bam aquino as education chair

BIDA KA!: Edukasyon at agham

Mga bida, sa pagsisimula ng 17th Congress, naipagkatiwala sa atin ang dalawang kumite sa Senado — ang Education at Science and Technology.

Mula sa pagbabantay ng kapa­kanan ng ating micro, small and medium enterprises at kabataan noong 16th Congress, mga isyu tungkol sa edukasyon, agham at teknolohiya ang ating bibigyang pansin sa susunod na tatlong taon.

Bago pa man pormal na naibigay sa atin ang Committee on Education, nakapaghain na tayo ng apat na panukalang batas na may kinalaman sa edukasyon.

Pangunahin dito ang Senate Bill No. 177 o ang Free Higher Education for All Act, na layong gawing libre ang pag-aaral sa state universities at colleges sa buong bansa.

***

Ang panukalang ito ay alinsunod sa itinatakda ng Saligang Batas na tungkulin ng pamahalaan na itaguyod ang karapatan ng mamamayan na mabigyan ng de-kalidad na edukasyon sa lahat ng antas.

Nakakaalarma ang nakuha nating datos mula sa Commission on Higher Education (CHED) na dalawa sa limang high school graduates, o 40 porsiyento, ang hindi nakakatungtong ng kolehiyo dahil sa mataas na tuition fee at iba pang gastusin.

Marami naman sa mga nakapagtapos ng high school ay kaila­ngang mamili kung magtatrabaho ba para makatulong sa pamilya o para makapag-aral ang ibang mga kapatid sa kolehiyo.

Nakakapanghinayang naman kung hindi makakatungtong sa kolehiyo ang isang estudyante dahil sa kahirapan.

Ito sana ang magbibigay ng pagkakataon sa kanila para maiahon sa kahirapan ang kanilang pamilya. Mas maganda ang tsansang umasenso at kumita ng malaki kapag mayroong natapos na kurso sa kolehiyo.

Kapag naisabatas na ang panukala, mas marami nang kabataang Pilipino, lalo na ang mahihirap, ang makakatuntong sa kolehiyo.

***

Inihain ko ang Free Education for Children of Public School Teachers Bill o ang Senate Bill No. 173. Layon nitong bigyan ng scholarship ang mga anak ng public school teachers sa lahat ng SUCs sa bansa.

Sa panukalang ito, bibigyan ng subsidy o tulong ang mga guro na sasagot sa 100 porsiyento ng tuition fee at iba pang bayarin sa miscellaneous kapag nag-enrol ang kanilang mga anak sa SUCs.

Kailangan lang makapasa sa mga kuwalipikasyon ng panukala ang mga anak ng public school teachers bago mabigyan ng libreng edukasyon sa SUCs.

Pakay ng panukalang ito na bawasan ang pasanin ng ating public school teachers, na malaki ang isinakripisyo, tulad ng malaking suweldo, para lang mabigyan ng edukasyon ang mahihirap nating mga kababayan.

***

May isinumite rin tayong Sente Bill No. 170 o ang Trabaho Center in Schools Bill, kung saan magtatayo ng Trabaho Center na tutulong sa Senior High School graduates na gusto nang magtrabaho para makahanap ng papasukan.

Sa ilalim nito, maglalagay ng Trabaho Centers sa mga paaralan upang tulungan ang Senior High School graduates sa ilalim ng K to 12 program na ayaw nang magtuloy ng kolehiyo at nais nang magtrabaho. Sa ibang bansa, ang Trabaho Centers ay tinatawag na Job Placement Office.

Tututok ang Trabaho Center sa tatlong pangunahing bagay — career counseling services, employment facilitation at industry matching – na mahahalagang elemento para makahanap ng trabaho.

Alalahanin natin na ang mga Senior High School ay mabibigyan na ng certification mula sa TESDA.

***

Inihain ko rin ang Senate Bill No. 172 o ang Abot Alam Bill na tutugon naman sa pangangailangan ng mga kabataang Pinoy na may edad pito hanggang 24 na hindi nag-aaral.
Ito’y lilikha ng isang programa na magbibigay ng edukasyon sa bawat Pilipino, lalo na ang out-of-school youth (OSY).

Sa tulong ng Abot Alam na ipinatupad ng nakaraang administrasyon, halos kalahati ang nabawas sa bilang ng mga kabataang hindi nag-aaral.

Kapag naisabatas natin ito, umaasa ako na mababawasan pa ang bilang ng OSY sa bansa.

***

Nagpalit man tayo ng kumite, hindi pa rin natin nakakalimutan ang iba pa nating adbokasiya, gaya ng pagsusulong ng kapakanan ng MSMEs at iba pang problema ng bansa.

Asahan niyo na hindi magbabago ang ating masigasig na pagtatrabaho para sa mga bidang Pilipino.

 

Article first published on Abante Online

 

Scroll to top