Aris Alip

Negosyo, Now Na!: Pautang at Training

Mga Kanegosyo, nagpapasalamat tayo sa walang sawa ninyong pakikipag-ugnayan sa aming opisina, mula sa ating programang “Status Update” tuwing Miyerkules sa DZXL 558, sa ating mga kolum dito sa Abante, hanggang sa ating mga social media platform na Twitter, Facebook at e-mail.

Sa dami ng tinatanggap nating mga tanong, nakaugalian na nating maglaan ng espasyo para sagutin ang mga ito para rin sa inyong kalinawan at kapakanan, lalo na kung tungkol ito sa pagne­negosyo.

***

Higit pa sa karaniwan ang naging dagsa ng mga tanong nang maging pa­nauhin natin sa programa sa radyo si Dr. Aris Alip, founder at managing director ng CARD-Mutual­ly Reinforcing Institutions (CARD-MRI), ang pinakamalaking microfinance institution sa bansa.

Nagpapautang ng puhunan sa mga nais magsimula ng negosyo nang walang kolateral at mababang interes ang CARD-MRI, kaya marahil ay nakuha natin ang atensiyon ng maraming nakikinig, pati na rin ng mga sumusubaybay sa ating programa sa pamamagitan ng live streaming sa Internet.

Isa sa mga natanggap nating tanong ay galing sa isang overseas Filipino worker na si Julia Fragata na nasa sa Hong Kong.Ang kabuuang mensahe niya ay, “CARD-1 graduated Batch 12, financial literacy program ng CARD OFW Hong Kong.”

Tumugon si Dr. Alip: “Mayroon kaming regular seminar on financial literacy para inyong mga nanay na nasa Hong Kong.  

Karamihan sa kanila ay nag-dedeposit sa amin.  Pag nagdeposit sila sa amin at lumaki nang lumaki ang kanilang depo­sit, pagbalik nila rito sa Pilipinas, dinodoble namin iyon para makapagtayo sila ng bahay o negosyo.

Nanghihinayang ako sa mga nanay, lalo na iyong mga nasa Hong Kong at Singapore.  Kasi sila’y mga propesyunal, at brain drain iyon sa atin. Gusto kong ibalik sila rito sa Pilipinas. Marami na kaming napabalik. Marami na ritong bumalik bilang mga guro o midwife. Tinutulungan natin silang makapagpatayo ng negosyo.”

Mga Kanegosyo, mayroon na rin programa ang CARD-MRI sa iba pang bansa tulad ng Singapore, Indonesia, Cambodia, Laos, Myanmar, at Vietnam.  Nais din nilang magtayo sa Japan sa tamang panahon.

Kung mayroon ka­yong kamag-anak sa mga bansang nabanggit, sabihin ninyo na hanapin nila ang kanilang mga programa para matulu­ngan silang palaguin ang kanilang kinikita sa ibang bansa.

***

Mula naman ito sa isa nating tagapakinig: “Nagpapautang po ba kayo ng pang-tuition o pang-negosyo lang?”

Muling tumugon si Dr. Alip: “Noong una, nais naming buuin ang pautang sa negosyo kasi gusto talaga naming lumago ang kita ng aming mga kliyente. Tapos isinunod namin ang pang-tuition.

Bumuo na rin kami ng zero-dropout program kasama si Mr. Sycip (Mga Kanegosyo, si Washington Sycip ang isa sa pinakamahusay na negosyante sa Pilipinas. Ngayon ay tumutulong na rin siya sa pampublikong edukasyon ng bansa.)

May nagtext naman: “Wala po kaming colla­teral mag-asawa. Naka­tira po kami sa Marikina. Mayroon po ba kayong branch sa Marikina?”

Mayroon daw silang opisina sa Marikina, ayon kay Dr. Alip. Tugon pa niya, “Ayaw ko ng collateral. Kung minsan, pag collateral, ipa-file mo pa iyan, aayusin mo pa ang mga papeles. Basta ang negosyo ninyo, maayos, maganda, puwede namin kayong pautangin.”

Patuloy nating sinusuportahan ang mga micro financing institution (MFI) sapagkat napakaganda ng kanilang mga serbisyo para sa ating maliliit at nagsisimulang mga negosyante. Lapitan na ang pinakamalapit sa inyong MFI nang masi­mulan na ang daan tungo sa ating tagumpay!

 

First Published on Abante Online

 

 

Scroll to top