bam aquino column in abante

Bida Ka!: Kagila-Gilalas Pilipinas!

Mga Bida, sa gitna ng kabi-kabilang balita ukol sa pulitika, sariwang hangin ang hatid sa atin ng ating Gilas Pilipinas team na kumakampanya sa FIBA Asia Championships sa China.

Nakataya sa nasabing torneo ang dalawang puwesto para sa 2016 Olympics sa Rio de Janeiro. Kaila­ngan nating pumangalawa sa event para maka-qualify sa Olympics sa unang pagkakataon mula 1972.

Kaya naman pagkatapos ng nakakadismayang 7th place finish ng Gilas sa 2014 Asian Games, maraming pagbabagong ginawa ang mga pinuno ng basketball sa ating bansa para makabuo ng isang mas matibay na team.

Pinalitan ng koponan si coach Rajko Toroman at kinuha ang isa pang beterano sa Asian basketball na si Tab Baldwin.

Isa sa mga naging hamon na hinarap ni Baldwin ay ang pagkuha ng mga de-kalidad na players na ipantatapat sa Asian powerhouse gaya ng Iran, South Korea at China.

Nagkaroon kasi ng problema dahil hindi nakasali sa koponan ang higanteng si June Mar Fajardo at playmaker na si LA Tenorio, na susi sa magandang kampanya ng Gilas sa mga nakaraang torneo.

***

Nang ilabas ang final line-up na kinabibilangan nina Calvin Abueva, Ranidel de Ocampo, Matthew Ganuelas, Dondon Hontiveros, JC Intal, Gabe Norwood, Marc Pingris, Terrence Romeo, Asi Taulava, Sonny Thoss, Jayson Castro at naturalized player Andray Blatche, marami ang nagduda sa kakayanan ng koponan.

Sabi ng iba, kulang sa karanasan ang mga bagong manlalaro. Masyado pang bata sina Abueva, Ganuelas at Romeo.

Nag-aalala rin ang iba kung paano makakasabay ang “manong brigade” na sina Taulava at Hontiveros, na 42 at 38-anyos na.

 ***

Kaya nang mabigo ang koponan sa Palestine sa unang sabak nito sa FIBA Asia Championship, maraming Pilipino ang nagduda. ‘Ika ng iba, “Sabi na nga ba at talunan ang ipinadala!”

Pero nakabangon sila kaagad nang tambakan ang Hong Kong sa score na 101-50. Pagkatapos, isinunod nila ang Kuwait, 110-64, para makakuha ng puwesto sa second round.

Sa kabila ng dalawang malaking panalo, hindi pa rin nawala ang pagdududa sa kakayahan ng Gilas, lalo pa’t makakaharap nila ang powerhouse team na Iran sa second round.

Marami ang nagsasabi na David and Goliath ang laban sa Iran, na gold medalist sa 2013 edition ng FIBA Asia Championships.  Mga Bida, ang Iran ang hindi natin matalu-talo sa mga nakaraang torneo.

Liyamado ang Iran lalo pa’t nasa panig nila ang 7-3 center at NBA player na si Hamed Haddadi. Sa bahagi natin, si Blatche lang ang tanging makakasabay kay Haddadi sa tangkad nitong 6-11.

Ngunit pinatunayan ng Gilas na walang malaking nakakapuwing.

Sa tulong ng sipag at pagiging agresibo nina Abueva at Pingris at sa scoring ni Castro, giniba nila ang itinuturing na pader ng basketball sa Asya, 87-73.

Tapos, tinambakan nila ang India sa score na 99-65! Nga­yong araw na ito, nakatakdang harapin ng Gilas ang Lebanon sa quarterfinals.

Sa mga panalong ito, ipinakita nila na sa tulong ng mala­king puso, sipag, tiyaga at determinasyon, kayang gawin ang anumang bagay, gaano man ito kahirap at kaimposible.

Sa harap ng pagdududa, hindi pa rin sila nawalan ng sigla. Lumakas pa ang determinasyon para patunayan na karapat-dapat silang magdala ng bandila ng Pilipinas sa FIBA Asia Championships.

Kaya mga Bida, magsilbi sanang aral sa atin ang Gilas. Sa gitna ng anumang pagsubok, pagdududa at batikos, panatilihin natin ang ating pokus at determinasyon para maabot ang ating pinapangarap.

 

First Published on Abante Online

 

NEGOSYO, NOW NA!: Tanong sa Pagnenegosyo

Mga Kanegosyo, natutuwa tayo sa pagdagsa ng mga katanungan sa ating e-mail at Facebook na nagpapahayag ng interes na magtayo ng sariling negosyo.

Patunay ito na nagbubunga ang ang ating pagsisikap na maipaabot sa ating mga kababayan, kahit nasa labas pa ng bansa, ang kahalagahan ng pagnenegosyo tungo sa tagumpay.

Kaya naman binibigyan natin ng panahon at pinagsisikapang sagutin ang mga katanungang ito sa abot ng ating makakaya.   Naririto ang ilan sa mga tanong na ating nakuha:

*** 

Kanegosyong Bam,

Nabasa ko po ang isang column ninyo regarding sa pagnenegosyo.  Halos walong taon na po ako rito sa Gitnang Silangan.  Nais ko po sanang mapalago o makapagsimula ng bagong negosyo.

Ako po ay taga-Plaridel, Bulacan at nais kong pasukin ang negosyong wholesale/retail ng palay at bigas. May maliit din kaming tindahan na nais kong palakihin. Nais ko po sanang makahiram ng puhunan para sa naiisip kung negosyo.

Maraming salamat po, Melvin.

 *** 

Kanegosyong Melvin,

Maraming salamat sa inyong sulat! Una, alamin muna natin kung gaano karaming palay ang naaani ninyo kada tanim, kung gaano kalaki ang inyong palayan at kung mayroon kayong binibentahang palay o bigas sa ngayon.

Tapos, maaari na kayong pumunta sa lokal na opisina ng Department of Agriculture sa Plaridel, para mapag-aralan nila kung handa ang inyong palayan na magbenta nang wholesale.  Sa paraang ito, masusukat ninyo ang kakayahang magbenta nang maramihan.

Tungkol naman sa inyong maliit na tindahan, marami po ba kayong produktong binebenta o iilan lang ang inyong tinitinda?  Saan ang lugar ng inyong tindahan? 

Para mas matulungan kayo, maaari kayong pumunta sa Bulacan Negosyo Center sa ground floor ng Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Malolos, Bulacan, na tamang tama ay dinaluhan natin ang pagbubukas kamakailan.

Bisitahin ninyo ang Negosyo Center doon upang mabigyan kayo nang tamang payo at makahanap ng microfinance institution na puwede ninyong mautangan.

Kanegosyong Bam

***

Kanegosyong Bam,

Isa po akong OFW na nagtatrabaho sa Qatar ngunit sa Binondo, Manila nakatira ang pamilya. Nais ko po sanang humingi ng ideya kung ano ang puwede kong pasuking negosyo. Mayroon po ba kayong mga babasahin para po kapulutan ng ideya kung ano ang dapat isa isip pagmagsisimula ng maliit na negosyo?

Nagpapasalamat, Rod

***

Kanegosyong Rod,

Maraming salamat sa inyong e-mail. Malapit nang magbukas ang Negosyo Center sa Maynila at maaari kayong pumunta roon o sinuman sa inyong mga kamag-anak upang may makausap na business counselor na siyang magbibigay ng tama at akmang payo para sa naiisip na negosyo.

 Sa ating batas na Go Negosyo Act, minamandato natin ang pagtatayo ng Negosyo Center para matulungan ang mga gaya ninyo na gustong magtayo ng sariling negosyo nang makauwi na galing sa ibang bansa at makasama ang pamilya. Para rin ito sa mga may kabuhayang nais pang palakihin ang kanilang negosyo.

 Puntahan din ang mga website ng DTI (www.dti.gov.ph), Go Negosyo Movement (www.gonegosyo.net), ng kolum na ito (www.abante.com.ph) o ng inyong abang lingkod (www.bamaquino.com) para sa mga tips ng pagnenegosyo at kuwento ng tagumpay ng ibang mga negosyanteng Pilipino.

Maraming salamat at nais namin na ang inyong matagumpay na karanasan sa pagnenegosyo ang siyang itatampok namin sa susunod!

Kanegosyong Bam

Pangarap nating makamit ninyo ang tagumpay sa pagnenegosyo!

Bida Ka!: Pantay-pantay ang lahat sa halalan

Mga Bida, habang papalapit na ang deadline sa paghahain ng certificate of candidacy sa October 16, unti-unti nang nagkakaroon ng linaw kung sinu-sino ang maglalaban para sa pagka-pangulo sa 2016.

Noong nakaraang linggo, may nagdeklara na ng kandidatura bilang pangulo kaya ngayon ay three-way na ang bakbakan para sa Malacañang.

Nabuo na rin ang kauna-una­hang tambalan bilang presidente at bise presidente sa darating na eleksyon sa Mayo.

Sa mga susunod na araw, mala­laman na ng buong bansa ang magiging desisyon ng iba pang posibleng kandidato kung sila’y tatakbo o hindi.

Kaya naman habang tumitindi ang election fever, gawin nating mga botante ang ating bahagi. Pag-usapan natin ang patikim na plataporma ng ilang mga manok sa pagka-presidente, lalo na sa social media.

Himayin natin ang plataporma ng bawat kandidato upang malaman kung ito ba’y may katotohanan at kanilang matutupad, o kung ito’y pambobola lang para makuha ang ating mga boto.

***

Ngunit bago natin magampanan ang papel ng isang botante, mahalaga na tayo’y makapagparehistro at ma-update ang ating biometrics para sa 2016 elections.

Sa paalala ng Commission on Elections (Comelec), dapat may validation o biometric data (digital photo, signature at fingerprints) ang mga botante bago payagang makaboto sa 2016 elections.

Sa huling tala ng Comelec, nasa 3.1 milyong botante pa ang walang biometrics at maaaring ma-disenfranchise para sa darating na halalan.

Halos isa’t kahating buwan pa ang natitira bago ang October 31 deadline na itinakda ng Comelec para sa validation.

Sapat na itong panahon para makapunta ang mga botante na wala pang biometrics sa pinakamalapit na tanggapan ng Comelec at magpa-validate.

Sa kabila ng mahabang panahong ito, asahan na ang pagdagsa ng mga kababayan natin sa huling araw ng pagpapatala.

Hindi na ito bago dahil ilang beses na nating nasaksihan ang siksikan, balyahan at kaguluhan kapag sumasapit ang huling araw o deadline ng registration ng Comelec.

Ang masakit nito, kapag nabigong makapagparehistro ang mga botante sa huling araw ay sisisihin ang gobyerno o ‘di kaya ang Comelec dahil hindi sila nabigyan ng sapat na panahon.

Hindi ba nakakaloka ang ganitong katwiran, mga Bida?

Kaya hanggang maaari, agahan na natin ang pagpunta sa tanggapan ng Comelec upang magpa-validate para tayo’y makaboto sa darating na halalan.

Huwag nang hintayin pa ang deadline. Huwag nang maki­pagsapalaran sa siksikan at balyahan. Kung may pagkakataon na, magtungo na sa Comelec at magpakuha na ng biometrics.

***

Naalala ko tuloy ang sinabi ng isang malapit na kaibigan. Sabi niya, tuwing panahon ng halalan, patas-patas ang lahat ng Pilipino.

Maging haciendero man o magsasaka, may-ari ng kumpanya o ‘di kaya’y karaniwang empleyado, pare-pareho lang tayong may iisa ang boto.

Kaya huwag nating sayangin ang pagkakataong bumoto. Ito ang isang pagkakataon na ibinibigay ng Saligang Batas sa atin para magdesisyon ukol sa kinabukasan natin at ng ating pamilya.

 

NEGOSYO, NOW NA!: Pambansang Polvoron

Mga Kanegosyo, isa sa paulit-ulit na binabanggit natin ang kahalagahan ng innovation o pagkakaroon ng bagong ideya upang makahatak ng mas maraming mamimili at magtagumpay.

Kapag bago sa paningin o hindi pangkaraniwan ang isang produkto o serbisyo, gaano man kasimpleng o kaliit ang isang negosyo, agad itong papatok sa merkado at hahabulin ng mga mamimili.

Ganito ang nangyari kina Joel Yala, founder at may-ari ng Chocovron Global Corporation, ang unang gumawa ng Chocovron o kombinasyon ng tsokolate at polvoron.

Bago naging isa sa pinakamatagumpay na food processing company sa bansa, nagtrabaho siya bilang isang construction worker, tricycle driver at ordinaryong empleyado habang namamasukan ang kanyang misis na si Marissa bilang isang mananahi.

***

Sa aming kuwentuhan sa programang “Status Update” kamakailan, nabanggit ni Joel na ang nanay niya ay isang tindera ng donut noong sila’y bata pa. Binibigyan daw sila ng kanilang ina ng sampung porsiyento sa bawat maibebentang donut kaya na-engganyo siyang maglako nito sa kanilang lugar.

Noong siya’y nagtatrabaho, wala pa siyang ideya kung anong negosyo ang gusto niyang simulan ngunit determinado siyang magkaroon ng sariling ikabubuhay at iwan ang buhay-empleyado.

Isang araw nooong 2003, nakakuha ang mag-asawa ng ideya sa bagong negosyo habang namimili nang mapansin niya ang iba’t ibang produkto na nababalot ng tsokolate mula sa candy, biscuit at marshmallow.

Pag-uwi, nag-isip sila kung ano pang produkto ang puwedeng balutan ng tsokolate na papatok sa panlasang Pinoy. Doon nila naisipang balutan ng tsokolate ang polvoron. Isinilang na nga ang kauna-unahang chocolate-covered polvoron sa Pilipinas, na tinatawag nilang “Pambansang Polvoron”.

Sinimulan niyang ibinenta ang produkto sa kanyang mga katrabaho sa isang kumpanyang mayroong 6,000 empleyado.

Sa una, nagpa-free taste muna siya sa mga kaopisina. Nang magustuhan nila ito, naging bukambibig na sa buong kumpanya ang bagong produkto.

***

Sa puhunang P8,000 lamang, unti-unting napalaki nila ang kanilang negosyo.  Nagbunga naman ang paghihirap ng mag-asawa dahil sa ngayon, marami nang produktong ibinebenta ang Chocovron.  

Nanganak na ito na sa Nutrivon, na siyang polvoron para sa mga health conscious at ayaw masyado ng matamis na polvoron.  Sa Manila Polvoron naman, ang packaging naman ay tinatampok ang iba’t ibang tanawin sa Pilipinas, bilang tulong nila sa turismo ng bansa.  At ang Polvoron Stick ay nakalagay ang polvoron sa barquillos bago balutan ng tsokolate.

Sa Chocovron, mayroon na silang cookies and cream, pinipig, graham, ube, buko pandan, melon, strawberry at durian flavor. Sa coating naman, mayroon silang white chocolate, chocolate at two-in-one.

Sa ngayon, nakarating na ang mga produkto nila sa Estados Unidos, Netherlands, Qatar, Canada at Australia.

***

Mga Kanegosyo, ang payo ng mag-asawang Yala, lapitan ang Department of Trade and Industry (DTI) sapagkat napakalaki raw ng tulong ng DTI sa kanilang negosyo.  Ang DTI ang siyang tumulong na ipakilala ang produkto hindi lang sa Pilipinas, kundi sa iba’t ibang bansa.

Madalas daw silang inimbitahan sa mga exhibit sa iba’t ibang bahagi ng bansa at mundo para ikuwento ang pagtatagumpay ng pagsasama ng tsokolate at polvoron.

***

Mga Kanegosyo, isang magandang halimbawa ang Chocovron sa pagkakaroon ng bagong ideya mula sa kung anong mayroon sa merkado ngayon.  Sabayan pa ng determinasyon at disiplina na magkaroon ng mataas na kalidad ng produkto at packaging, tunay na siyang lalago ang negosyo.
Ang isa pang natutunan natin dito, hindi masama ang humingi ng tulong.  Bagkus, marami ang handang tumulong sa atin para maabot ang ating mga pangarap na pangkabuhayan.  Sa kaso nila, kung naging mayabang sila o nahiyang lapitan ang DTI, hindi mabubuksan ang mga pagkakataong ibenta ang produkto nila sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kaya huwag tayong tumigil sa pag-iisip ng mga bago at kakaibang produkto na siyang magiging susi ng inyong tagumpay! Patuloy lang din ang paghingi ng tulong, pagtatanong at pag-aaral upang lalong makuha ang tamang hakbang para lumago at lumaki ang negosyo.

Bida Ka!: Solusyon sa trapiko

Mga Bida, noong Lunes, humarap na sa pagdinig ng Senado ukol sa matinding problema ng trapiko sa Metro Manila ang matataas na opisyal ng pamahalaan na nagtutulung-tulong para resolbahin ito.

Kabilang sa mga dumalo sa pagdinig sina Secretary to the Cabinet Rene Almendras, Transportation Secretary Jun Abaya at Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Francis Tolentino.

Sa kanilang pagdalo, naging masigla ang diskusyon sa ikalawang pagdinig at naging detalyado ang iprinisintang short-term at long-term na programa at proyekto para maresolba ang trapiko sa Kamaynilaan.

***

Sa mga unang araw, tinutukan ng task force ang pagbalik ng disiplina at sa mga lansangan, gaya ng paggamit ng yellow lane, pagsakay at pagbaba ng mga pasahero sa tamang lugar at pag-alis ng illegal vendor sa mga sidewalk at iba pang sagabal sa trapiko.

Ang mga hakbang na ito ay planong suportahan ng task force ng iba’t ibang pangmaikliang programa upang mabigyan ng agarang solusyon ang sitwasyon ng trapiko sa kahabaan ng EDSA.

Una sa mga programang pinag-aaralan ng task force ay ang staggered work hours upang hindi magsabay-sabay ang pag-uwi ng mga empleyado at paglalagay ng espesyal na linya sa EDSA para sa mga sasakyang may lulang tatlong katao pataas.

Plano rin ng task force na maglagay ng Mabuhay lanes na gagamitin sa biyahe ng 20 pinuno ng iba’t ibang bansa sa APEC Summit. Ito rin ay magsisilbing alternatibong ruta sa pamamasyal ng ating mga kababayan sa Kapaskuhan.

Sa mga susunod na linggo, isa-isang ipatutupad ng task force ang mga programang ito upang malaman kung ito’y epektibo o hindi.

***

Noong Martes naman, mga Bida, muling ipinatupad ng MMDA ang truck ban sa Kamaynilaan, kung saan bawal bumiyahe ang mga truck mula alas-sais hanggang alas-10:00 ng umaga at alas-singko hanggang alas-10:00 ng gabi, maliban sa ruta palabas sa hilagang bahagi ng bansa.

Paliwanag ni Chairman  Tolentino ay muli nilang ipinatupad ang regulasyon na nabuo noon pang 1978 dahil naresolba na ang problema sa port congestion.

Ang pagpapatupad sa truck ban ay bahagi rin ng paghahanda para sa seguridad ng mga delegado sa APEC Summit at mapaluwag ang EDSA na nadagdagan ng sasakyan dahil sa ginagawang Skyway 3 na bumabagtas sa ilang malalaking kalye sa Kamaynilaan.

***

Batay sa pag-aaral, ang pagdami ng tao at mga sasakyan sa Kamaynilaan ay larawan ng isang maunlad na ekonomiya. Ngunit kasabay ng paglagong ito, hindi dapat hayaan na mauwi ito sa trapiko at pagsisikip ng Metro Manila.

Kaya tinututukan na rin ng task force ang mas madaling pagbiyahe ng mga commuter sa pamamagitan ng pagpapabilis sa high-occupancy vehicles gaya ng bus at tren.

Kung ating titingnan, ang isang bus na dalawang kotse ang haba ay kayang magsakay hanggang animnapung katao. Wala pang sampu ang kayang isakay ng dalawang kotse na may katumbas na espasyo gaya ng isang bus.

Mababawasan ang mga kotse sa kalsada kung mayroon tayong maayos at mabilis na mass transport system. Kung mapapaganda ang serbisyo ng MRT sa susunod na mga buwan, mas marami ang mahihikayat na sumakay rito.

Sa gitna ng mga plano’t programang ito, kailangan ding gawin ng mga motorista at pasahero ang kanilang bahagi, gaya ng disiplina sa pagmamaneho at mahabang pasensiya ng lahat.

Tandaan, ang pagsunod sa batas ay obligasyon ng lahat at hindi ng iilan. Sabi nga ng HPG, isa sa mga dahilan ng trapiko ay ang katigasan ng ulo ng mga motorista.

***

Nagpapasalamat tayo sa HPG, MMDA, kay Secretary Almendras at iba pang mga ahensiya ng pamahalaan sa kanilang pagkakaisa at pagsisikap na mapaganda ang daloy ng trapiko sa EDSA.

Ngunit pinakamahalaga pa rin ang suporta ng taumbayan sa ikatatagumpay ng mga programang inilatag ng task force.

Ilang beses na nating napatunayan na kapag nagsama-sama at nagkaisa ang lahat, tiyak ang tagumpay ng isang bagay at mas mada­ling ayusin ang gusot at problema.

Kaya bigyan natin ng pagkakataon ang pamahalaan na ipatupad ang mga programang ito, dahil ito rin ay para sa ating kapakinabangan kapag nagtagumpay!

 

First Published on Abante Online

 

Negosyo, Now Na!: Hamon sa Kalidad (Part 2)

Mga Ka­negos­yo, sa ating huling kolum noong Huwebes, napag-usapan natin ang negatibong epekto ng sunud-sunod na kaso ng food poisoning sa ating maliliit na negosyo.

Kahit mukhang isolated case lang ang mga nasabing food poisoning, malaki pa rin ang epek­to nito sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) na nasa food industry.

Sa mga pangyayaring ito, nakukuwestyon ang paraan ng produksyon pati na rin ang kalidad ng kanilang ibinebentang produkto.

Kamakailan, naging panauhin natin si Florde­liza Abrahan, pinuno ng Product Research and Standards Development Division ng Food and Drugs Administration (FDA) sa ating progra­mang “Status Update”.

Sa ating panayam, maging ang FDA ay na­gulat din sa sunud-sunod na kaso ng food poisoning sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na ang pinakamalaki ay nangyari sa CARAGA region nang maospital ang mahigit isang libo katao na nakakain ng durian candy.

Sa paliwanag niya, saklaw ng FDA na banta­yan ang repackaged at processed na pagkain. Kapag nakapasa na sa standard ng kalusugan at kaligtasan ay binibigyan nila ito ng lisensiya para magbenta.

Ang problema ay hindi lahat ng food products ay nababantayan ng FDA dahil karamihan sa mga ito ay local delicacy na ibinebenta mula sa tinatawag na backyard business o sa loob lang ng bahay ginagawa ang produkto.

Sa mga nakalipas na kaso ng food poisoning, walang FDA certification ang durian candy na nakalason sa libu-libong katao sa CARAGA region.

May certification man ang macapuno candy sa Calamba, na­tuklasan naman na mayroon itong bacterial contamination na dahilan ng pagkalason ng ilang estudyante.

Sa pag-aaral ng FDA, isa sa mga dahilan ng food poisoning ay sa paraan kung paano inihanda ang pagkain. Ayon sa kanya, mahalaga na malinis ang gagamiting sangkap at maayos ang pagkaka­handa nito.

Mahalaga ring tingnan ang wastong storage ng pagkain. Kung madaling masira o mapanis ang pagkain, dapat ito’y inila­lagay sa lugar na tama ang temperatura.

Kailangan ding isaalang-­alang ang oras ng delivery mula sa pinanggalingan patungo sa pagbe­bentahan. Kaya bago kumain, payo nila sa mamimili na tingnan ang label at physical condition ng pagkain bago ito kainin.

***

Mga Kanegosyo, inamin niya na maliit lang ng bahagdan ng MSMEs ang mayroong FDA registration at karamihan ay sa bahay lang ginagawa ang produkto.

Ngunit paliwanag niya, may exemption din ang FDA dahil tanging inirerehistro lang sa FDA ang repackaged at may label na pagkain.

Ngunit kung wala naman, hindi na ito kailangang ipa­rehistro sa ahensya.

Sa ngayon, kumikilos ang FDA katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) upang mahikayat ang MSMEs na magpanatili ng kalinisan sa lugar kung saan ginagawa ang produkto.

Handa naman ang FDA na luwagan ang kanilang requirements para sa maliliit na negosyo upang maiakma sa kanilang kakayahan.

Patuloy rin ang seminar ng FDA at DTI sa maliliit na negosyo para mabigyan sila ng gabay sa tama at ligtas na sistema sa paggawa ng food products.

Pumirma na rin ng kasunduan ang FDA sa mga lokal na pamahalaan upang maturuan sila ng tamang sistema para ma­tiyak na ligtas ang pagkaing ibinebenta sa kanilang nasasakupan.

Sa mga hakbang na ito, umaasa tayo na mababawasan na ang kaso ng food poisoning sa bansa at mawawala na ang pangamba sa mga ibinebentang produktong pagkain sa merkado nang lalo pang lumago ang mga ganitong uri ng negosyo!

 

First Published on Abante Online

 

Bida Ka!: Hamon sa Kalidad (Part 1)

Mga Bida, nitong mga nakaraang buwan, malaking pa­ngamba ang nilikha ng mga balita ukol sa ilang kaso ng food poisoning sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Nauna rito ang pagkaospital ng halos dalawang libong katao matapos kumain ng durian candy sa iba’t ibang lugar sa Mindanao, partikular sa CARAGA Region.

Siyam na estudyante ng Juan Sumulong High School ang naospital matapos kumain ng macapuno candy habang 438 mag-aaral ng Real Elementary School sa Calamba, Laguna ang sumakit ang tiyan at nagsuka matapos kumain ng ice candy at cake.

May mga balita rin ng food poisoning sa Surigao del Sur, Pangasinan, Iloilo City at North Cotabato.

Nag-aalala tayo sa dami ng kaso ng food poisoning sa bansa dahil sa posibleng epekto nito sa mga lokal na negosyo na nagtitinda ng pagkain. Maaaring isolated lang ang mga kasong ito ng food poisoning pero malaki ang tama nito sa buong industriya.

Ito rin ay maaaring mauwi sa takot sa pagbili sa mga street food vendors, na karamihan ay nagsisimula at nagsisikap na maliliit na negosyante. Naaapektuhan ang kanilang kita na umaasa lang sa pang-araw-araw na benta.

***

Mga Bida, ito ang malaking hamon na kinakaharap ng ating micro, small at medium enterprises (MSMEs). Hindi natin puwedeng asahan ang merkado na magbaba ng standard ng kalidad o diktahan ang kagustuhan ng mamimili.

Sa halip, kailangan tayong gumawa ng mga pagkilos upang maitaas ang kalidad ng ating mga produkto at masabayan ang gusto ng mamimili.

Ito ang hamon na dapat harapin at lampasan ng ating mga negosyante. Kailangan nilang magpatupad ng metikulosong pagbabantay sa production line upang makalikha ng de-kalidad at ligtas na produkto para mabawi ang tiwala ng publiko.

Batid natin na hindi ito madaling gawin. Kung minsan, nagiging hadlang pa ang paghahabol natin sa pagtaas ng kalidad, lalo na sa supply at kakayahan ng mga tauhang gawin ito.

Ngunit dapat isipin ng mga negosyante na maganda ang ibinubunga ng dedikasyon sa mataas na kalidad.

***

Tulad na lang ng Rags 2 Riches (R2R), isang social enterprise na gumagamit ng retaso at iba pang materyales para gumawa ng fashion at home accessories.

Sa unang taon nila, mga Bida, maraming produkto ng R2R ang hindi pumasa sa kalidad na itinakda nila. Sa kabiguang ito, nalungkot ang kanilang mga nagtatahing nanay, na madalas nagrereklamo sa masyadong mahigpit na quality control.

Ang kanilang ginawa ay dinala nila ang mga nanay sa isang shopping mall na nagbebenta ng luxury brands at mamahaling mga produkto.

Nakita ng mga nanay ang maaaring magawa nilang produkto – mataas ang kalidad, mahal at binibili ng mayayamang tao.

Mula noon, nagkaroon na sila ng panibagong dedikasyon para gumawa ng de-kalidad na produkto.  Ngayon, kilala na ang mga produkto ng R2R sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

***

Gayundin, malaki ang hamon sa ating lokal na industriya ng pagkain para makatugon sa kalidad na hinihingi ng merkado.

Dapat sunggaban ng ating maliliit na negosyante ang pagkakataong ito upang mapaganda ang kanilang produkto at operasyon para na rin sa kapakanan ng mamimili at ikatatagumpay ng kanilang negosyo. Kakayanin natin ito!

Bida Ka!: Protektahan ang mga Balikbayan Box

Mga Bida, nanggagalaiti sa galit ang milyun-milyong overseas Filipino workers (OFWs) sa bagong patakaran ng Bureau of Customs (BOC) na buwisan at inspeksyunin ang balikbayan box na ipinapadala nila sa mga mahal sa buhay sa Pilipinas.

Sa social media sites, kanya-kanyang pahayag ng galit ang ating mga kababayan sa ibang bansa, hindi lang sa planong pagbubuwis kundi pati sa ginagawang pagbulatlat sa ipinapadala nilang package.

Batay sa mga larawang naka-post sa Facebook, makikita ang umano’y pagkalkal sa iniinspeksyong balikbayan box.
Marami ring OFWs ang nagreklamo na nawala ang ibang laman ng kanilang balikbayan box.

Mga Bida, hindi natin masisi ang ating mga kababayan sa ibang bansa kung ganito ang kanilang nararamdaman sa bagong patakaran.

Marami sa kanila, ilang buwan o taon ang binubuno para mapuno ang isang balikbayan box. Todo ang kanilang pagtitipid para malagyan lang ng tsokolate, de-lata, kendi o ‘di kaya’y damit ang kahon para may maipadala sa mga mahal sa buhay sa Pilipinas.

Ang katwiran naman ng BOC ay may ilang tiwali na ginagamit ang balikbakan box para makapagpuslit ng mga mamahaling gamit nang hindi nagbabayad ng anumang buwis sa pamahalaan.

May iba ring nagpupuslit umano ng armas at droga sa balikbayan box kaya nagdoble sila ng paghihigpit sa inspeksyon.

Totoo man o hindi, hindi pa rin ito katanggap-tanggap sa ating OFWs dahil dagdag na buwis ang kaakibat ng planong inspeksiyong ito ng ahensiya.

***

Marami ang hindi nakakaalam na ang puno’t dulo ng problemang ito ay isang patakarang nakapaloob sa Tariff and Customs Code of the Philippines na huling binago noon pang 1957.

Ito ay ang tinatawag na de minimis, o ang pinakamaliit na ha­laga na puwedeng buwisan sa ipinapadalang balikbayan box o package ng ating mga kababayang OFW.

Sa ngayon, sampung piso lang ang de minimis sa bansa! Ito’y batay sa Tariff and Customs Code of the Philippines na huling i­namyendahan noon pang 1957.

Ito ang pinakamababang de minimis threshold sa ASEAN. Sa buong ASEAN, mga Bida, ang average de minimis ay nasa isandaang dolyar na.

Noong August 26, 2014, inihain natin ang Senate Bill No. 2373, na layong amyendahan ang Section 709 ng Tariff and Customs Code of the Philippines para itaas ang halaga ng de minimis patungong P10,000.

Sa paraang ito, mas mabilis at mas mura na ang pagpapadala ng balikbayan boxes at iba pang package ng OFWs, mga negos­yante at iba pang patungong Pilipinas.

Dahil mas mabilis na ang proseso, mas mabibigyang pansin ng BOC ang pagbabantay sa mga mahahalagang produkto para mapalakas ang koleksyon ng ahensiya.

***

Isa pa sa inirereklamo ng ating mga kababayan ay ang pagkasira o pagkawala ng laman ng ipinadala nilang balikbayan box matapos dumaan sa pag-inspeksyon ng Customs.

Hindi ito katanggap-tanggap, mga Bida. Hindi dapat pahirapan ang OFWs sa pamamagitan ng pagsusuri sa kanilang ipinadala na kadalasa’y nagreresulta sa pagkasira o ‘di kaya’y pagkawala ng mga produkto na kanilang binili para sa mahal sa buhay.

Sa ating palagay, ang dapat binibigyan ng atensiyon ng Customs ay ang malalaking smuggling sa bansa, tulad ng pagpupuslit ng agricultural products at mamahaling sasakyan.

Kaya kasabay ng pagtataas sa de minimis, dapat na ipagpatuloy ang pagsasamoderno ng sistema sa Customs upang mas ma­ging mabilis at maayos ang pag-iinspeksyon, bilang suporta sa mga pamilya ng OFWs.

Ngayong natuon na ang atensiyon ng buong bansa sa isyu ng balikbayan box, tiwala tayo na uusad na ang panukala na­ting itaas ang de minimis.

Gawin natin ito bilang nararapat na suporta sa ating OFWs na siyang matibay na haligi ng ating ekonomiya at mga bagong ba­yani ng ating panahon.

 

First Published on Abante Online

 

 

BIDA KA!: Buwan ng mga Bayani

Mga Bida, kilala ang Agosto bilang buwan ng mga bayani.

Sa panahong ito, ginugunita natin ang alaala ng mga bayani na nagbuwis ng buhay para makamit ang kalayaan na ating tinatamasa ngayon.

Sa buwan ding ito, sinasariwa natin ang alaala at mga nagawa ng tatlong tao na itinuturing nating mga bagong bayani dahil sa iniwan nilang tatak sa demokrasya at malinis na pamamahala.

Anim na taon na mula nang pumanaw ang aking tiyahin na si Corazon “Cory” Aquino noong Agosto a-uno, subalit hanggang ngayon, buhay na buhay pa rin ang kanyang alaala sa ating puso’t isipan.

Hindi natin makakamit ang demokrasya na tinatamasa ng kasalukuyang henerasyon kung wala si Tita Cory.

Nagsilbi siyang inspirasyon at lakas ng milyun-milyong Pilipino para tumayo at kalabanin ang diktadurya na namayani sa bansa ng mahigit dalawang dekada.

Kaya naman hanggang sa huling sandali niya sa ating piling, ipinamalas ng buong bansa ang mainit na pagmamahal sa itinutu­ring na ina ng demokrasya.

Inabot ng halos isang araw bago naihatid siya sa kanyang huling himlayan dahil napuno ang mga kalsada ng nagluluksang mga Pilipino.

Marami nga ang nagsasabi na sa inspirasyon niya nabuo ang ating kampanyang “matuwid na daan” para sa ating bayan.

***

Bukas naman, gugunitain natin ang ika-32 taon ng pagpaslang kay Tito Ninoy.

Ang kamatayan niya noong 1983 ang nagtulak sa mga Pilipino na lumabas at labanan ang diktadurya, maghanap ng pagbabago at kumawala sa kuko ng mapaniil na pamahalaan.

Kaya tatlong taon pagkatapos ng kanyang pagkamatay, nakamit ng mga Pilipino ang tunay na kalayaan sa People Power 1.

***

Noong nakaraang Agosto 17, sumakabilang buhay ang isa ko pa pong tiyuhin na si Butz Aquino. 

Naging malaki ang papel ni Tito Butz sa tagumpay ng People Power Revolution noong 1986. Noong una, wala siyang interes na pumasok sa pulitika ngunit nagbago ang kanyang pananaw kasunod ng pagpaslang sa kanyang kapatid na si Ninoy.

Isa siya sa mga nagtatag ng August Twenty-One Movement (ATOM) at Bansang Nagkakaisa sa Diwa at Layunin (BANDILA) at nanguna sa mga rally at martsa kontra sa diktadurya.

Nang pumutok ang EDSA Revolution, isa siya sa mga unang nanawagan sa taumbayan na magmartsa sa EDSA at suportahan ang mga sundalong nag-aklas laban sa diktadurya.

Tapos noong 1987 at 1992, nanalo siya bilang senador at nanungkulan hanggang 1995. Ilan sa mga iniakda niyang batas ay ang Magna Carta for Small Farmers, Seed Act at Cooperative Code of the Philippines, na siyang nagbigay buhay sa mga kooperatiba sa bansa.

Mga Bida, hanggang namatay siya ngayong taon, naging aktibo s’ya sa pagtulong sa mga kooperatiba sa ating bansa. Naniwala s’ya na sa pagtatag ng mga kooperatiba, mas makakamit ang kaunlaran para sa mga pinakanangangailangan.

***

Mga Bida, sa ngayon, hindi na kailangang magbuwis ng buhay para maituring o ‘di kaya’y matawag na bayani. Sa maliit na pamamaraan, kaya nating sumunod sa yapak nina Tito Ninoy, Tita Cory at Tito Butz.

Kailangan lang na tayo’y magtulungan at magkaisa upang isulong ang lalo pang pag-asenso ng bansa para sa lahat ng Pilipino. Maituturing ding kabayanihan ang pagtulong sa kapwa, kahit sa maliit na paraan, sa lahat ng panahon at pagkakataon.

Sa pamamagitan nito, mabibigyan ng kabuluhan ang pagbubuwis ng buhay ng ating mga bayani at maipagpapatuloy natin ang pag-unlad ng ating bayan!

 

First Published on Abante Online

 

 

Bida Ka!: 2016 budget, pork barrel at insertions

Mga Bida, sa mga susunod na araw at linggo, magiging abala na ang mga senador at kongresista sa pagbusisi ng pambansang budget para sa susunod na taon.

Sa huling taon nito, humingi ang Aquino administration ng P3.002 tril­yon para maipagpatuloy at mapagtibay pa ang natamasang kaunlaran ng bansa sa nakalipas na limang taon.

Kasabay nito, umugong ang mga balita at akusasyon na sa pambansang pondo sa susunod na taon, may “pork barrel” pa rin ito at “insertions”, na sinasabing bagong uri ng pagpapalusot ng pondo.

  ***

Mga Bida, linawin natin ang pork barrel at insertions upang mas maintindihan nating lahat.

Kung pakikinggan ang mga balita at kritiko ng pamahalaan, parang magkahawig lang ang pork barrel at insertions. Ngunit, malaki ang pinagkaiba ng dalawang ito.

Sa dating sistema ng pork barrel, may kalayaan ang bawat mambabatas na maglaan ng bahagi ng pondo sa anumang proyekto na kanilang naisin.

Subalit, ito ang laman ng kontrobersyal na PDAF scam dahil nabulgar na may napuntang bahagi ng pork barrel sa grupo ni Janet Lim Napoles at iba pang pekeng non-government organizations.

Noong 2013, idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang pork barrel, na hindi dapat magtalaga ng proyekto ang mga mambabatas pagkatapos maisabatas ang budget.

***

Iba naman ang insertion, mga Bida. Ang insertion ay ang pag­lalaan ng mga mambabatas ng pondo para sa mga bagay-bagay na mahalaga sa kanila sa panahon ng paghimay ng national budget.

Kailangang alamin natin ang mahahalagang trabaho ng mga mambabatas, kasama na riyan ang “power of the purse” o pagkilatis sa pambansang pondo.

Ang pagkilatis na ito ay hindi lang para mahanap ang katiwalian kundi kalakip nito ang kapangyarihan ng mga mambabatas na magtalaga ng pondo sa mga bagay na mahalaga sa kanila, na siyang tinatawag na “power of the purse”.

Sa Senado, kadalasan, ito’y sa priority projects o sa mga personal na adhikain. Halimbawa, kung edukasyon ang adbokasiya ng senador, maaari niyang dagdagan ang pondo ng state colleges and universities (SUCs).

Sa ating bahagi, dahil nakatuon tayo sa maliliit na negosyo, mas bibigyan natin ang pagdagdag sa pondo sa pagtatayo ng mas mara­ming Negosyo Centers upang matiyak na lalo pang matutulungan ang maliliit na negosyante sa buong bansa.

Dahil nasa distrito sila, titingnan naman ng mga kongresista kung ano ang mga kulang ng kanilang nasasakupan, gaya ng mga kalsada at tulay, na siyang popondohan nila gamit ang proseso sa pag-aapruba ng pambansang budget.

***

Siyempre, mga Bida, kailangan pa ring bantayan upang matiyak na mapupunta ang pondong ito sa tama at walang mawala sa katiwalian ni singko.

Pero ang proseso ng pagtatalaga kung ano ang mahalaga sa mga mambabatas ay kasama sa kapangyarihan na iniatang sa amin nang kami’y ilagay ng taumbayan sa posisyong ito.

Hindi naman maganda na basta isuko namin ang kapangyarihang ito sa Executive Department, na magmimistula na lang tayong “rubber stamp” at tatango sa lahat ng gusto ng pamahalaan.

Mahalaga na kinikilatis natin ang budget, na may kakayahan tayong baguhin ito kung kailangan at ituon ang bahagi nito sa mahahalagang bagay. Ito ang trabaho na hindi natin puwedeng bitiwan.

Malaki talaga ang kaibahan ng pork barrel at insertion ngunit higit pa rito, mahalaga na nakabantay pa rin tayo upang matiyak na magagamit ang pambansang budget sa pangangailangan ng bayan!

 

First Published on Abante Online

 

 

Scroll to top