Mga Pinoy, Nangunguna sa Inobasyon Laban sa Kahirapan — Sen. Bam Aquino
Nasa Berlin, Germany si Senator Bam Aquino upang makipagpulong sa iba’t-ibang mga senior policymakers sa Asya at Europa ukol sa mga inobasyon sa paglaban sa kahirapan.
Ayon kay Aquino, na naparangalan na sa loob at labas ng bansa para sa kanyang programang nagbibigay ng kabuhayan sa mga mahihirap na pamilya at nagpapalago sa mga pinakamaliliit na negosyo, “Isa itong pagkakataon para matuto sa mga gawain at ‘best practices’ ng ibang bansa para malabanan ang kahirapan sa Pilipinas.”
Dagdag ng batang senador, “Isa rin itong magandang pagkakataon para ibahagi ang naging karanasan nating mga Pilipino sa paglaban sa kahirapan, sa pamamagitan ng makabuluhang pagnenegosyo.”
Ayon sa Asia-Europe Foundation (ASEF), na kasama ng British Council ay isa sa mga organizer ng naturang policy dialogue, layunin ng conference na suportahan ang paglago ng mga negosyong direktang tumutulong sa mga mahihirap at nag-aangat sa antas ng pamumuhay ng masang Pilipino. Layunin rin nitong paigtingin ang pagtutulungan ng mga bansa sa Asya at Europa para tapusin ang kahirapan sa buong mundo.
Dagdag ni Sen. Bam, “Matagal nang nangunguna ang mga Pinoy sa ganitong klase ng pagnenegosyo na tumutulong sa mga mahihirap. Naniniwala tayo na sa pamamagitan ng mga makabuluhang batas at polisiya, mapapalago pa natin ang sektor na ito at maipapakita sa mundo kung paano natin nilalabanan ang kahirapan sa makabagong paraan.”
Photo courtesy of Go Negosyo
Recent Comments