NEGOSYO, NOW NA!: Tulong ng DOST
Mga Kanegosyo, gaya ng ating naipangako noong nakaraang Lunes, itutuloy natin ang kuwento ni Tricia Castrodes, may-ari ng sikat na Cookie Sticks.
Bilang isang negosyante na nanggaling sa pagbebenta ng cupcake at cake, isa sa mga malaking hamon na kanyang ikinaharap ay ang pag-iimbentaryo sa kanilang produkto.
Malaking hamon ang inventory, lalo na sa mga nagsisimulang negosyante gaya ng Cookie Sticks.
Mula sa packaging at labels, kailangang laging may nakahanda dahil ito’y mahalagang bahagi ng ibebentang produkto.
Kinailangan din niyang magtungo sa ibang bansa, gaya ng Hong Kong, para makahanap ng tamang uri at design ng packaging.
Maliban pa rito, kailangan pang hintayin ang dagsa ng pagbili ng tao upang makinabang sa discount kapag maraming binibili o ino-order na packaging.
***
Isa pang naging strategy niya ay pagbebenta ng apat na uri ng size ng Cookie Sticks — large, medium, small at stookies.
Bite-sized lang ang stookies kaya madali itong kainin at ipamigay. Kumbaga, maaari itong patikim.
Madalas, ang stookies muna ang binibili ng customer. Kung minsan, lahat ng flavor ay binibili nila at kung ano ang pinaka-paborito nila, saka lang sila bibili ng mas malaking size.
Ang paggawa rin ng iba’t ibang size ay bahagi rin ng pag-maximize ng production.
Tuwing packaging kasi, mayroong nababaling cookies at ito ang nilalagay nila sa stookies. Walang nasasayang sa kanilang produkto.
***
Malaki ang pasalamat niya sa ayuda ng ibinigay ng DOST, na isa sa mga nakatulong upang mapalago nila ang negosyo. Ito’y sa pamamagitan ng Small Enterprise Technology Upgrading Program (SETUP).
Isa sa mahalagang suporta na ibinigay ng DOST ay ang pagpapautang ng pera na maaaring ipambili ng modernong gamit sa paggawa ng tinapay at iba pang katulad na produkto.
Kabilang dito ang intelligent ovens na mayroong timer at thermostat. Dati, ang gamit niya ay oven na fabricated lang at walang timer at thermostat. Dito, ala-tsamba lang ang pagluluto kaya sayang ang mga sangkap na ginamit
Sa tulong ng intelligent ovens, mas naging madali ang paggawa ng tinapay.
Kasabay nito, tinutulungan din siya ng DOST sa libreng training ng staff upang ang level ng produksiyon ay maaari ipantapat sa ibang mga gumagawa ng tinapay sa ibang bansa.
Natisod lang niya ang nasabing programa ng DOST sa panonood ng telebisyon. Pagkatapos, nag-inquire na siya at doon na nagsimula ang pagtulong ng DOST.
***
Ang payo niya sa mga nais magnegosyo ay tukuyin ang maraming programa ng pamahalaan para sa maliliit negosyo. Kailangan lang lapitan sila at magtanong kung paano makakakuha ng serbisyong ito.
Kailangan lang maayos ang mga papeles, gaya ng financial statement ng negosyo para mapakinabangan ang mga nasabing programa ng pamahalaan.
Napadali ang pagsali at pagkuha ng tulong ng Cookie Sticks dahil kumpleto ang kanilang papeles. Madalas, matagal na ang anim na buwan para makuha ang pautang at mga kailangang gamit.
Kaya natin itinayo ang Negosyo Center para doon na magtanong ang ating mga nagsisimulang negosyante. Sa ngayon, mayroon na tayong 116 na Negosyo Center sa buong bansa.
Kaya mga Kanegosyo, huwag nang mag-atubiling lumapit at humingi ng tulong sa mga ahensiya ng pamahalaan, na tatanggapin kayo na bukas ang dalawang kamay!
Recent Comments