bam aquino column in abante

NEGOSYO, NOW NA!: Negosyo sa tourist spot

Mga kanegosyo, “ma­ikli ang buhay kaya gamitin natin ito sa mga bagay na kapaki-pakinabang”.

Ito ang isa sa mga “hugot lines” na ginagamit ni Aling Abdulia Libarra bilang panuntunan sa buhay.

Tubong San Vicente, Palawan, iniwan si Aling Abdulia ng kanyang ­asawa matapos ang labinlimang taong pagsasama at naiwan sa kanya ang kaisa-isa nilang anak na si Jay Lowell.

Upang matustusan ang pangangailangan nilang mag-ina, nagtrabaho si Aling Abdulia bilang ­tutor at landscaping artist sa isang resort sa Puerto Princesa.

Noong 1991, nagpasya si Aling Abdulia na iwan ang trabaho upang tutukan ang pag-aalaga at pag-aaral ng anak sa Port Barton, na kilala bilang tourist destination sa lalawigan.

Sa tulong ng itinayong sari-sari store sa Port Barton, natupad ang pangarap niyang mapagtapos ang anak sa kolehiyo.

***

Sa kabila nito, hindi pa rin nawala ang pangarap ni Aling Abdulia na mabigyan ng magandang buhay ang kanyang anak at mga apo.

Noong 2007, nang magbukas ang isang ­sangay ng Taytay sa Kauswagan Inc. (TSKI), isang microfinance organization (MFI), sa kanilang lugar, agad siyang sumali rito at nakakuha ng dagdag na kapital para sa kanyang sari-sari store.

Maliban sa regular na tinda, nagdagdag din si Aling Abdulia ng iba pang paninda, gaya ng ‘ukay-ukay’.

 

Noong 2009, nagpasya silang mag-ina na mamuhunan sa bangka upang magamit ng mga turista sa kanilang island hopping.

Itinayo nila ang ­“Manunggol Booking Office” at bumili ng isang bangka na pinangalanan nilang Uno, na palayaw ng kanyang apo.

Ilang beses ginamit ang kanilang bangka sa shooting ng “Survivor Philippines” ngunit ito’y nasira nang tumaob sa lakas ng alon.

Malaki ang pasalamat ni Aling Abdulia dahil nakakuha siya ng loan sa TSKI upang mapaayos ang bangka.

Sa tulong ng mas ­malaking pautang ng TSKI, nakabili si Aling Abdulia ng ikalawang bangka na tinawag nilang Dos, na palayaw ng ikalawa niyang apo.

Sa paglakas ng kani­lang negosyo, nakaipon si Aling Abdulia ng pambili ng maliit na lupa na tinaniman nila ng rubber tree, na ngayon ay kanila ring pinagkakakitaan.

***

Para kay Aling ­Abdulia, ang ginhawa na tinatamasa ng kanyang pamilya ay bunga ng kanyang paggising tuwing alas-kuwatro ng mada­ling-araw para magbukas ng tindahan at sakripisyo para patakbuhin ang kanilang booking office.

At kahit angat na sa buhay, malaking bahagi pa rin ng kanyang negosyo ang TSKI para makakuha ng dagdag na kapital.

***

Ang TSKI ay isang ­miyembro ng ­Microfinance Council of the ­Philippines Inc. (MCPI), na nag-o-operate sa Visayas at Mindanao.

Ang main office nito ay matatagpuan sa National Highway, Brgy. Mali-ao, Pavia, Iloilo. Ang kanilang mga telepono ay 033-3203-958 at 033-3295-547.

Para malaman ang kanilang mga sangay, bisitahin ang http://www.tski.com.ph.

***

Kung nangangaila­ngan kayo ng tulong at suporta sa pagtayo o pagtakbo ng inyong negosyo, bumisita lang sa Negosyo Center sa inyong lugar. Bunga ang mahigit 400 na Negosyo Center sa bansa ng kauna-unahang batas ko bilang senador – ang Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act.

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

BIDA KA!: Mabungang walong buwan

Mga bida, dalawang mahala­gang panukalang batas na dumaan sa ating komite ang nakapasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado sa unang walong buwan ng 17th Congress.

Noong Lunes, sabay na ina­prubahan ng Senado sa parehong boto na 18-0 ang “Affordable Higher Education for All Act” na nagbibigay ng libreng tuition sa state colleges at universities (SUCs), at ang Free Internet Access in Public Places Act.

Ang inyong lingkod ang tumayong principal sponsor at co-author ng Senate Bill No. 1304 at Senate Bill No. 1277, na parehong itinuturing na prayoridad na panukala ng administrasyon.

Ang Senate Bill No. 1277 naman ang unang panukalang naipasa ng Senado ngayong 17th Congress mula sa Committee on Science and Technology, na akin ding pinamumunuan.

Masaya tayo’t mabunga ang ating panahon sa mayorya at nakapagpasa tayo ng dalawang malaking panukala bago natin tuluyang yakapin ang papel bilang minorya sa Senado.

***

Nagpapasalamat tayo sa mga indibidwal at mga grupo na nagsama-sama upang suportahan ang  panukalang nagbibigay ng libreng tuition fees sa SUCs at scholarship sa pribadong kolehiyo.

Ang kredito sa pagpasa ng batas sa Senado ay hindi lang para sa iisang tao o iisang tanggapan. Ito’y sama-samang pagsisikap ng mga senador, mga indibidwal at mga organisasyon na kasama natin sa layuning ito.

Una nating nais pasalamatan sina Senator Recto na matagal nang isinusulong ang adbokasiyang ito at Senate President Koko Pimentel sa pagbibigay prayoridad sa panukalang ito.
Malaki rin ang kanyang papel upang mapalakas pa ang pinal na bersiyon ng panukala ng Senado, kasama na ang mga amyenda nina Sens. Richard Gordon, Panfilo Lacson at Risa Hontiveros.

Nais rin nating pasalamatan ang mga kapwa ko may-akda na sina Senador Joel Villanueva, JV Ejercito, Sherwin Gatchalian, Francis Pangilinan, Sonny Angara, Loren Legarda, Leila de Lima, Cynthia Villar at Juan Miguel Zubiri.

 

Isang espesyal na pasasalamat din ang nais kong ipaabot kay Sen. Chiz Escudero sa kanyang pagpayag na ipagpatuloy natin ang pagsusulong ng Senate Bill No. 1304 hanggang sa huli kahit inalis tayo bilang chairman ng Committee on Education.

***

Malaki rin ang naitulong nina Commission on Higher Education (CHED) chairperson Patricia Licuanan, commissioners Minella Alarcon, Alex Brillantes, Prospero de Vera at Ronald Adamat sa pagbuo ng panukala sa kabila ng minsa’y ‘di pagkakaunaawan.

Nagpapasalamat din tayo kay Nikki Tenazas at sa mga kaibigan natin sa Unifast, PIDS, COCOPEA, PAPSCU at PBED sa kanilang tulong sa pagtalakay sa iba’t ibang probisyon ng panukala.

Salamat din kay Dr. Ricardo Rotoras ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC) sa pagbibigay niya ng mahalagang pananaw mula sa SUCs. Bilang panghuli, nais kong pasalamatan ang ating mga estudyante na ating inspirasyon sa pagsusulong ng panukalang ito.

Batid natin kung gaano kahirap ang kanilang pinagdadaanan at kinalalagyan at alam natin na kailangang-kailangan nila ang batas na ito.

 Ang pagpasa ng panukalang ito ay isang malinaw na mensahe sa bawat Pilipino na prayoridad ng Senado ang edukasyon at nais natin itong palakasin para sa kasalukuyan at susunod pang henerasyon.

Ang pagbuhos ng pondo sa edukasyon ay pinakamalaking puhunan na maaaring gawin ng pamahalaan dahil ito’y para sa kinabukasan ng kabataan na itinutu­ring nating pag-asa ng bayan.

NEGOSYO, NOW NA!: Women empowerment

Mga kanegosyo, bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month ­nga­yong Marso, itutuloy natin ang pagtalakay sa mga kuwento ng tagumpay ng kababaihan sa pagne­negosyo.

Tuwing napag-uusapan ang isyu ng kababaihan, isa sa mga tinututukan ay ang women empowerment o pagbibigay-lakas sa kanila upang maging produktibong miyembro ng lipunan.

Ito ang pangunahing dahilan kaya binuhay ni Josephine Vallecer ang Roxas Women’s Association of Zamboanga del Norte.

***

Naniniwala si Aling Josephine na makatutulong ang asosasyon upang mabigyan ng kabuhayan ang mga kapwa babae sa Roxas para sa matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.

Ipinanukala ni Aling Josephine na tumutok ang asosasyon sa meat processing at paggawa ng kurtina bilang paraan upang magkaroon ng kabuhayan.

Ito ang napili ni Aling Josephine dahil agad silang makakakuha ng materyales sa paggawa ng kurtina at sangkap na kailangan sa produktong karne.

Sa una, nagdalawang-isip ang mga miyembro ng asosasyon sa plano ni Aling Josephine dahil wala silang kaalaman ukol sa meat processing at paggawa ng kurtina.

Maliban pa rito, isa pa sa kanilang alalahanin ay ang kawalan ng sapat na kagamitan para maisakatuparan ang plano, lalo na sa meat processing na isang kumplikadong proseso.

***

 

Upang masolusyunan ang problemang ito at masimulan agad ang plano ng asosasyon, lumapit si Aling Josephine sa Negos­yo Center sa Zamboanga del Norte.

Sa tulong ng Negosyo Center, nailapit sila sa Shared Service Facilities (SSF) ng Department of Trade and Industry (DTI) kung saan naroroon ang kailangang gamit sa meat processing at paggawa ng kurtina.

Kabilang sa kagamitang ito ay meat grinder, refrigerator, generator, freezer at high-speed se­wing machines.

***

Bukod pa rito, binigyan din sila ng Negosyo Center ng kailangang training para sa 30 mi­yembro ng asosasyon ukol sa meat processing at paggawa ng kurtina.

***

Tinuruan sila ng paggawa ng processed meat products, tulad ng embutido, ham, tocino, longganisa at skinless sausage. Natuto rin ang kababaihan ng Roxas kung paano gumawa ng iba’t ibang disenyo ng kurtina.

Sa opisyal na paglu­lunsad ng Negosyo Center sa Roxas, kabilang sa mga itinampok ay ang kanilang produktong karne at kurtina.

Gamit ang nakuhang kaalaman sa training na ibinigay ng Negosyo Center, sa una ay kaunti lang ang kanilang ginawang mga produkto upang masubok ang pagtanggap ng mamimili sa merkado.

Naging maganda naman ang tanggap ng mamimili kaya nadagdagan nang nadagdagan ang kanilang ginagawang produkto.

Unti-unti na ring nakilala ang kanilang mga produkto sa kalapit na mga lugar, sa tulong na rin ng Negosyo Center at mga local government units.

Sa tulong ng bago nilang kabuhayan, nagkaroon ng dagdag na panggastos ang mga miyembro ng asosasyon para sa pa­ngangailangan ng pamilya.

Ngayong tuluy-tuloy ang asenso ng asosasyon, sunod na target naman nila ang supermarkets, restaurants at resorts.

***

Tuluy-tuloy rin ang pagsuporta ng Negosyo Center sa mga kababaihan na gustong mag-negosyo upang magkaroon ng dagdag na ikabubuhay para sa kanilang pamilya.

***

Ang Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act ang kauna-unahang batas ko bilang senador noong 16th Congress.

Layunin nito na mag­lagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa.

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

BIDA KA!: Kultura ng patayan

Mga Bida, isang panibagong yugto sa isyu ng Davao Death Squad (DDS) ang nabuksan noong Lunes sa pagharap ni retired policeman Arthur Lascañas sa Senado.

Bilang pagbawi sa nauna niyang testimonya sa Senado, sinabi ni Lascañas na totoo ang DDS.

a halos dalawang dekada niya sa grupo, inamin niyang nakapatay siya ng humigit-kumulang 200 katao.

Sa umpisa, ang DDS ay nagsilbing tagapaglinis ng lansangan sa anumang uri ng kriminalidad, gaya ng holdapan at pagtutulak ng ilegal na droga.

Nang tumagal, sinabi ni Lascañas na nagbago ang papel ng DDS at nagsilbi nang personal na hitman, na target ay mga kalaban sa pulitika at personal na kaalitan ng kanilang mga boss.

Sa totoo lang, mas maraming mga tanong ang lumabas sa kumpisal ni Lascañas. Totoo bang kasangkot ang mga nabanggit na mga pulis at opisyal sa kanyang testimonya? Sinu-sino ang higit sa 200 tao na kanyang diumanong pinatay? Meron bang katotohanan na ginawa nilang mass grave ang tinatawag na Laud quarry?

Sa aking pananaw, maraming paraan upang malaman kung totoo nga ang mga sinabi ni Lascañas.

Sumang-ayon sa aking suhestiyon ang Philippine National Police (PNP) na silipin kung tugma sa kanilang record ang mga naikuwentong pagpatay ni Lascañas.

Pati ang Commission on Human Rights (CHR) ay nagbabalak na muling imbestigahan ang isyu ng DDS at bisitahin ang sinasabing libingan ng mga biktima sa Laud quarry kung saan sinabi ni Lascañas na may 200 patay na tao silang inilibing doon.

Importanteng malaman natin ang buong katotohanan sa akusasyon ni Lascañas.

 

***

Napansin ko na habang paulit-ulit na sinasabi ni Lascañas ang bilang ng kanyang mga napatay, wala kang makitang bakas ng pagsisisi sa kanyang mukha.

Paliwanag ni Lascañas, karamihan sa kanyang napatay ay mga kriminal, tulad ng snatcher, drug dealer at holdaper, maliban sa mga kaso na kanyang binanggit sa unang bahagi ng testimonya.

Wala nang aresto o pagdala sa presinto. Basta sa tingin nila salot ka sa lipunan, patay ka na.

Marami sa mga kababayan natin ang may ganito na ring pananaw. Hindi na kailangang dumaan sa proseso na nakasaad sa batas. Mas mainam na lang na patayin ang mga tinaguriang “less than human”.

Dahil sa takot, sa hirap ng buhay o pagiging biktima sa mga krimen, umabot na sa ganito ang pakiramdam ng marami nating kababayan.

***

Ang tanong mga Bida — ang pagpatay at pag-shortcut sa ating sistemang panghustisya lang ba ang solusyon sa problema natin sa droga at sa krimen?

Kung totoo ang testimonya ni Lascañas, ang pagkakaroon ng sikretong grupo na huma-hunting sa mga kriminal ay magkakaroon talaga ng collateral damage o mga tao na damay sa mga patayan.

At lumalabas din na mahirap tanggihan ang temptasyon na pagkakakitaan ang ganitong klase ng kapangyarihan na kayo ay “above the law”.

Napag-usapan na rin natin noon na mayroong mga drug-free communities na walang patayan na nangyari.

Ang ginawa ng mga grupo roon ay ang pagtiyak na buung-buo ang partisipasyon ng Simbahan, mga barangay, socio-civic organizations, mga komunidad at mga kapitbahayan.

Hindi nabibigyan ng tamang pansin ang mga solusyong ito sa droga at krimen na walang anumang patayan na nangyayari.

Mabigat ang mga implikasyon ng testimonya ni Lascañas at marami pang tanong ang kailangang sagutin.

Pero ang pinakatanong sa taumbayan ay ito — tama ba na pagpatay sa kapwa Pilipino ang gamiting solusyon kontra krimen?

NEGOSYO, NOW NA!: Souvenir shop sa Calapan

Ngayong Marso ay ipinagdiriwang natin ang National Women’s Month.

Kaya ngayong buwan, itatampok natin ang mga babae na nagtagumpay sa iba’t ibang larangan ng pagnenegosyo at nakatulong sa pangangailangan ng pamilya.

Mga kanegosyo, mahirap para kay Nanay Gina Agbayani na mawalan ng asawa na katuwang sa pagtataguyod ng panga­ngailangan ng pamilya, lalo pa’t tatlo ang kanilang pinag-aaral na anak.

Maayos ang takbo ng pamilya ni Nanay Gina ngunit biglang nagbago ang lahat nang pumanaw ang kanyang asawa sa karamdaman noong 1989.

Sinikap ni Nanay Gina na tustusan ang panga­ngailangan ng pamilya bilang teacher sa pre-school sa Calapan, Oriental Mindoro.

Subalit kahit anong gawing kayod ni Nanay Gina, hindi pa rin sapat ang kita ng isang pre-school teacher para matugunan ang pangangaila­ngan ng pamilya.

***

Noong 1999, naisipan ni Nanay Gina na ma­ging microentrepreneur at magtayo ng maliit na souvenir shop sa Calapan Pier sa Oriental Mindoro – ang 6MA Souvenir Shop.

Napansin kasi ni Nanay Gina na palaging nagha­hanap ang mga pasahero, lalo na ang mga dayuhan, ng souvenir na maaaring gawing remembrance o gawing pasalubong.

Sa puhunang walong libong piso mula sa isi­nanlang alahas at inutang na pera, nakabili siya ng mahigit 20 t-shirts at grocery items na agad niyang ibinenta. Sa kabutihang palad, tinangkilik ng maraming mamimili ang kanyang munting souvenir shop.

 

Dahil naubos ang una niyang produkto, naisipan niyang dagdagan ang paninda ngunit mangangailangan ito ng panibagong puhunan, na kanyang nakuha mula sa CARD nang walang kolateral.

Ginamit ni Nanay Gina ang dagdag na P5,000 puhunan para makabili ng bag, key chains, pen holders at pitaka na galing pa sa tribo ng Mangyan sa Mansalay.

Nagbenta rin si Nanay Gina ng pamaypay na siya mismo ang nagdisenyo at gumawa. Pumatok rin ito sa mga mamimili, na karamiha’y pasahero ng ferry boats, barko at fastcrafts.

Sa paglago ng kanyang negosyo, naisipan din ni Nanay Gina na magtayo ng isang kainan at dalawang burger stands.

Sa gitna ng tuluy-tuloy na tagumpay, isang matinding pagsubok ang kinaharap ni Nanay Gina nang makitang mayroon siyang breast cancer.

Subalit nalampasan din niya ito, sa tulong ng pananalig sa Diyos at matibay na pundasyon ng pamilya.

***

Sa kasalukuyan, anim na taon ng miyembro si Nanay Gina ng CARD at pumalo na ng mahigit P100,000 ang kanyang nahiram na ipinantustos niya sa pangangailangan ng lumalagong negosyo.

Sunod na plano ni Nanay Gina ay magtayo ng isa pang souvenir shop kalapit ng Blue Hotel sa Mindoro.

Balak ding ilipat ni Nanay Gina ang isa niyang tindahan sa loob ng pier sa iba pang lugar sa Mindoro na dinarayo ng mga turista.

***

Itinuturing na pinakamalaking microfinance institution sa bansa, nagpapautang ang CARD-MRI ng puhunan sa mga nais magsimula ng negosyo nang walang kolateral at sa mababang interes.

Mayroon na silang iba’t ibang sangay sa Pilipinas, na makikita sa kanilang website na www.cardmri.com at www.cardbankph.com.

NEGOSYO, NOW NA!: Buri bayong ng Aklan

Mga kanegosyo, bumisita ako kamakailan sa lalawigan ng ­Aklan nang maimbitahan ­tayong guest speaker sa ika-61 foundation ­anniversary ng lalawigan.

Pagkatapos nating magsalita sa pagtitipon, binisita natin ang isa sa walong Negosyo Center sa lalawi­gan na makikita sa Kalibo.

Maliban sa Kalibo, mayroon pa tayong Negosyo Center sa Ibajay, Altavas, Numancia, Lezo, Makato, Libacao, at Malinao. Nakatakda na ring buksan ang isa pang Negosyo Center sa isla ng Boracay ngayong buwan.

Napakahalaga ng Negosyo Center sa Boracay, lalo pa’t napakaraming negosyo roon na nabubuhay sa turismo. Sa pagtaya, nasa isang milyong lokal at dayuhang turista ang ­dumadagsa sa Boracay kada taon.

Sa huli nating pagbisita sa Aklan, napag-alaman ­natin na labinlimang porsiyento lang ng mga produkto at iba pang pangangai­langan ng mga beach resort sa Boracay ang ­kinukuha sa lalawigan.

Karamihan sa mga produktong ginagamit o ibinebenta sa Boracay ay mula pa Cebu, Bohol, at iba pang kalapit na lalawigan. Ang iba nga, inaangkat pa mula sa mga kalapit-bansa natin sa Southeast Asia.

Sa tulong ng Negosyo Center, hangad namin na 50 porsiyento ng mga produktong bibilhin, kakainin at gagamitin ng mga turista ay ga­ling sa lalawigan ng Aklan upang mapabilis ang pag-unlad ng probinsya.

***

Sa aking pagdalaw sa Negosyo Center sa Ka­libo, nakilala ko si Aling Carmela Tamayo, na dati’y karaniwang maybahay ngunit nagkaroon ng kabuhayan sa paggawa ng buri bayong.

Ayon kay Aling Carmela, ang kanyang ta­lento sa paggawa ng buri bayong ay nakuha niya sa kanyang lola. Sa kuwento ni Aling Carmela, sinabi ng kanyang lola na maka­tutulong ang paggawa ng buri bayong para magkaroon siya ng ikabubuhay.

 

Noong una, libangan lang ni Aling Carmela ang paggawa ng buri ba­yong at kung minsan, nakakabenta sa malapit na kaibigan at kapamilya.

Noong 2015, duma­law si Aling ­Carmela sa Negosyo ­Center sa ­Kalibo upang magtanong ukol sa pagtatayo ng ­negosyo. Nang matuklasan ng mga taga-Negosyo Center ang kanyang galing sa paggawa ng buri bayong, hinikayat nila si Aling ­Carmela na dumalo sa iba’t ibang seminar upang mapaganda pa ang ginagawa niyang bayong.

Pagkatapos, ­sumali rin si Aling Carmela sa ilang trade fair, kung saan natuklasan ng Shangri-La Boracay ang kanyang produkto. Pagkatapos, nakatanggap agad ng order si Aling Carmela mula sa premyadong hotel.

Sa una, nag-order ang Shangri-La ng isang libong buri bayong. Nang pumatok sa kanilang mga kli­yente, umakyat sa pagitan ng 1,000 hanggang 2,000 buri bayong ang kinuha ng hotel mula kay Aling Carmela kada buwan.

Nakilala rin si Aling Carmela sa trade fair si Ding Perez, isang negosyante na nakabase sa Maynila. Dahil pumatok sa Maynila ang eco-bag, naisipan ni Ding na kumuha kay Aling ­Carmela ng maraming buri ­bayong para ibenta.

Hanggang ngayon, tuluy-tuloy pa rin ang dating ng order mula sa Shangri-La at kay Ding.

Noong una, duma­dalo lang si Aling Carmela sa mga seminar ngunit ngayon, isa na siya sa mga trainor na nagtu­turo ng paggawa ng buri ba­yong sa iba’t ibang Negosyo Center sa lalawigan.

Ayon kay Aling Carmela, nakapagaan ng pakiramdam na ­makatulong at magbigay ng trabaho sa ibang tao. Ito’y isa ring paraan para Aling Carmela para makahanap ng dagdag na weaver, lalo pa’t dinadagsa siya ng order para sa buri bayong.

Nagsimula lang si Aling Carmela na may dalawang weaver ngunit ngayon, mayroon na siyang tatlumpu’t anim na weaver. Aakyat pa ang bilang nito sa limampu, lalo pa’t panahon ngayon ng pagdagsa ng mga tu­rista sa lalawigan.

Malaki ang ­pasalamat ni Aling Carmela sa napakalaking tulong na nakuha niya sa Negos­yo Center para mapa­lago ang negosyo na iti­nuro pa ng kanyang lola. Kaya naman hindi siya nanghihinayang na ibahagi ang kanyang kaalaman sa ibang tao.

Sa aking speech sa 61st foundation day ng Aklan, ilang beses kong nabanggit na kayang uma­senso ng mga Pilipino kung mabibigyan lang ng sapat na pagkakataon.

Ang nangyari kay Aling Carmela ay isang nakapakagandang halimbawa nito. Nabigyan ng katuparan ang kanyang pangarap sa pamamagitan ng pagkakataon na ibinigay ng Negosyo Center.

***

Ang Republic Act No. 10644 o Go Negos­yo Act ang kauna-una­han kong batas bilang senador noong 16th Congress.

Layunin nitong mag­lagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad, at lalawigan sa buong bansa upang suportahan ang mga Pilipino na nais magsimula ng sariling negosyo o tulu­ngang mapalaki ang kasalukuyan nilang negosyo.

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa ­inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

BIDA KA!: Tuluy-tuloy pa rin ang serbisyo!

ga Bida, naging madrama ang pagbubukas ng sesyon noong Lunes nang hubaran ang ilang miyembro ng Liberal Party ng mahahalagang posisyon sa Senado.

Tinanggal si Sen. Franklin Drilon bilang Senate President Pro Tempore at pinalitan ni Sen. Ralph Recto.

Ang inyong lingkod naman ay pinalitan ni Sen. Chiz Escudero bilang chairman ng Committee on Education.

Inalis naman sina Sens. Francis Pangilinan at Risa Hontiveros bilang pinuno ng Committee on Agriculture at Health at pinalitan nina Sens. Cynthia Villar at JV Ejercito, ayon sa pagkakasunod.

Ang pagkilos na ito ay nangyari dalawang araw matapos kaming magmartsa sa EDSA at sumali sa pagdiriwang ng ika-31 anibersaryo ng People Power 1 noong Sabado.

***

Sa pangyayaring ito, nasampolan ang mga miyembro ng LP dahil sa aming pagtutol sa ilang polisiya na isinusulong ng pamahalaan, tulad ng death penalty at pagbaba ng age of criminal liability.

Tinamaan din ang partido sa aming pagsasalita ukol karahasan na nangyayari sa ating mga lansangan, isyu ng demokrasya­ at aming pagsuporta kay Senadora Leila De Lima.

Kung ito ang kapalit ng aking pagsasalita tungkol sa ­demokrasya at kalayaan at pagtutol sa karahasang pumapaligid sa ating mga komunidad, malugod ko itong tatanggapin.

***

 

Kung titingnan, maganda ang naging trabaho ng Committee on Education ngayong 17th Congress.

Katunayan, tinatalakay na sa plenaryo ang dalawa sa pinakamahalagang panukala na tinututukan ng komite sa ngayon  ang Free Tuition Fees in SUCs Act at Pagkaing Pinoy Para sa Batang Pinoy.

Wala ring tumutol na senador sa aking pahayag sa sesyon na ang pag-alis sa inyong lingkod ay hindi ukol sa aking trabaho bilang committee chairman.

Tumayo rin si Senadora Grace Poe upang batiin ang maganda nating trabaho bilang pinuno ng education ­committee.

Sa kabila ng nangyari, mananatili pa rin ang ating suporta sa ilang mahahalagang panukala at reporma na ating sinimulan bilang chairman ng Committee on Education.

Nagpapasalamat naman tayo dahil gusto rin ni Sen. Escudero na ipursige ang mga ito, lalo na ang libreng tuition fee sa state colleges at universities at feeding program sa ating mga paaralan.

***

Nagbago man ang ating kalagayan, patuloy pa rin ang ating paglilingkod at pagbabantay sa kapakanan ng taumbayan.

Hindi pa rin mababago ang ating posisyon sa mahahala­gang isyu. Tuloy pa rin ang pagtutol natin sa death penalty at pagpapababa sa edad ng criminal liability.

Nang kami’y sumali sa supermajority noon, isa sa aming mga isinulong ay ang pagiging malaya ng Senado sa pamumulitika at ang kahandaan na isantabi ang partido para sa mahahalagang reporma.

Ngayong wala na kami sa mayorya, umaasa kaming mananatili ang imahe ng Senado bilang institusyon na malaya, hindi nababahiran ng pamumulitika at may sariling pagpapasya sa importanteng isyu ng bansa.

NEGOSYO, NOW NA!: Negosyong de-padyak

Mga kanegosyo, sa kagustuhang mabigyan ng magandang buhay ang pamilya, napilitan si Nanay Corazon Clave na sila’y iwan upang magtungo sa Lebanon at Dubai para magtrabaho.

Masaklap ang kapalaran ni Nanay Corazon sa kanyang naging mga amo sa Lebanon. Maliban sa pananakit, madalas pa siyang ikinukulong ng mga amo at hindi pinapakain sa tamang oras.

Ngunit natiis itong lahat ni Nanay Corazon para sa kapakanan ng pamilya. Nang matapos ang kontrata sa Lebanon, muli siyang sumugal at nagtungo naman ng Dubai.

Makalipas ang tatlong taon sa ibang bansa, nagbalik si Nanay Corazon dala ang kaunting naipon mula sa pagtatrabaho sa ibang bansa at ginamit sa pagpapatayo ng bahay para sa pamilya.

Upang may maitustos sa pangangailangan ng pamil­ya, nagtrabaho si Nanay Corazon bilang kasambahay sa isang pamilya sa Los Banos, Laguna sa loob ng limang taon.

***

Noong 2006, may nagsangla kay Nanay Corazon ng pedicab. Habang tinitingnan ang pedicab, nagka-ideya si Nanay Corazon na ipabiyahe ito sa kapitbahay para kumita habang hinihintay na matubos ng may-ari.

Makalipas ang ilang araw, napansin ni Nanay Corazon na mas malaki ang kita sa pedicab kung marami siyang unit na bumibiyahe.

Doon niya naisipang mangutang sa CARD ng pitong libong piso upang tuluyan nang mabili ang isinanlang pedicab at magdagdag ng lima pang unit.

Mismong mga kabaranggay ang kinuha nilang driver na nagbabayad sa kanila ng boundary na singkuwenta pesos kada araw.

 

Mula sa kanilang araw-araw na kita, bumili pa sila ng dagdag na unit hanggang sa ito’y umabot sa 30 pedicab.

***

Maliban dito, sinimulan din ni Nanay Corazon na magtanim ng ornamental plants sa bakanteng lote ng kanyang bahay.

Gamit ang puhunang P500, nagtanim si Nanay ng halamang melalone, sensation, pakpak-lawin at silog na pumatok naman sa mga taga-Los Banos at iba’t ibang bahagi pa ng Laguna.

Sa ngayon, nasa P600,000 na ang taunang kita ng kanilang negosyong pedicab at ornamental plants.

Balak ni Nanay Corazon na gamitin ang naipon upang magtayo ng maliit na grocery at panaderya para sa mga anak.

Hindi naging katuparan ang tagumpay ni Nanay Corazon kung wala ang tulong na ibinigay ng CARD-MRI, ang pinakamalaking microfinance institution sa bansa.

Nagpapautang ang CARD-MRI ng puhunan sa mga nais magsimula ng negosyo nang walang kola­teral at sa mababang interes.

Mayroon na silang iba’t ibang sangay sa Pilipinas, na makikita sa kanilang website na www.cardmri.com at www.cardbankph.com.

BIDA KA!: Ang pagdiriwang ng EDSA People Power

Mga Bida, gugunitain natin sa Sabado ang ika-31 anibersaryo ng EDSA People Power 1.

Sa halip na gawin sa nakasana­yang People Power Monument, gagawin ng pamahalaan ang pagdiriwang sa loob ng Camp ­Aguinaldo.

***

Para sa akin, iginagalang natin ang desisyong ito ng pamahalaan. Ito’y isang karapatan na hindi ­natin maaalis sa kanila.

Subalit hindi rin maaalis ng pamahalaan ang karapatan ng iba’t ibang grupo na magsagawa ng hiwalay na pagdiriwang para gunitain ang makasaysayang pangyayaring ito sa bansa.

Naniniwala ako na ang People Power ay para sa taumbayan at marapat lang na bigyan sila ng karapatan na ipagdiwang ito sa paraan na kanilang gusto.

Sa ngayon, may plano na ang February 25 Coalition ­para sa paggunita ng mapayapang rebolusyon na nagpatalsik sa diktaduryang Marcos.

Ang February 25 Coalition ay binubuo ng iba’t ibang grupo,­ kabilang ang mga biktima ng kalupitan noong ­martial law at millenials na mulat sa mga nangyari sa panahon ng diktadurya.

Magsisimula ang itinakdang rally ng February 25 ­Coalition sa Barangay White Plains sa Quezon City ­bandang alas-kuwatro ng hapon.

Susundan ito ng martsa patungong People Power Monument, kung saan madalas gawin ang pagdiriwang sa nakalipas na mga taon, para magsagawa ng programa.

 

***

Nag-iba man ang pamahalaan sa paraan ng pagdiriwang, hindi pa rin maaalis ang napakalaking ambag ng taumbayan­ sa tagumpay ng People Power 1.

Ito ang panahon na tumayo ang taumbayan at ipinakita ang kapangyarihan at lakas laban sa militar, sa mga opisyal­ ng pamahalaan at sa kapulisan.

Sa panahong iyon, tumayo ang taumbayan para sa ­demokrasya, tumayo tayo laban sa katiwalian at nanindigan tayo para sa mabuting pamamahala.

Ito ang yugto ng ating kasaysayan na nagawa natin ang bagay na tila imposible ng mga panahong iyon.

Ang tila matibay na pader ng diktadurya, nagiba ng sama-­samang puwersa ng milyun-milyong katao na dumags­a sa EDSA.

Ito ang bagay na dapat ipagmalaki at panatilihing buhay ng lahat ng Pilipino, sa kabila ng pagkakaiba ng ating mga pananaw at prinsipyo sa buhay.

NEGOSYO, NOW NA!: Seaweed business sa Oriental Mindoro

Mga kanegosyo, matapos maisabatas ang Go Negosyo Act noong 2014, isa sa mga unang nagbukas na Negosyo Center ay matatagpuan sa Calapan City, Oriental Mindoro.

Dalawang taon mula nang ito’y magbukas noong Nobyembre 2014, halos dalawang libong kliyente at maliliit na negosyante ang natulungan nito.

Kabilang dito ang Samahan ng mga Manggagawa sa Balatasan o SAMASABALATASAN, na nakabase sa Brgy. Balatasan sa munisipalidad ng Bulalacao, Oriental Mindoro.

Bago nabuo ang samahan, pangunahing ikinabubuhay ng mga pamilya sa barangay ay pangingisda at pagsasaka.

Sa kuwento ni Marife dela Torre, isa sa mga unang miyembro ng samahan, nabuo ito sa pagsasama-sama ng 17 katao na nagpasyang pasukin ang pagnenegosyo ng seaweeds noong 2005.

Ayon kay Marife, wala silang kakumpitensiya pagda­ting sa paggawa ng seaweed noodles at pickled seaweed dahil walang ibang nagnenegosyo nito sa Oriental Mindoro.

***

Gaya ng ibang mga bagong negosyo, dumaan din sa pagsubok ang asosasyon.

Sa unang taon ng kanilang operasyon, nahirapan sila sa paggawa ng seaweed noodles at pickled seaweed dahil sa limitadong budget at kagamitan.

Sa una, lumapit sila sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan gaya ng Department of Agrarian Reform (DAR), na nagrekomenda sa kanila sa ibang ahensiya tulad ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of S­cience and Technology (DOST).

 

Sa tulong ng Department of Trade and Industry-Oriental Mindoro, sumailalim ang mga miyembro ng asosasyon sa iba’t ibang training gaya ng product development at basic computer literacy training.

Sa pamamagitan ng DTI, nakasali rin ang asosasyon sa iba’t ibang trade fair.

***

Nang magbukas ang Negosyo Center sa Calapan, isa sa mga una nilang bisita ay ang mga miyembro ng samahan.

Malaki ang naitulong ng Negosyo Center sa pagpapaganda ng kanilang produkto at pagdisenyo ng mga packaging nito upang maging kaakit-akit sa mamimili.

Panay din ang balik ng mga miyembro ng samahan sa Negosyo Center upang humingi ng payo ukol sa iba’t ibang sistema ng pagnenegosyo, na walang atubiling ibinigay sa kanila ng business counselors.

Malaki rin ang naging pakinabang ng samahan sa Shared Service Facility program ng Negosyo Center sa paggawa ng kanilang mga produkto, maliban pa sa tulong na makasali sa trade fair at makakita ng bagong merkado.

Ayon kay Marife, malayo na ang narating ng samahan sa tulong ng DTI at ng Negosyo Center.

Sa kasalukuyan, lumaki na ang kanilang hanay mula 17 patungong 90 miyembro at nadagdagan na rin ang kanilang produkto ng seaweed instant cup noodles, crac­kers, seaweed shampoo bar at sabon.

Nakarating na rin ang kanilang mga produkto sa Iloilo at Occidental Mindoro. Kinukumpleto na lang nila ang requirements ng Food and Drugs Administration (FDA) para makapagbenta sa mga tindahan sa Metro Manila.

***

Ito ay ilan lang sa mga tulong na makukuha sa Negosyo Center, mula sa product development hanggang sa paghahanap ng bagong merkado.

Itinayo ang Negosyo Center para tumulong sa bawat hakbang ng proseso ng pagnenegosyo.

***

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

Scroll to top