bam aquino column in abante

BIDA KA!: Kuwento ni Rustie

Mga bida, sa ilang taon kong pagsasagawa ng Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) Awards, isa sa mga kahanga-ha­ngang tao na nakilala ko ay si Rustie Quintana.

Napakaganda ng istorya ni Rustie. Katunayan, ang kuwento niya ay naitampok pa sa isang episode ng drama series sa telebisyon.

Si Rustie ay dating batang kalye, rugby boy at nagpagamit pa bilang “courier” ng mga nagbebenta ng droga sa kanilang lugar sa Cagayan de Oro.

Dahil sa kanyang kalokohan, ilang beses naglabas-masok si Rustie sa programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga juvenile delinquent.

Sandali ring nakulong si Rustie sa Lumbia City Jail at pinaamin sa kasalanang hindi niya ginawa para lang mailipat sa Regional Rehabilitation Center for Youth (RRCY) sa Gingoog City.

Sa nasabing center, dalawang taong nanatili si Rustie at sumailalim sa rehabilitasyon. Nang makalabas, inalis lahat ang anumang record niya.

Kung nahatulan sana si Rustie sa pagiging drug courier, ang parusa sanang ipinataw sa kanya ay labin­dalawa hanggang dalawampung taong pagkabilanggo at multang P12,000 hanggang P20,000.

Paglabas ni Rustie ng center, nagsimula ang tuluy-tuloy na pagbabago ng kanyang buhay. Nakatulong din sa pagbabago ni Rustie ang isang youth organization sa Cagayan de Oro na may pangalang ‘Dire Husi’.

Tinitipon ng ‘Dire Husi’ ang mga batang kalye at tinuturuan sila ng sining upang mailayo sila sa bisyo at kriminalidad patungo sa kanilang pagbabago.

Sa tulong nito, nabago ang takbo ng buhay ni Rustie. Nakatuntong pa nga siya sa Malacañang nang igawad ni Pangulong Noynoy Aquino ang parangal sa ‘Dire Husi’ bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) noong 2012.

Kamakailan lang, na­balitaan kong natapos na ni Rustie ang kursong Development Communications sa Xavier University-Ateneo de Cagayan.

Kung hindi nabigyan si Rustie ng pagkakataong makapagbagong buhay, siguradong dalawang lugar lang ang kanyang kina­hantungan – bilangguan o libingan.

***

Muling bumalik sa akin ang kuwento ni Rustie ngayong umiinit na naman ang isyu ng pag-amyenda sa Juvenile Justice and Welfare Act o Republic Act 9344 as amended.

Ngayon, may mga panukalang ibaba ang age of criminal liability mula 15-anyos patungong siyam na taong gulang.

Katwiran ng mga nagsusulong na ibaba ang age of criminal liability, nagagamit ang mga batang may edad 15 taong gulang pababa sa paggawa ng krimen at nakakalusot dahil hindi maaaring kasuhan. Hindi ko mailarawan sa aking isipan ang nasabing sitwasyon.

Hindi katanggap-tanggap na ang isang siyam na taong gulang na bata ay papatawan ng parusa na para sa isang matanda.

Baka sa halip na magbagong buhay ay posibleng humantong din sa pagiging kriminal ang mga batang ikukulong kasama ng iba pang masasamang loob.

Isa pa, sa kalunus-lunos na kondisyon ng ating mga bilangguan at detention centers, baka lalo lang mapariwara ang mga batang bilanggo sa halip na magbagong-buhay.

Lalala pa ang sitwasyon kapag nagtagumpay ang mga nagsusulong na ibaba ang age of criminal liability at death penalty.

Kapag nangyari ang dalawang senaryo, posibleng kabilang sa mga bibitayin ay batang siyam na taong gulang na gagawa ng karumal-dumal na krimen kapag sila’y nilitis bilang nasa wastong gulang at hindi menor-de-edad.

***

Naniniwala tayong napakaganda ng layunin ng Juvenile Justice and Welfare Act, basta’t naipa tutupad lang nang tama.

Sa halip na ikulong, ang mga batang 15 taong gulang pababa na may problema sa batas ay ilala gak sa kustodiya ng mga magulang o ipasok sa isang youth care facility o ‘Bahay Pag-asa’.

Sa ‘Bahay Pag-asa’, mabibigyan sila ng panibagong pagkakataon upang makapagbagong buhay nang walang takot at trauma na dulot ng pagkabilanggo.

Pinapatawan din ng mabigat na parusa ng Juvenile Justice and Welfare Act ang mga taong gumagamit ng mga bata sa paggawa ng krimen at ilegal na aktibidad.

Sa halip na pagtuunan ng pansin ang pagpapababa ng tinatawag na age of criminal liability, mas maiging bigyang pansin ang pagpapaganda ng pasilidad ng ating juvenile centers.

Kung mahuhubog sila at magagabayan sa tamang landas, muli silang makakabalik sa lipunan na may positibong pananaw sa buhay at malaki ang maitutulong upang maging produktibong mamamayan ng bansa.

Ganito ang eksaktong nangyari kay Rustie.

Tuwing naaalala ko ang kuwento ni Rustie, nananatiling buo ang aking pag-asa na kayang magbago ng mga kabataang naliligaw ng landas, basta’t panatilihin lang na bukas ang pinto ng pagkakataon para sa kanila.

Kung mayroon mang butas ang batas, puwedeng pag-usapan, pag-aralan at hanapan ng akmang solusyon.

Huwag tayong magpadalus-dalos sa pagkilos dahil baka sa halip na makabuti, lalala pa ang problema.

Article first published on Abante Online

BIDA KA!: May IP Peering na!

Mga bida, laman ng balita kamakailan ang inisyal na usapan sa pagitan ng susunod na peace process officials at mga lider ng National Democratic Front (NDF) sa Norway.

Sa ulat, nagmistulang reunion ng magkakabarkada ang pulong dahil matagal nang magkakilala ang mga miyembro ng dalawang kampo.

Sa nasabing miting, mabilis na nagkasundo ang dalawang panig na ipagpatuloy ang usapan para matuldukan na ang ilang dekadang tunggalian at ipursigi ang inaasam na kapayapaan.

Lingid naman sa kaalaman ng lahat, may nangyari ring pag-uusap sa pagitan ng PLDT at Globe, ang dalawa sa pinakama­laking telecommunication companies sa bansa.

Hindi tulad ng nangyaring pulong sa Norway, dumaan sa butas ng karayom at mabusisi ang naging usapan ng mga negosyador ng PLDT at Globe upang marating ang kasunduan para sa IP Peering.

Inabot ng halos isang taon ang negosasyon upang maabot ang matagal na nating isinusulong na IP Peering sa pagdinig ng aking kumite ukol sa mahal at mabagal na Internet sa bansa.

 ***

Sa mga nakalipas na hearing ng Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship, lumutang ang IP Peering bilang isa sa mga solusyon upang mapabilis ang koneksiyon ng Internet sa Pilipinas.

Dahil walang IP Peering, kapag nagbukas ng isang website sa Pilipinas, ang data ay nagtutungo pa sa ibang bansa bago bumalik dito. Resulta, mabagal magbukas ng isang website.

Sa tulong ng IP Peering, hindi na lalabas ng bansa ang data kaya mas mabilis nang magbukas ang website na nais na­ting puntahan.

Sa una, naging mainit na usapin ukol sa IP Peering. Matigas ang naging pagtutol ng mga telcos sa nasabing panukala sa maraming kadahilanan.

Pero nang tumagal, unti-unti rin silang lumambot at puma­yag nang silipin ang posibilidad na mangyari ang IP Peering.

 ***

Kamakailan, nangyari na nga ang matagal nang pinapa­ngarap ng maraming Pilipino nang pumirma sa isang memorandum of agreement ang PLDT at Globe para sa IP Peering.

Ayon sa telcos, ang benepisyo ng kasunduan ay mararamdaman ng halos lahat ng Internet users sa bansa, lalo na ng mobile subscribers na gumagamit ng data, kapag nakumpleto na ang IP peering sa loob ng 30 araw.

Maituturing ito na isang malaking panalo sa hangarin na­ting mapaganda ang estado ng Internet mula nang buksan natin ang imbestigasyon sa Senado ukol sa mahal at mabagal na serbisyo ng telcos.

Naging matagal man ang proseso, nagpapasalamat tayo na ito’y naging katuparan. Sabi nga nila, better late than never.

Article first published on Abante Online

BIDA KA!: Mabilis na proseso sa gobyerno

Mga bida, paalis na ako galing sa isang conference nang nabanggit sa akin ni National Competitive Council (NCC) co-chairman Bill Luz na sa Australia, mayroong nagaganap na “Repeal Day” kung saan pinawawalang-bisa ng Australian parliament ang mga batas na hindi na kailangan.

Dagdag pa ni Bill, na 10,000 batas ang pinawalang-bisa sa kanilang Repeal Day.

Binanggit din ni Bill, na kung pag-aaralan, marami sa mga batas at regulasyon natin sa kasalukuyan ang paulit-ulit, walang pakinabang, lumilikha lang ng kaguluhan at pinag-uugatan ng katiwalian.

Naganap ang pag-uusap namin ni Bill halos dalawang taon na ang nakalipas. Noon pa man, nangako kaming susuportahan ang pagsasagawa ng repeal day dito sa Pilipinas.

Kamakailan, inilunsad ng NCC at iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, sa pangunguna ng Department of Finance, ang Project Repeal.

Sa nasabing pagtitipon, nagsagawa kami ng ceremonial cutting ng red tape ribbon sa tapat ng santambak na kopya ng mga walang pakinabang na patakaran at kautusan na dapat nang ipawalang-bisa.

Sa huling tala ng NCC, nasa 3,518 department orders at iba pang patakaran ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ang dapat nang i-repeal dahil ito’y nakakagulo at nagpapahirap lang sa publiko.

***

Ngayong papasok na ang bagong pamahalaan, naniniwala ako na kailangan na ring baguhin ang sistema sa pamamagitan ng pag-repeal sa mga patakarang ito ng mga ahensiya at iba’t ibang tanggapan na pagpapahirap lang sa publiko.

Panahon na upang magkaroon ng isang sistema na magpapabilis sa takbo ng proseso ng pamahalaan para na rin sa kapakinabangan ng taumbayan.

Kung mananatili kasi ang mga patakarang ito sa mga tanggapan ng pamahalaan, masasayang lang ang mga batas na ginagawa ng Kongreso, lalo na sa aspeto ng pagnenegosyo sa bansa.

May mga naipasa na tayong batas na nagbibigay ng karampatang suporta sa mga negosyante at entrepreneurs, tulad ng financing, training at tulong upang sila’y makapasok sa merkado.

Subalit, hindi makapagsimula ang mga entrepreneurs dahil sa dami ng hinihinging requirements ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan.

Sa halip na suportahan ng pamahalaan ang small at medium enterprises, sila pa ang nagiging hadlang sa paglago ng mga ito.

Resulta, nawawalan ng gana ang mga entrepreneur na magnegosyo. Mananatili na lang na pangarap ang kanilang planong umasenso at mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya.

***

Sa pagdalo ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa nasabing pagtitipon, nanatiling buhay ang aming pag-asa ni Bill na maisulong ang repeal day.

Kasabay ng repeal day, plano kong ihain sa pagbubukas ng 17th Congress ang tinatawag na Philippine Efficiency Office Bill, na lilikha ng isang tanggapan na siyang bubusisi sa mga umiiral na batas.

Titingnan ng nasabing tanggapan kung nakatutulong ba o nakakabagal sa takbo ng pamahalaan ang mga lumang batas.

Maliban pa rito, trabaho rin ng Philippine Efficiency Office na gabayan ang mga mambabatas at pigilan sila sa paglalagay ng regulasyon at requirements na sa tingin nito ay makakabigat sa taumbayan.

Napakarami kasing bagong batas ang lumalabas sa Senado at Kamara na kung minsan ay kontra sa mga lumang batas na naipasa ilang taon na ang nakalipas.

Tungkulin ng nasabing tanggapan na silipin ang lahat ng mga patakaran sa iba’t ibang industriya at makipag-ugnayan sa Kongreso para makalikha ng mas magandang sitwasyon na hindi mahihirapan ang publiko.

Ang panukalang ito ay magandang suporta sa layunin ni incoming president Rodrigo Duterte na pabilisin ang mga proseso sa gobyerno.

 

BIDA KA!: Unang tatlong taon

Mga Bida, napakabilis talaga ng takbo ng panahon.

Parang kailan lang, kasisimula lang ng ating anim na taong termino bilang inyong mambabatas. Sariwa pa nga sa ating isip noong tayo’y iproklama bilang isa sa mga nagwaging senador noong 2013.

Pagsapit ng Hulyo a-uno, mangangangalahati na ang ating panununungkulan sa Senado.  Tama nga ang kasabihang lumilipad ang oras kapag nag-e-enjoy tayo sa ating trabaho, lalo na kung ito’y para sa bayan.

Nais nating ibalita sa inyo ang mga batas na ating iniakda, isinumite at naisabatas sa nakalipas na tatlong taon.

Labing-apat sa mga panukala na ating iniakda o inisponsoran ang naisabatas, kabilang dito ang Go Negosyo Act, Fair Competition Act, Foreign Ships Co-Loading Act, Lemon Law, Microfinance NGO Act, Youth Entrepreneurship Act, Credit Surety Act, SK Reform Act, An Act Authorizing Punong Barangay to Administer Oath of any Government Official;

Customs Modernization and Tariff Act, Election Service Reform Act, Children’s Emergency Relief and Protection Act, Tax Relief para sa PWDs at ang pagtatatag ng Department of Information and Communications Technology.

Walo sa mga ito ay dumaan sa ating kumite, ang Trade, Commerce and Entrepreneurship, habang ang iba naman ay dininig ng iba pang komite sa Senado.

May tatlo pang naghihintay ng pirma ni Pangulong Aquino.  Ito ay ang Anti-Discrimination Law, Closed Caption Broadcasting for Television at No Shortchanging Act, kaya may tsansa tayo’y magkaroon ng labimpitong batas sa pagpasok ng 17th Congress.

***

Una sa listahan natin ay ang ating kauna-unahan at paboritong panukalang Go Negosyo Act, na nagtatakdang magtayo ng mga Negosyo Centers na tutulong a ating mga negosyanteng mapalago ang kanilang mga kabuhayan at makadagdag ng trabaho para sa ating mga kababayan.

Sa kasalukuyan, nasa 170 na ang Negosyo Centers sa bansa at inaasahan pa ang pag-akyat ng bilang nito ngayong may inilaang P394 million sa 2016 budget para sa paglalagay ng dagdag na sangay ngayong taon.

Noong nakaraang taon din, naisabatas din natin ang Philippine Competition Act makalipas ang halos 30 taong paghihintay.

Ang nasabing batas ay maituturing na makasaysayan at game changer para sa ekonomiya ng bansa dahil mawawala na ang anumang kartel at pang-aabuso sa maliliit na negosyo tulad sa industriya ng sibuyas at bawang.

Dahil may kumpetisyon sa merkado, magreresulta ito sa abot-kaya at de-kalidad na produkto at serbisyo at magkakaroon ng maraming pagpipilian ang mga mamimili tulad sa industriya ng Internet connection, na sa ngayo’y napakabagal at napakamahal.

***

Sa unang pagkakataon din, nakapagpasa tayo ng batas na may anti-dynasty provision sa SK Reform Act o Republic Act No. 10742.

Sa SK Reform Act,  bawal nang tumakbo ang mga kamag-anak ng nahalal at nahirang na opisyal bilang miyembro ng SK, hanggang sa tinatawag na second level of consanguinity.

Itinaas din ang edad ng SK officials patungong 18 hanggang 24 taong gulang, upang maging ligal ang pagpasok nila sa mga kontrata at mapapanagot sa kanilang aksiyon.

Kailangan na ring sumailalim sa leadership training programs ang mga SK official upang magkaroon sila ng sapat na kaalaman sa pagtupad sa tungkulin.

Maliban dito, itinatakda ng SK Reform Act ang pagtatatag ng Local Youth Development Council (LYDC), na siyang tutulong sa mga pinuno ng SK sa pagbalangkas ng mga programa’t proyekto para sa mga kabataan at titiyak sa paglahok ng mas maraming grupo ng mga kabataan.

***

Noong Agosto 27, 2015 naman, naibatas ang Youth Entrepreneurship Act, na layong bawasan ang lumalaking bilang ng kabataang walang trabaho sa bansa.

Sa Youth Entrepreneurship Act, maglalagay ng mga module ng financial literacy at pagnenegosyo sa curriculum ng elementary, secondary at tertiary schools sa buong bansa.

Sa tulong ng batas, bibigyan din ang mga kabataang nais magsimula ng negosyo ng access financing, training, market linkages at iba pang tulong na kailangan sa pagpapatakbo ng negosyo.

Mga Bida, ito’y unang tatlong taon pa lang. Asahan niyo na lalo pa nating pag-iibayuhin ang pagtatrabaho sa susunod na tatlong taon para sa inyong kapakanan.

BIDA KA!: VP Leni Robredo

Mga Bida, naiproklama na noong Lunes ng Kongreso, bilang National Board of Canvassers (NBOC) ang susunod na presidente at bise presidente ng bansa.

Nais kong ipaabot ang mainit na pagbati sa bagong pangulo ng bansa na si Rodrigo Duterte at bise presidente na si Leni Robredo.

Ang tambalang ito ang magsisilbing gabay ng bansa sa tatahakin nitong landas sa susunod na anim na taon kaya kailangan nila ang ating buong suporta upang magtagumpay.

***

Bilang campaign manager ni VP Leni, masasabi nating napakatamis ng kanyang panalo sa katatapos na halalan.

Maliban sa ito’y isa sa pinakamahigpit na tunggalian sa kasaysayan pagdating sa posisyon ng bise presidente, hindi biro ang aming pinagdaanan ilang buwan bago nagsimula ang kampanya.

Sa mga nakalipas nating kolum, nabanggit natin ang mga hamon na aming kinaharap ni VP Leni sa simula ng labang ito.

Isa sa pinakamalaking hamon noon ay kung paano makikilala si VP Leni. Bago niya tinanggap ang hamon, nasa isang porsiyento lang ang ating rating, kulelat sa anim na kandidato sa pagka-bise presidente.

Bukod dito, problema rin namin noon kung saan kukuha ng pondong gagamitin sa pagpapakilala at pag-iikot sa buong bansa.

***

Subalit hindi namin inalintana ang mga pagsubok na ito. Sa halip, ginawa namin itong “people’s campaign” kung saan ang magdadala sa amin ay ang suporta ng taumbayan.

Naging susi sa aming kampanya ang pagbaba ni VP Leni sa iba’t ibang lugar sa bansa upang magpakilala at iparating sa mga nasa laylayan ng lipunan ang kanyang mensahe ng pag-asa.

Sa tulong nito, unti-unting nakilala ng publiko ang katauhan ni VP Leni, ang kanyang pinagmulan, mga nagawa at mga gagawin pa para sa kanilang kapakanan.

Sa walang pagod na pag-iikot ni VP Leni, nagsilbi siyang inspirasyon sa aming mga tagasuporta at volunteers na pag-igihin pa ang trabaho at tumulong sa pagpapakalat ng kanyang mis­yon na iangat ang mga nasa laylayan na mahalaga sa kanya at sa yumao niyang asawa na si Sec. Jesse Robredo.

Pinatakbo natin nang totoong “people’s campaign”, na kahit iba-iba ang pagkilos, ay tumahak pa rin tungo sa malinaw na layunin na mauuwi sa panalo. Ngayon, tapos na ang kampanya at naiproklama na si VP Leni ngunit hindi pa rito natatapos ang kanyang laban, pati na ng kanyang mga tagasuporta.

Dito pa lang magsisimula ang anim na taong laban ni VP Leni upang mapaganda ang kalagayan ng mahihirap, tulad ng kanyang ipinangako sa atin.

Tiwala tayo na ang nabuong pag-asa at tiwala sa kanyang kampanya ay maipagpapatuloy niya sa pagganap ng tungkulin bilang pangalawang pangulo ng bansa.

BIDA KA!: Boto Ko, Leni Robredo

Mga Bida, sa Lunes, dadagsa ang mahigit limampung milyong Pilipino sa mga presinto upang pumili ng mga susunod na pinuno ng bansa.

Mahalaga ang pagpapasyang ito dahil dito malalaman kung ano bang landas ang tatahakin ng bansa sa susunod na anim na taon.

Tayo ba’y babalik sa dating nakagawian o magpapatuloy ang mga nasimulang pagbabago at malinis na pamamahala?

 Ilang buwan bago ang halalan, nabigyan ang taumbayan ng sapat na kaalaman tungkol sa ating mga kandidato sa presidente at pagka-bise presidente.

 Tig-tatlong debate ang ginawa para sa mga kandidato sa pagka-pangulo at pagka- pangalawang pangulo.

 Sa tulong ng mga debateng ito, umaasa tayo na magkakaroon ng kaalaman ang ating mga botante na siyang magagamit nila sa pagpili ng tamang mga lider bukod sa mga patalastas at balita.

 

-000-

 Nitong mga huling araw, kabi-kabila ang mga batuhan ng putik ng ating mga kandidato, mula sa isyu ng kakayahan, kalusugan hanggang sa tagong yaman.

 Tinalo pa ng mga kontrobersiyang ito ang mga telenovela na napapanood natin sa TV. Mas madrama pa ang totoong buhay kaysa sa mga eksenang natutunghayan natin sa telebisyon.

 Ito’y natural nang kalakaran tuwing halalan. Para makakuha ng bentahe, babatuhin ng isang kandidato ang kalaban ng kung anu-anong isyu sa diyaryo, telebisyon, radio at maging sa Internet.

 Kaya nga paborito kong naririnig mula kay Liberal Party (LP) vice presidential candidate Leni Robredo ang linya na “sa huli, karakter pa rin ng kandidato ang titingnan ng tao at katotohanan pa rin ang mananaig”.
-ooo-

Kaya nga sa ating pagboto, huwag tayong basta maniwala lang sa balitang nababasa natin sa mga diyaryo, naririnig sa radyo at napapanood sa telebisyon. Maiging tingnan natin ang karakter ng isang kandidato.

 Tataya ba tayo sa isang kandidato na may record ng katiwalian o di kaya’y pagnanakaw o sa walang bahid ang record sa pagseserbisyo sa publiko?

 Pipiliin ba natin ang kandidatong maluho sa buhay o simple ang pamumuhay?

 Papanig ba tayo sa kandidato na gumagamit ng lakas at dahas sa pamamahala o doon tayo sa binibigyang boses ang lahat, hanggang sa nasa laylayan ng lipunan?

 Pabor ba tayo sa kandidato na gumagamit ng perang nagmula sa nakaw sa kampanya o doon tayo sa nakasandal sa lakas ng sambayanan para magwagi?

 Doon ba tayo sa kandidato na puro dada lang o iboboto natin ang taong subok na sa paglilingkod, kahit noong wala pa sa pamahalaan?

 Mga Bida, ako’y napagpasya na ng aking pipiliin sa balota. Isa lang ang nasa isip ko sa pagpili ng bise presidente, ang numero singko at ito’y si Robredo.

 

NEGOSYO, NOW NA!: Pambansang Sanglaan

Mga Kanegosyo, isa sa mga takbuhan ng mga kababayan tuwing nangangailangan ay ang sanglaan.

Dito, maaari tayong makautang kapalit ng ating alahas, gaya ng singsing, kuwintas, hikaw at relo, bilang sangla.

Isa sa mga kilalang sanglaan sa bansa ay ang Cebuana Lhuillier na mayroon nang 1,800 sangay sa buong Pilipinas.

Ang may-ari nito na si Philippe J. Lhuillier ay lumaki sa industriya ng sanglaan. Ang kanyang ama, si Henry Lhuillier, ay gumawa ng marka sa nasabing negosyo nang itatag niya ang Agencia Cebuana sa Cebu noong 1953.

Habang nag-aaral, maraming oras din ang ginugol ni Philippe sa sanglaan ng kanyang ama. Inaral niya ang lahat ng trabahong may kaugnayan dito, mula sa paglilinis ng alahas, vault custodian at counter supervisor.

Sa matagal niyang paglalagi sa sanlaan, natutunan niyang pahalagahan ang negosyo ng ama.

Nang magtapos sa kursong Management noong 1968, sumunod siya sa yapak ng ama at binuksan ang unang sangay ng Agencia Cebuana sa Libertad, Pasay.

Sa gitna ng kaguluhan sa bansa noong dekada sitenta at otsenta, nadagdagan pa ang kanyang mga sanglaan.

Noong 1987, naging pambansa na ang kanyang negosyo, na kanyang binigyan ng bagong pangalan – Cebuana Lhuillier.

Ito ay nagsisilbi sa halos 100,000 customer bawat araw sa lahat ng sangay nito.

***

Bitbit ang aral na natutunan sa ama, tinitiyak niya na ang serbisyo sa customer ay sinasamahan ng totoong pagkalinga sa nangangailangan.

Sinamahan niya ang sanglaan ng iba’t ibang serbisyo para sa mga nagsasangla, tulad ng Renew Anywhere, kung saan puwede nang mag-renew ng transaction saan mang sangay ng Cebuana Lhuillier.

Ngayon, kilala rin ito bilang one-stop shop na nagbibigay ng maraming serbisyo, gaya ng international at domestic remittance service, micro-insurance, rural bank, foreign exchange, bills payment at e-load service.

Maliban sa pawnshop, sinimulan na rin niya ang iba pang negosyo, gaya ng hotel, paggawa ng alahas, information technology, at kalusugan.

***

Malayo na talaga ang narating ng Cebuana Lhuillier.

Ngunit ayon kay Philippe, isa lang ang hindi nagbago sa kanyang negosyo – ang totoong kalinga sa mga customer na sinimulan ng kanyang ama ilang dekada na ang nakalipas.

Aniya, walang halaga ang pagiging matagumpay na negosyante kung babalewalain mo ang pagbibigay ng de-kalidad na serbisyo sa customer na nangangailangan ng agarang tulong.

Ang marka ng tunay na negosyo ay ang pagbibigay ng magandang serbisyo at ang papasok na kita ay siyang resulta nito.

NEGOSYO, NOW NA!: Techie Negosyo

Mga Kanegosyo, pa­milyar ba kayo sa salitang “technopreneur”?

Ito ay ang mga negos­yanteng nakasentro sa kasalukuyang teknolohiya, gaya ng computer, Internet at cellular phones.

Isa sa mga mga tanyag na “technopreneur” sa bansa ay si Nico Jose “Nix” Nolledo, president at chief executive officer ng Xurpas Inc., isang mobile content provider.

Marami ang nais sumunod sa yapak ni Nix bilang “technopreneur” nang maging bilyonaryo ito kasunod ng pagpasok ng Xurpas Inc. sa stock market.

***

Ngunit tulad ng iba pang mga kuwento ng tagum­pay, hindi naging madali para kay Nix ang tinatamasa niya sa kasalukuyan.

Nagtapos siya ng kursong Business Management noong 1998 na nataon namang nasa kasagsagan noon ng Asian financial crisis.

Nahirapan siyang makakuha ng trabaho dahil ayaw ng mga kumpanya noong kumuha ng bagong graduates.

Kaya naman nag ikut-ikot siya sa iba’t ibang kumpanya sa Makati at nag-apply ng trabaho.

Nang walang makitang trabaho doon, sa mga restaurant naman siya lumapit. Kinuha siya ng isang fastfood chain bilang assistant store manager sa sangay nito sa SM North.

Sa trabahong iyon, naranasan niyang utusan ng manager na maglinis ng kubeta ng fastfood chain. Sa isip niya, hindi ito ang trabahong iniisip niya nang nag-aral siya.

Gayunpaman, sinunod pa rin niya ang utos ngunit ito ang nagsilbi sa kanyang hamon upang magpursigi.

Noong 1999, itinayo niya ang Pinoyexchange na mula sa ideya ng kanyang kapatid na Internet-based message board.

Sa tulong ng puhunang P9,000 lang, paglipas ng anim na buwan, ito na ang pinakamalaking online community sa Pilipinas.

Nakita ng Ayala ang potensiyal ng sinimula niyang community kaya agad nila itong binili at kinuha pa siya bilang kabahagi nito.

Sa kanyang pakikipagpulong sa matataas na opisyal ng Ayala, nakakuha pa siya maraming ideya.

Isa rito ang katotohanan na mas maraming cellphone sa bansa kumpara sa mga personal computer.

Kaya naisip niyang ituon ang pansin sa cellular phones. Doon na niya itinatag ang Xurpas noong 2001 sa capital na P62,500 kasama ang dalawa pang kaibigan.

Makalipas ang 14 na taon, ang Xurpas ngayon ay mayroon nang market capital na $400 million at ang tanging consumer tech company na nakalista sa Philippine Stock Exchange.

Mula nang magpatala sa PSE, nakapag-invest na ang Xurpas sa mga kumpanya sa Estados Unidos, Indonesia, Singapore at dalawa pa sa Pilipinas.

Kabilang sa kanilang tinututukan ngayon ay ang paggawa ng digital products tulad ng mobile games.

***

Ayon kay Nix, isa sa mga susi sa tagumpay niya ang patuloy na paghahanap ng makabago at kakaibang produkto na makakaakit sa customer.

Sa tulong ng mga bagong produkto, mananati­ling angat ang kumpanya sa mga kakumpitensiya sa merkado.

Kung mananatili na lang sa lumang ideya, mapag-iiwanan ang negosyo sa mabilis na takbo ng teknolohiya sa merkado.

***

Mga Kanegosyo, nagpapasalamat tayo sa Go Negosyo sa pagbabahagi ng ilan sa mga kuwento natin para sa kolum na ito. Kung may tanong kayo sa pagnenegosyo, mag-e-mail kay Kanegosyong Bam sa negosyonowna@gmail.com o mag-iwan ng mensahe sa fb.com/BenignoBamAquino.

Pangarap nating makamit ninyo ang tagumpay sa pagnenegosyo!

NEGOSYO, NOW NA!: Big ‘Splash’ sa Merkado

Mga Kanegosyo, sino ba ang mag-aakala na ang isang kick-out sa paaralan ay makakapagbuo ng isang negosyo na ngayo’y nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso?

Muntik nang hindi matupad ni Roland Hortaleza ang pangarap na maging duktor nang paalisin siya ng isang paaralang nakabase sa Morayta dahil sa mababang grade sa kanyang pre-medical course.

Lumipat si Roland sa kalapit na paaralan at tinapos ang pre-medical course bago tuluyang nakuha ang diploma bilang duktor.

Pumasok siya sa larangan ng ophthalmology upang makatulong bigyan ang kanyang pasyente ng mas malinaw na paningin.

Pero para sa kanya, malabo ang kanyang hinaharap bilang duktor.

***

Kung pamilyar kayo sa apelyidong Hortaleza, dahil noong dekada otsenta ay pumatok ang kanilang negosyong, “The Original Hortaleza Vaciador and Beauty Supplies”.

Sa kanilang pitong sangay, makakabili ng gamit pampaganda, lalo na ang pang-manicure gaya ng acetone at nail polish.

Dahil madalas siyang nagpupunta sa tindahan noon para maghatid ng pagkain sa kanyang mga magulang, nagkaroon siya ng interes na gumawa ng sariling acetone.

Gamit ang puhunang P12,000 at sa tulong ng kanyang asawa, nagtitimpla at nagre-repack sila ng acetone sa mga bote at ibinebenta sa mga tindahan ng Hortaleza.

Nang mauso ang spray net, isa sa mga naunang nagbenta ng lokal na bersiyon nito ang Hortaleza.

Subalit napansin ni Roland na nasa bote lang ang ibinebentang spray net kaya nagpasya siyang ilagay ito sa magandang lalagyan o iyong deo-hair spray at ibenta ito sa mas murang halaga.

Pumatok sa merkado ang ibinentang hair spray ng Hortaleza. Dahil tumaas ang demand, nagpasya si Roland na palitan ang pangalan nito. Doon na isinilang ang “Splash”.

Maliban sa hair spray, pinasok din ng Splash ang merkado ng skin cleanser, na dominado noon ng isang produkto na may mukha ng sikat na aktres.

Upang makaagaw atensiyon, gumawa ang Splash ng produkto na may avocado at pipino, na agad namang pumatok sa mga mamimili.

Sa patuloy na paglaki ng kumpanya, dumating ang panahon na kailangan nang pagandahin niya ang sistema.

Hinawakan ng kanyang asawa ang pinansiyal na aspeto ng negosyo habang si siya naman ay nag-aral ng Management Program sa Estados Unidos upang epektibong mapatakbo ang kumpanya.

***

Ngayon, ang Splash Corporation na ang pinakamalaking negosyong Pilipino sa bansa pagdating sa personal care products.

Ayon sa kanila, kung minsan, ang tagumpay sa negosyo ay hindi nakikita sa mga bagay na ating gusto. Wala sa hinagap na papasukin nila ang ganitong larangan.

Ngunit napukaw ang kanilang interes nang makakita siya ng pagkakataong puwedeng pagkakitaan, tulad ng acetone, spray net at facial cleanser.

Maliban dito, mahalaga rin daw na may matinding determinasyon upang magtagumpay sa negosyo na pinasok.

Sa tulong ng determinasyon, malalampasan ng sinumang negosyante ang mga kabiguan na kanyang sasapitin sa biyahe tungo sa tagumpay.

Kaya naman, malaking “Splash” ang nilikhang negosyo ng mag-asawang Hortaleza sa merkado.

NEGOSYO, NOW NA!: Bagong Tulong sa Negosyante

Mga Kanegosyo, umiinit ang pulitika sa bansa ngayong nagsimula na ang kampanya para sa mga national positions, kabilang ang pagka-pangulo, pangalawang pangulo at mga senador.

Kasabay nito, natuon na rin ang halos buong atensiyon ng taumbayan sa mga kandidato at sa mga isyu at kontrobersiya na kanilang nililikha, na minsa’y wala namang naidudulot na maganda sa bansa.

Kaya naman halos walang nakapansin nang naisabatas ang isa sa mga panukala na isinusulong ng inyong lingkod para sa maliliit na negosyante sa bansa.

Ito ay ang Credit Surety Fund (CSF) Cooperative Act, na ngayo’y kilala na bilang Republic Act 10744.

***

Mga Kanegosyo, ilang ulit na nating nabanggit sa kolum na ito isa sa malaking hadlang na kinakaharap ng mga nais magnegosyo ay ang kawalan ng pagkukunan ng pautang para gamiting puhunan.

Sa kasalukuyan, may microfinance institutions (MFIs) na nagpapautang mula P5,000 hanggang P150,000 para sa maliliit na negosyo gaya ng sari-sari store.

Para naman sa mga medium at large na negosyo, naririyan ang malalaking bangko na nagpapautang ng higit sa limang milyong piso.

Subalit, iilan lang ang nagpapautang sa gitna ng mga ito, ang mga small entrepreneurs na nangangailangan ng puhunang naglalaro mula P200,000 hanggang P5 milyon para makapagsimula ng sariling negosyo.

May iilang financing institutions na nagbibigay ng pautang para sa mga negosyanteng ito, ngunit ito’y nangangailangan ng kolateral, na kadalasan ay titulo ng lupa.

Subalit kakaunti lang ang kumukuha ng nasabing loan sa bangko dahil karamihan sa ating mga negosyante sa estadong ito ay wala pang kolateral na ibibigay bilang garantiya.

Ito ang tinatawag “missing middle”, na layong tugunan ng Republic Act 10744.

***

Itinatakda ng batas na magtulungan ang lokal na pamahalaan, Bangko Sentral ng Pilipinas, Cooperative Development Authority, mga kooperatiba at mga government financing institutions (GFIs).

Magsama-sama sila para bumuo ng paunang pondo kung saan maaari itong gamitin na miyembro ng kooperatibang kasamang bumuo ng paunang pondo bilang alternatibong garantiya para sa uutanging puhunan sa bangko.

Sa tulong nito, puwede nang mangutang ang ating mga negosyanteng nangailangan ng kolateral.

Kailangan lang na ang negosyante na nais gumamit nito ay kabilang sa kooperatibang bumuo ng paunang pondo.

Inaalay ko ito sa aking namayapang tiyuhin na si dating senador at congressman Agapito “Butz” Aquino, na siyang ama ng kooperatiba sa Pilipinas.

Mga Kanegosyo, ito na po ang ikawalong batas ng inyong lingkod sa ating unang tatlong taon sa Senado. 

Ang Credit Surety Fund Cooperative Act ay bahagi ng ating pangakong tutulungan ang ating maliliit na negosyante para mapalago nila ang kanilang kabuhayan at makapagbigay na dagdag na trabaho sa ating mga kababayan.

Scroll to top