Bam

BIDA KA!: Aral ng kasaysayan

Mga bida, marami sa atin ay pamilyar na sa kasabihang “ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan”.

Madalas, ikinakabit ang kasabi­hang ito sa utang na loob sa ­kapwa ngunit ito’y maiuugnay rin sa ­kasaysayan.

Mahalaga na alam natin ang nilalaman ng ating kasaysayan, maging mabuti man ito o masama, upang matuto tayo sa karanasan ng nakaraan.

Kung ito ma’y masama, ang aral ng nakaraan ay magsisilbing paalala sa atin na huwag nang hayaang ito’y mangyari muli.

Sa ibang bansa sa Europa, gaya ng Germany, itinuturo ang holocaust na madilim na bahagi ng kanilang kasay­sayan sa mamamayan upang magsilbing gabay sa kasalukuyan at ­susunod na henerasyon.

May panukala pa silang inilatag upang tiyaking tama at batay sa katotohanan ang mga itinuturo ukol sa malawakang pagpatay sa mga Hudyo.

Dito sa atin, nakasaad sa Section 27 ng Martial Law Victim Reparation Act of 2013 na dapat magtulungan ang CHED at DepEd sa pagpapakalat ng impormasyon ukol sa Martial Law upang hindi na ito muling mangyari.

***

Ito ang isa sa pangunahing dahilan kaya tayo naghain ng resolusyon upang alamin kung paano itinuturo ang Martial Law sa ating mga paaralan.

Ginawa natin ang hakbang matapos tayong tumanggap ng balita na hindi tama at kulang ang impormasyong nakalagay sa mga aklat sa mga eskuwelahan.

Hindi nakalagay rito ang libu-libo katao na namatay, pinahirapan o bigla na lang nawala o ang sampung bilyong dolyar na ninakaw sa kaban ng bayan.

Maliban pa rito, may tangka rin sa Internet na baguhin ang kasaysayan at palitawin na ang Martial Law ay isa sa pinakamagandang panahon sa ating bansa.

Ang masakit nito, marami sa ating mga kabataan ang ­naniniwala sa mga maling kuwento sa Internet dahil na rin sa kawalan ng sapat na kaalaman sa nangyari noong panahon ng Martial Law.

***

Sa pagdinig noong Martes, natutuwa tayo sa ibinalita ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor ­Briones, na isa ring biktima ng Martial Law, na kasalukuyan nang ­inilalatag ng ahensiya ang bagong curriculum na bahagi ng K to 12 program.

Sa nasabing pagbabago, ilalatag na ang mas kumpetong larawan ng ating kasaysayan, kung saan makikita ng ating mga kabataan ang lahat ng aspeto ng mga nangyari sa naka­lipas, lalo nang katiwalian at pag-abuso na nangyari noong Martial Law.

Ang mga pagbabagong ito ay bunga ng pagtutulungan ng mga personalidad mula sa iba’t ibang larangan, mula sa kasaysayan gaya ng National Historical Commission of the ­Philippines at Commission on Human Rights.

May panawagan din ang DepEd na sa mga susunod na pagbuo ng bagong curriculum at mga aklat na ukol sa kasay­sayan, magtulung-tulong ang iba’t ibang historian, mga abogado at iba pang may alam sa batas upang mabuo ang mas akmang nangyari sa nakalipas.

Ayon sa DepEd, ginagawa nila ang lahat upang mapa­dali ang paglabas ng mga bagong libro na nag­lalaman ng mga bagong detalye ukol sa ating kasaysayan, hindi lang ng Martial Law, kun’di ng iba pang pag-abuso na nangyari sa mga nakalipas na ­panahon.

Kapag kumpleto na ang paglalabas ng DepEd ng mga aklat na naglalaman ng bagong impormasyon ukol sa kasaysayan, magkakaroon ang mga kabataan ng matibay na pundasyon ng kaalaman.

Sa tulong nito, mas madali nilang masusuri at masasala ang nakikita nila sa Internet kung ito ba’y may katotohanan o pawang kasinungalingan lang.

Sabi nga, sa anumang larangan, lamang ang may alam.

***

Mga Bida, makipagkuwentuhan kay Sen. Bam sa fb.com/BenignoBamAquino o sa e-mailbidakacolumn@gmail.com

BIDA KA!: Libreng Internet

Mga bida, marami tayong­ natuklasan sa pagdinig ng ­Committee on Science and ­Technology at ­Committee on Education noong naka­raang linggo.

Sa mga nasabing hearing, tina­lakay natin ang ilang panukalang batas ukol sa paglalagay ng libreng wi-fi sa mga pampublikong lugar at sa ating pampublikong paaralan,­ kasama na ang state colleges at ­universities.

Nagsumite ako ng panukala­ na maglagay ng libreng Internet c­onnection, kasama na ang wi-fi, sa l­ahat ng pampublikong paaralan sa paniniwalang kaila­ngan ito ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral at kailangan din ng mga guro para updated at epektibo ang kanilang materya­les­ sa pagturo.

Subalit nasorpresa at nabahala ako nang malaman mula sa mga opisyal ng Department of Education (DepEd) na 26 porsiyento lang ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa ang may Internet connection.

***

Paliwanag ng DepEd, mayroong sapat na pondo ang ahensiya para sa nasabing proyekto subalit ang problema, walang sapat na imprastruktura upang matugunan ang pangangailangan ng mga paaralan.

Ayon sa DepEd, may mga lugar na mahina ang signal ng telcos kaya mabagal din ang Internet connection, bagay na iniiwasan ng ahensiya upang hindi masayang ang ibinabayad nito.

Marami ring lugar sa bansa ang walang Internet connection dahil kulang ang imprastruktura ng telcos, lalo na sa mga liblib na paaralan.

Sa parte naman ng bagong tatag na Department of ­Information and Communications Technology (DICT), plano nilang maglagay ng libreng wi-fi sa mahigit 12,000 lugar sa buong bansa bago mag-Nobyembre 2017.

Ang problema, hindi pa sila nangangalahati dahil din sa kakulangan ng imprastruktura ng telcos.

Nang tanungin ang telcos, isinisi nila ang kakulangan sa imprastruktura sa bagal at higpit ng pagkuha ng permit sa ­local government units (LGUs) kung saan nila ilalagay ang kailangang kagamitan para mapabilis ang serbisyo.

Reklamo ng telcos, nakakasa na ang kanilang planong maglagay ng dagdag na cell sites at iba pang imprastruktura na magpapaganda ng serbisyo ng Internet.

Ngunit hindi umano sila makausad dahil sa bagal ng ­proseso ng pagkuha ng permit. Madalas, hindi bababa sa 25 permit ang kailangan para lang makapaglagay ng cell site.

Binanggit pa ng isang telco na nakalinya na ang paglalagay ng dagdag na 1,000 cell sites sa iba’t ibang bahagi ng bansa­ ngunit sa bagal ng proseso, nasa 500 pa lang ang kanilang naipupuwesto.

Isa pang problema ang mahal at paiba-ibang halaga ng bayad na sinisingil ng LGU sa bawat cell site na kanilang ­inilalagay.

***

Upang masolusyunan ang problema, plano nating isama­ sa pagbalangkas ng batas ang pagpapabilis ng proseso sa ­pagkuha ng permit mula sa LGUs.

Sa paraang ito, mas madali na ang paglalagay ng cell sites at iba pang equipment ng telcos para mapaganda ang Internet connection sa bansa.

Nabanggit din ng DICT na plano ng admi­nistrasyong Duterte na maglabas ng Executive Order na mag-aatas sa LGUs na madaliin ang pagpoproseso ng permits ng telcos.

Inatasan na rin natin ang DepEd, mga telco at iba pang kaukulang ahensiya na magbalangkas ng plano para maisama ang public schools at state colleges at universities sa paglalatag ng libreng wi-fi project ng pamahalaan sa susunod na dalawang taon.

***

Mga bida, ­isinusulong ko na mabigyan ng ma­gandang Internet connection ang ating mga pampublikong paaralan dahil kumbinsido ako na makatutulong ito sa lalo pang paglago ng kaala­man ng mga batang ­Pilipino.

Malaking bagay ang Internet sa kanilang research dahil makaka­kuha sila rito ng mga materyales na puno ng kaalaman at mga ­video na makatutulong sa kanilang pag-aaral.

Mapupunuan nito ang kakulangan sa libro at iba pang materyales na kailangan sa pagpapalago ng kanilang kaalaman.

Kapag may sapat na kaalaman ang ating mga estudyante sa public schools, hindi sila magpapahuli at kaya nilang makipagsabayan sa mga mag-aaral ng pribadong paaralan.

Ito rin ang magbibi­gay sa ating mga estu­dyante ng sapat na kakayahan upang makipag­tagisan para sa trabaho na magbibigay sa kanila ng magandang kinabukasan.

***

Mga Bida, maki­pagkuwentuhan kay Sen. Bam sa fb.com/BenignoBamAquino o sa e-mail bidakacolumn@gmail.com!

BIDA KA!: Davao City bombing

Mga bida, napakaespesyal po ng Davao City para sa akin at sa aking pamilya.

Kilala po ako at ang aking ­pamilya bilang tubong Tarlac ngunit sa mga hindi nakakaalam, ang akin pong ina at ang kanyang angkan ay mula Davao.

Ang aking lolo na si ­Segundo Aguirre ay naging principal ng ­University of Mindanao. Ang lola ko naman na si Victoria Aguirre ay naging chairperson ng Filipino ­Department sa nasabing unibersidad.

Sa Davao po lumaki at nagtapos ang aking ina. Sa Davao po niya nakilala ang aking ama habang sila ay nagtatrabaho sa Davao branch ng SGV. Davao po ang setting ng kanilang love story at sa Davao rin sila ikinasal.

Sa aking paglaki, pumupunta kami sa Davao para bisitahin­ ang aking lolo at lola at hanggang ngayon, mayroon pa rin kaming mga kamag-anak na nakatira sa tinaguriang “Crown Jewel of Mindanao”.

***

Nang malaman namin na sila’y ligtas, ang kaba na aming naramdaman ay unti-unti na naging galit.

Nagdurugo ang aking puso dahil ang karumal-dumal na pangyayaring ito ay gawa ng mga Pilipino sa kapwa Pilipino.

At pinili pa nila ang lugar na dinadagdsa ng mga nagde-date, mga pamilyang namamasyal at kung saan nagtatagpo ang mga magkakaibigan.

Kabilang dito si Ruth Merecido, isang dalagang ina na nagta­trabaho bilang therapist. Nasawi rin si Pipalawan ­Macacua, isang senior education official of CHED sa ARMM na isang masugid na sumusuporta sa usapang pangkapayapaan sa Mindanao.

Ilan lang sila sa mga nasawi noong gabi ng Biyernes nang punitin ng isang malakas na pagsabog ang kasiyahang nangyayari sa lugar na iyon.

***

Sa aking privilege speech noong Lunes, binanggit ko na ngayon ang panahon upang tayo’y magpalakas ng puwersa sa pamamagitan ng suporta sa ating mga pulis at militar.

Subalit magagawa lang nila ito kung ibibigay natin ang ­lahat ng kanilang kailangan para imbestigahan, hulihin at ­papanagutin sa batas ang mga nasa likod ng pagsabog.

Ikalawa, kailangan na nating mas maging mapagbantay sa ating kapaligiran laban sa anumang banta sa ating buhay.

Subalit hindi lang tayo dapat maging alerto sa mga naiwanang­ bag o kahina-hinalang kilos ng sinuman.

Higit sa lahat, dapat tayong mas maging mapagbantay sa mga maling impormasyon na kumakalat sa Internet at sa ating lipunan.

Nakalulungkot dahil may ilang grupo na nagpapakalat ng maling balita na ginagamit ang insidenteng ito upang lalo pang paghati-hatiin ang mga Pilipino.

Dahil nakataya rito ang ating buhay at sistema ng pamumuhay, dapat nating timbangin ang mga impormasyon na ating natatanggap kung ito ba’y totoo o malaking kasinu­ngalingan.

Ikatlo at pinakamahalaga sa lahat, dapat tayong magkaisa.

Ang layunin ng terorismo ay maghasik ng lagim at lagyan ng malaking dibisyon ang ating bansa.

Kapag hinayaan natin na tayo’y magkahati-hati, mananalo ang terorismo sa ating bansa.

Ngayon, higit sa lahat, dapat tayong magsama-samang ­kumilos upang tiyakin na hindi na mauulit ang nasabing ­insidente.

Sa madaling salita, isantabi natin ang pulitika at ibigay ang lahat ng kanilang kailangan upang masugpo ang banta ng ­terorismo sa bansa.

Marami nang nalampasang pagsubok ang mga Pilipino — mula sa mga bagyo, lindol, baha at iba pang kalamidad. At ito’y dahil sa ating pagkakaisa.

Ito rin ang gamitin nating susi upang tayo’y makabuo nang mapayapa at ligtas na lipunan.

***

Mga Bida, makipagkuwentuhan kay Sen. Bam sa fb.com/BenignoBamAquino o sa e-mail bidakacolumn@gmail.com!

Scroll to top