang ibig sabihin ng laylayan. Bakit mahalaga ang unang L na iyon? Mahalaga iyon dahil yung partido natin, yung samahan natin, yung oposisyon ang siyang nakatutok sa totoong pangangailangan ng ating bansa. Ang partidong natin, ang oposisyon, ang siyang nakatingin ano ba ang kailangan ng nasa laylayan ng lipunan.
Sa aking limang taong pagiging Senador umiikot tayo, marami tayong nakakausap, nandiyan si Melvin Castro mula sa TarlacAgricultural University ano ba ang kwento niya? Gumigising siya 3amkada araw at namimitas ng mangga doon sa bukid kung saan siya nakatira, dalawa na ang anak niya pero college student pa rin siya. Pagdating ng 5am naggigisa ng bagoong, by 6am nagbebenta na ng mangga’t bagoong sa labas ng gate ng TAU (Tarlac AgriculturalUniversity) pagdating ng 8amstudent siya sa loob ng TAU. Ang ang sabi ni Melvin? Sabi niya “Senator Bam itong libreng tuition iyan ang nakapagtawid sa akin kaya naka-graduate po ako”. Si Melvin Castro ngayon ay isa ng guro at mayroon nang kinikita para sa kaniyang pamilya.
Nakatutok tayo sa pangangailangan ng taumbayan. Noong nakaraang dalawang linggo kasama ko si VP Leni, nasa Zamboanga kami at pumunta kami doon dahil nakita namin sa Zamboanga a few weeks ago umabot ng P75 per kilo ang bigas, at bumalik si VP Leni doon sinamahan ko siya para macheck ang palengke kung magkano na, bumaba naman sa P52 pero mataas pa rin. Yung katabi ko doon si Allan, si kuya Allan isang tricycle driver ano ang sabi ni kuya allan? “Senator Bam, Mam Leni apat kami sa aming pamilya pero ang pinaghahatian namin ay kalahating kilo ng bigas sa isang araw”. Apat na tao kalahating kilo ng bigas pinaghahatian nila, kaya kami, tayo dito, ang binibigyang pansin natin yung talagang mabigat sa taumbayan, yung talagang pangangailangan ng taumbayan, kung ano yung hinaharap nila sa kanilang araw araw na buhay. Iyon ang binibigyan natin ng pansin at kailangan natin ng isang grupo na tututok sa mga totoong problema at magbibigay ng solusyon dito sa mga problema ng mga nasa laylayan ng lipunan.
Ang pangalawang L ay “Laban”. Dahil yung mga taong nandito, marami pang taong nanunuod, at mga online, ay handa pong lumaban. Lumaban para sa ating mga kababayan, lumaban sa makapangyarihan, lumaban para sa tama sa ating lipunan.
Hindi kayo pupunta dito kung hindi kayo handang lumaban. Yung salitang “laban”, makasaysayan po yan sa ating lipunan. Kapag nilalabas natin ulit ang salitang laban, ibig sabihin niyan ay hanggang sukdulan. Kaya itong laban na ito, aaminin ko ay hindi magiging madali. Uphill climb ito para sa oposisyon pero naniniwala ako na gaya ng lahat ng naging laban sa ating bansa, kung nagkakaisa ang Pilpino, nagkakaisa ang mamamayan at hindi tayo nagpapatakot kung kaninuman, kahit anong laban ay kakayanin nating manalo at magtagumpay.
Ano na ang pangatlong L? Ang una ay Laylayan, ang pangalawa ay Laban, ang pangatlo ay para sa mga millenials: syempre, Love!
Hindi pwedeng mawala ang Love. Bakit? Ano po ang nagbubuklod-buklod sa atin dito? Isang tao po ba? Si VP Leni po ba? Hindi! Si PNoy po ba? Hindi! Kami po bang mga kandidato? Hindi rin! Nandito tayong lahat dahil nagmamahal tayo sa ating bayan.
Lahat tayo ay nagmamahal sa ating bayan. Alam nating maraming hinaharap at pinagdadaanan ang mga kababayan natin. Marami sa kanila ay naghahanap ng liderato, naghahanap ng mga masasandalan, naghahanap ng mga solusyon. Tayong lahat dito, sa pagmamahal natin sa ating bayan, yan ang magdadala sa atin sa tagumpay. Ang isang napakahalagang isipin natin ay hindi lang tayo ang nagmamahal sa ating bayan, maraming maraming Pilpino ang nagmamahal sa ating bayan. Baka ngayon lang, hindi lang maintindihan ang mga nakikita sa social media. Baka kaya natakot na dahil marami nang nakitang namatay sa kanilang baranggay. O baka tumahimik na lang dahil mas mabigat ang mga pang-araw-araw na problema ng ating bayan. Pero lahat tayo ay nagmamahal sa ating bayan. Kailangan natin silang maabot. Yung “Makinig Project” ni Senator Kiko nandyan yan, ang ating kakayanan na mag reach-out, kumausap, magkumbinsi, katukin natin ang bawat kapitbahay natin, bawat komunidad, bawat baranggay. Ipakita natin ang pagmamahal sa ating bayan at sabay-sabay nating tulungan ang lahat ng mga kandidato ng partido Liberal sa susunod na taon.
Laylayan, Laban, Love!
Isang napansin ko pa yung tatlong initial list ng kandidato: Aquino, Tañada, Diokno. Ano ang pagkakaparehas? Unang-una, lahat ay may kapamilya na naging senador. Pangalawa, lahat po ay nakulong din! Si Tito Ninoy, 7 years 7months. Si Ka Pepe, 2 years. Si Ka Taning, 2 weeks. Lahat yan nakulong. I hope yung pagkakaparehas namin sa 2019, hindi kami makukulong. Sana lahat kami ay magtagumpay! Sa mga susunod na linggo, dadami pa ang mga mababanggit na kasama ng LP at Opposition Coalition. Sanamatulungan natin silang lahat.
Para sa aking mga kasama dito sa initial list, hihilingin natin yung tulong nating lahat. Nakikita naman natin na tayong lahat ay nahuhuli sa survey. Hindi ako natatakot sa mga numerong yun. Ibig lang sabihin, kailangan pa tayong magtrabaho. Hindi tayo pwedeng makuntento na tayo-tayo lang ang mga kausap natin. Kailangan mag reach out tayo. Lahat naman tayo may kamag-anak, may kaibigan, at may officemate na tingin natin kaya naman natin makumbinsi. Ganun dapat.
Pero ngayong araw na ito, gusto ko lang i-highlight yung dalawa nating kasama. Palakpakan po natin, isang batikang youth leader, iniidolo namin noon sa Sanggunian, naging magaling na Kongresista, magaling na legislator, kailangan nating ibalik sa lehislatura, walang iba kundi si Congressman Erin Tañada! Pangalawa, huwag nating kakalimutan na kahit di siya napunta sa gobyerno, matagal na siyang naglilingkod sa ating bayan. Isang abogado ng mahihirap, tumutulong sa mga mahihirap na walang pambayad sa abogado, Chairman ng Free Legal Assistance Group, Dean ng La Salle Law School, palakpakan natin ang isang taong napakatapang at handang-handang lumaban sa panahon na ito, Atty. Diokno!
Mga kaibigan, ang laban na ito ay hindi magiging madali. Alam niyo po iyan, alam din namin yan. Pero sabi ni VP Leni lagi, “sa dulo ng lahat, ang mananaig ay katotohanan at kabutihan.” Ang mananaig sa dulo ng lahat ay ang handang magtrabaho para sa ating bayan. Tulong-tulong tayo sa susunod na taon. Tulong-tulong tayo na katukin ang mga bahay ng ating mga kasama sa barangay at ipakilala natin ang mga kandidato ng Partido Liberal.
Maraming maraming salamat po at magandang araw sa ating lahat. Thank you very much.
Recent Comments